Friday, May 2, 2008

Oh-Em-Gee! Muntik na akong Papakin ng Daga!

Dali-dali akong bumangon. Dali-dali? Di naman ako nagmadaling bumangon. Pa’no ko ba ide-describe? Kasi, pag sinabing nagmadali, conscious ka sa action mo. E, nagising ako kasi pakiramdam ko may ngumangatngat sa daliri ko. Siyempre, di ko naman inisip na kailangang magmadali akong bumangon. Bago ko pa man naisip na bumangon, nakatayo na ako. Napatalon? Di naman ako napatalon talaga. Napabalikwas yata ang tamang verb. A, alam ko na. Alam mo ‘yong sarap na sarap kang natutulog, tapos bigla kang magigising dahil papuputukin ng mga lokong kaibigan ang lobo sa harap ng mukha mo? Tapos pagtatawanan ka nila dahil mukha kang ewan. Mismo. Ganyang-ganyan ang nangyari sa akin.

Binuksan ko agad ang ilaw. Tiningnan kong maiigi ang hintuturo ko. Tama ang hinala ko, may bubwit nga na ngumatngat sa kalyo sa hintuturo ko. Nagtaasan ang mga balahibo ko sa batok. Alam kong gabi-gabi, dinadaan-daanan ako ng mga ipis habang natutulog. Pero hindi ko ma-imagine na pinagtitripan din pala ako ng mga bubwit. Nakakadiri. Buti sana kung ginawa lang nilang pasyalan ang katawan ko. Parang Luneta. Hindi, e. Ang tingin nila sa akin, pagkain. Naalala ko tuloy ‘yong mga napapanood ko sa TV. ‘Yong mga baby na pinapapak ng mga hinayupak na daga. A, kaibigang daga pala (gano’n daw dapat ang tawag sa kanila para di magalit).

Kahit kalyo lang ang nangatngat ng kaibigang bubwit, sinabon ko nang sinabon ang daliri ko. Halos mapudpod sa kakukuskos. Binuhusan ko rin ng alcohol, para ma-disinfect. Di ko pinangarap mamatay sa leptospirosis. Leptospirosis. Di ako sigurado kung nakukuha rin ang sakit na ‘yan sa kagat ng kaibigang daga. Ang alam ko, nakukuha ‘yan sa tae at ihi nila. Nakita ko ang bubwit sa may pinto habang nililinis ko ang daliri. Sobrang liit. Parang ‘yong mga dagang plastic na ibinebenta sa may overpass sa Philcoa. Kalbo. Ang cute. A, hindi cute. Nakakadiri. Parang pinaliit na galising tuta.

Kailangan ko ng Racumin.

0 comments: