Friday, May 30, 2008

Iyakin

Nabanggit ko sa isang blog entry na di ako iyakin. Ang totoo n'yan, iyakin ako no'ng bata ako. Di naman talaga iyakin, medyo mababaw lang ang luha ko no'n. Lalo na 'pag nanonood ng mga nakakaiyak na pelikula. Naiyak ako sa "Hihintayin kita sa Langit" at "Land Before Time". At opo, pati sa "Conan the Barbarian". Ewan ko kung bakit. Baka nasindak lang ako sa mga ugat sa masel ni Arnold Schwarzenegger.

E, ayokong nakikita akong umiiyak no'n. Ang ginagawa ko, 'pag malapit nang tumulo ang luha ko, kunwari iihi lang ako sa labas ng bahay. Tapos do'n ko na pupunasan ang luha. E, ang mga pinsan kong asar, minsan sinundan ako. Ayun, buking. Asar-talo tuloy ako sa kanila.

Ang huling nagpaiyak sa akin ay ang "The Kite Runner" at ang all-time favorite kong "Eternal Sunshine of the Spotless Mind". Milyong beses ko nang pinapanood 'to, pero hanggang ngayon, di ko pa ring mapigilang maluha sa kuwento nina Joel at Clementine.

ANg mga kaibigan ko, mabababaw ang luha. Si Mako, ay, ito ang numero uno sa iyakan. Ang lakas ng mga hikbi niya no'ng nanood kami ng "Kung ako na lang Sana" sa Megamall". Hanggang ngayon, feeling ko, di pa rin siya maka-get over sa "Grave of the Fireflies" at "Dancer in the Dark". Si Queenie, sinabi niya sa aking natuyuan daw siya ng luha sa "Evita" ni Madonna. Si Anne Marie, walang babala, bigla na lang naiyak sa pinapanood naming Thai comedy na may pamagat na "Metrosexual".

Pero ngayon, di na ako masyadong naiiyak sa mga pelikula. Lalo na sa mga melodramang dinadrama pa. 'Yong mga tipo ng pelikulang iniiyakan ko no'ng bata ako, tinatawanan ko na lang ngayon.

0 comments: