Saturday, February 9, 2008

Usapang Suicide

Hindi ako nakatulog kagabi. Natakot akong bangungutin, kunin ang kutsilyo, at pagsasaksakin nang walang humpay ang sarili. Naliligo sa sariling dugo. Gilit ang leeg. Wakwak ang tiyan. Labas ang bituka. Wala naman akong suicidal tendency, 100% sure ako riyan. Natakot lang talaga ako sa pinanood ko: "Akumu Tantei" (Nightmare Detective).

Japan, isang bansang may mataas na suicide rate, ang setting ng kuwento. Sa pelikula, tatawagan sa cell phone ng isang gusto nang magpakamatay ang lalaking nagngangalang "O". Ito ang mangyayari: magpapapakamatay sila over the phone. Makikita ng manonood na sasaksakin ni "O" ang sarili, at pag turn na ng nasa kabilang linya para magpakamatay, isang misteryong nilalang ang brutal na papatay sa kanya.

Ito ang twist: Nangyayari ang lahat pag tulog na ang tumawag. Pumapasok sa panaginip niya si "O" at saka niya ito papatayin. Pero ang totoong nangyayari, ang biktima ang pumapatay sa kanyang sarili habang siya ay natutulog.

Dito ako natakot.


May isang eksena sa pelikula na habang nilalabanan ng babaeng bida (isang detective na sinubukang kausapin sa cell phone si "O") ang antok, itinago niya lahat ng matatalim na bagay para wala siyang ipansaksak sa sarili sakaling bangungutin. Akala niya, naitago na niya ang lahat. Pero nang i-angat niya ang unan, may nakita siyang kutsilyo. HIndi niya alam kung gising pa siya o binabangungot na.


Siyempre, kinabahan din ako. Sinampal-sampal ko ang sarili para siguraduhing gising ako. Ibinalot ko sa newspaper ang kutsilyo sa bahay at itinago ko sa cabinet. Ni-lock ko pa para sigurado. In-off ko rin ang cell phone ko. Kung kaya ko nga lang igapos ang sarili, igagapos ko talaga.
Gusto ko na talagang tawagan ang ilang kaibigan at makiusap na dito na lang sa place ko matulog. Para at least, may magbabantay, kung sakali mang may gawin akong masama sa sarili. Seryoso, napraning talaga ako sa pelikulang 'to. Big time.
Pinapasok din ni "O" ang panaginip ng mga taong nagsasabing never pumasok sa isip nila ang magpapakamatay. Sina-suggest kasi sa pelikula na lahat ng tao, sa kaloob-looban nila, may maliit na boses na nagtutulak na magpakamatay sila. Dito nagka-capitalize si "O".

Ang morbid ng iniisip ko matapos ang pelikula: "What if, kahit gaano ako ka-optimistic sa buhay, masulsulan ako ng boses na 'yon na magpakamatay? What if, hindi na ako magising kinabukasan?"

At ang creepy, may ilang lines sa pelikula na paulit-ulit. Hypnotic. Pati ang tono, parang nanghi-hypnotize. Sabi ko sa sarili, hindi kaya may underground suicide circle sa Japan, at ginagamit ang pelikulang ito bilang instrumento para manghikayat ng suicide?

(Siya nga pala, gusto ko ring panoorin ang "Suicide Club", Japanese film din)

Sigurado ako sa sarili na wala sa hinagap ko ang kitlin ang sariling buhay. Mahal ko ang sarili at maraming nagmamahal sa akin, kaya walang rason para magpakamatay.

Pero kung iisiping maiigi, lahat naman tayo ay nasa kasalukuyang proseso ng pagpapakamatay. Ang pagyoyosi at pagtungga ng alkohol ay katumbas ng pag-inom ng lason. Ang pagbubuga ng usok sa sasakyan, pagtapon ng dumi sa ilog, at pagsiga ng mga basura ay parang pagbibigti lang. Ang pagboto sa mga tiwaling opisyal ay pagbabaril sa sariling bungo.

Di ba?

3 Pebrero 2008

1 comments:

Anonymous said...

Well written article.