Sunday, May 4, 2008

Raket

Ilang taon na rin pala akong nabubuhay sa paraket-raket lang. Nakakapagod, pero pinagti-tiyagaan ko na lang. Ok na ‘yon, kesa naman maburyong ako sa kauulit ng “Hi, how may I help you” o “Thank you for calling” sa call center. Bukod sa matigas pa sa bato ang dila ko, madaling magpanting ang tenga ko. Baka ma-putang ina ko lang ang mga tatanga-tangang kostumer. ‘Wag na. ‘Yoko nung napaliligiran ako ng mga hilaw na Inglisero’t Inglisera. Baka pagpuputul-putulin ko’ng mga dila nila. ‘Yoko rin ‘yong de-numero ang bawat kilos. ‘Yong segu-segundo, minomonitor ka ng supervisor. ‘Yong pati pag-ihi, inoorasan. Ayokong maging robot. ‘Wag na, uy.

Basta, napapaso ako sa opisina kaya hindi ako tumatanggap ng mga trabahong ikukulong ako sa kahong de-aircon. Siguro, kung tatanggap ako ng permanenteng trabaho (aba, parang ang trabaho ang lumalapit sa akin, a), baka ‘yong pagiging guro. Sabagay, pamilya naman kami ng mg guro. Si kuya, high school teacher. Si mama, sa elementary. Si Tita Aura, principal sa St. Joseph sa Cabanatuan. Si Tita Fe, assistant principal sa Vocational sa Isabela. Si Tito Ely, nagtuturo sa Sultan Kudarat. Si Tita Nanet at mga pinsan kong sina Ate Karen, Ate Grace, Ate Donna, Angie, mga guro rin.

Pero iba na’ng uso ngayon. Kung hindi call center, nursing. Si Girlie, ‘yong kaibigan ko no’ng college, graduate ng Pol Sci sa UP. Pero kumuha ng nursing. Nasa States na ngayon, kasama ‘yong napangasawang pinoy na nurse. Si Kuya Mark, orgmate/dormmate/classmate/provincemate/inomate (kainuman, ang corny) ko, nag-nursing sa Fatima. E, graduate kaya ng Public Administration sa UP ang mokong na ‘yon. Balita ko, nasa ibang bansa na rin siya ngayon. Sina April, Andrea, at Sheila, mga pinsan ko, malapit na eing lumipad papuntang States. E, di maganda, sama-sama sila ng tita kong ilang dekada nang nurse do’n.

Muntik na nga rin akong kumuha ng nursing dati. Gusto ko kasing nagsusuot ng puti. Parang ang linis-linis tingnan. Tsaka nagmumukhang guwapo talaga ‘pag nakasuot ng puti. Pero nasusuka ako ‘pag iniisip ko ang pagtalsik ng dugo sa puting tela. Di ko kaya. A, ewan. Baka nga maging guro rin ako, eventually. ‘Yon nga lang, medyo may pagka-antisocial ako. Di bagay sa isang guro. Sabagay, kung sa UP nga, maraming gurong antisocial. Puwede rin siguro akong magturo. ‘Wag lang akong pagtindahin ng sopas o ice candy o tocino.

Maliban sa niraraket ko ngayon, may iba pa akong pinagkakaabalahan. Nagsusulat din ako ng horror stories at freelance reporter sa isang monthly business magazine. P1,500 per article ang bayaran. Ang baba, ‘no? Ayos lang, gusto ko lang kasing nakikita ang pangalan ko sa magazine. Medyo nakakainis lang ‘pag dinidiktahan ng editor kung pa’no ako magsulat. ‘Yong huling sinulat ko, tungkol sa agricultural export ng China, ang boring daw. Dapat daw, gan’to. Dapat daw, ganyan. Ang lead, gawing mas creative. Ang mga sentence, mahahaba. Ang mga heading, lagyan ng kuwela. Nauubos daw ang oras niya sa pag-eedit ng article ko. Buti na lang di kami magkaharap no’ng sinabi n’ya sa ‘kin ‘yon. Baka napugutan ko siya kung saka-sakali. Editor lang siya. Kung wala kaming nagsusulat, wala siyang ie-edit. Wala siyang trabaho.

Bakit nga ba tungkol sa mga raket ko ang sinusulat ko ngayon? Wala lang, di ko pa kasi ako binabayaran do’n sa huling tinrabaho ko.

3 comments:

bwisit! said...

aba, isa ka rin palang raketista! korams, kabwisitan kapag chinechenes ng editors ang gawa mo.

in fairness, naaliw ako sa blog mo hehehe!

Tonton said...

at ngayon ko lang nabasa ang comment mo, ano? haha. sana hanggang ngayon, naaaliw ka pa rin sa mga pinagsususulat ko.

Anonymous said...

go to http://www.2-spyware.com/remove-macatte-antivirus-2009.html it will show you [url=http://gordoarsnaui.com]santoramaa[/url]