Di ko maintindihan kung bakit patok na patok ang summer. Ang naiisip ko kasi 'pag summer, skin cancer, balakubak, body odor, dark underarms, hairy underarms, bungang araw, migraine, dehydration, oily face, at malagkit na balat.
Overrated ang summer.
------
Nagising akong basang-basa ang higaan. Puwede nang pigain ang pawis. Akala ko no'ng una, brownout lang, di kasi gumagana ang electric fan. 'Yon pala, nagrebelde ang electric fan. Napuno na yata dahil sa umagatanghaligabing pagtatrabaho para malamigan lang ang kanyang amo. E di pinagpahinga ko muna. Ilang sandali lang, nang di ko na makayanan ang pagkatunaw ng katawan ko, binuksan/sinindihan/pinagana ko ang electric fan. Happy New Year! Sumabog ang kaisa-isang electric fan dito sa bahay. 'Yong electric fan na minana ko sa mga dati kong housemate.
Kung kelan nagbabaga ang Metro Manila.
------
"We regret to inform you that we will no longer require your services and we wish you all the best in your future endeavors." Di na ako nagulat dito. Sa simula pa lang, ramdam ko nang pinag-iinitan ako ng editor. Na kesyo nahihirapan daw intindihin at basahin ng mga Intsik na businessman ang sinusulat ko. Na kesyo masyadong academic daw ang sinusulat ko at di bagay sa isang magazine. Na kesyo hirap daw sila sa pag-eedit sa mga articles ko. Blah blah blah. Ok lang. di ko pinangarap magtrabaho sa isang magasing binobobo ang mambabasa.
------
Umulan.
Summer na summer, biglang umulan. Ang saya.
Sigurado ako, iniisip n'yong corny ako. Na ginamit ko ang ulan para maawa kayo sa kalagayan ko. Na hindi ako magaling na writer dahil lalo kong dinadrama ang drama. Ang totoo n’yan, nainis ako sa ulan kanina. Hindi kasi nilubos ang pagbuhos. Parang bumahin lang ang langit. Pinasingaw lang ang init ng lupa at mga yero. Dahil sa kapiranggot na ulan at sa singaw ng lupa, naging isang malaking oven ang apartment.
Monday, May 5, 2008
Summer, Electric Fan, Trabaho, Ulan
Posted by Tonton at 9:37 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment