Sunday, May 25, 2008

Bugbugan, Iyakan, Hiwalayan

Uunahan ko na kayo. Hindi 'to tungkol sa akin. Una, di ako bayolenteng tao (pero nagiging Hulk Hogan din minsan lalo na kung gutom na gutom na at malata ang kanin). Pangalawa, di ako iyakin. Huling umiyak ako nang mauntog ang noo ko sa edge ng mesa. A, meron pa palang mas recent. Kung ano 'yon, di ko na sasabihin. Pangatlo, di naman uso sa akin ang rela-relasyon kaya walang hiwalayang nangyari.

Balik tayo sa pamagat ng blog entry. Tungkol to sa kapitbahay kong mag-asawa. Actually, sa mahigit isang taon kong pagkukulong ko sa lungga ko, di ko pa sila nakikita. Pero may tenga naman ako at sapat na ang mga naririnig ko para gawin silang bida sa entry na 'to.

Bugbugan.

'Pag nakakarinig ako ng kalampagan at sigawan, alam ko na ang nangyayari. Walang pinipiling oras ang giyerahan ng mag-asawang 'to. 'Pag umaatikabo na ang aksiyon, 'pag nagkakabasagan na ng mga plato at 'pag nagkakabalibagan na ng katawan, pinapatay ko ang ilaw sa unit ko at nag-uusyoso sa may bintana. Di ko alam talaga kung ano ang problema nila, pero sa palagay ko, may ibang babae si lalaki.

Gusto kong makialam, pero parang ayaw ko rin. Minsan, di ako nakatiis. Kachat ko no'n ang kaibigang si Bebang, dating co-anchor sa programang Pag-ibig, Seksuwalidad at Relasyon sa DZME 1530 khz. Sabi niya, kung ayaw ko raw tumawag sa kinauukulan, siya raw ang gagawa. Sabi ko, ayos lang, basta 'wag niyang ibibigay ang pangalan ko. tatawag na sana siya nang tumigil ang bugbugan. Sabi ko, baka naglalabing-labing na ang mag-asawa.

Iyakan.

Madals, kung walang labing-labing, naririnig ko ang iyak ng babae. Pinapatigil ng lalaki ang pag-iyak ng asawa: "Di ka titigil sa pag-iyak? Ha? Ha? Ayaw mong tumigil? Gusto mong makatikim?" Nai-imagine ko, base sa pattern ng pag-iyak, nakaamang ang kamao ng lalaki sa mukha ng babae. 'Pag di pa rin tumigil, magsisisigaw at magbabasag ng kung anu-ano ang lalaki. At kung di pa rin mapatahan ang asawa, magwo-walk out ang lalaki.

Hiwalayan.

Ilang linggo na ring walang World War. Matapos kasi ng latest nilang giyera, lumipat na sila ng tirahan. 'Yun ang akala ko. Kaninang umaga, nagising ako dahil sa isang malakas na iyak. 'Yung babae. Ikinukuwento sa ilang mga kapitbahay ang nangyari sa kanilang mag-asawa. Siyempre, nakiusyoso ako. Di ko siya nakikita dahil nasa loob lang ako ng bahay. Nilinis ko ang tenga para marinig ang usapan nila.

Ang sabi ng babae, ilang linggo na raw i nagpapakita sa kanya ang asawa. Di rin daw alam ng mga magulang ng lalaki kung nasa'n siya. Akala raw niya, nasa Mindanao. Pero wala raw siya do'n. Iyak siya nang iyak lalo na no'ng mag-alala siya kung pa'no bubuhayin ang anak nila. Sa pagkakarinig ko, saka lang tumanggap ng trabaho ang babae matapos makipaghiwalay sa asawa. Ayun, nag-a-ala Joe D' Mango at Tiya Dely ang mga kapitbahay

Kinuha ng babae ang mga natitirang gamit sa bahay. Pero halos wala na raw mapakinabangan dahil sira-sira na ang TV, aircon, at electric fan at basag-basag na rin ang mga plato.

Pagkaalis ng babae, narinig kong may mag-asawang nag-i-inquire sa landlady kung magkano ang upa sa bahay.

2 comments:

Anonymous said...

"pero nagiging Hulk Hogan din minsan lalo na kung gutom na gutom na at malata ang kanin"

-natawa naman ako dun. :)

Tonton said...

hehe. nagiging bayolente talaga ako pag gutom.