Sunday, February 10, 2008

Kultura ng Korupsiyon sa Kongreso

(Natatawa ako sa kasalukuyang karnabal sa Kongreso. Naglelechonan ang mga kababuyan.)

Pambungad ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa nakaraang State of the Nation Address (SONA): “Panahon na para maglingkod nang walang damot, mamuno nang walang pangamba maliban sa kagalingan ng bayan.” Halos gumuho ang Batasang Pambansa sa lakas ng palakpakan ng mga mambabatas at ng ilang miyembro ng kanilang mga pamilyang naroon. Habang nakikinig sa sinasabi ng pangulo, hindi maalis sa isip ko ang parada ng magagarang Rajo Laurel, Mercedes Benz, Louis Vuitton, at Armani bago magsimula ang SONA, at ang mga mararalitang Pilipinong hindi umaase-asenso sa kabila ng umagatanghaligabing pagkayod. Sa araw ng SONA lalong tumitingkad ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.

Maitatanong, gaano karepresentatibo ang mga mambabatas sa kanilang nasasakupan? Paano nagkakamal ng limpak-limpak na kayamanan ang mga mambabatas? Ano ang kulturang sumusuporta rito? Ito ang mga katanungang inimbestigahan ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa aklat na The Rulemakers: How the Wealthy and Well-Born Dominate Congress. Ang PCIJ ay isang ahensiyang non-profit na nag-iimbestiga sa iba’t ibang isyu sa lipunan tulad ng politika, militari, negosyo, kalusugan, at kasarian.

Sa The Rulemakers, ipinakita nina Sheila S. Koronel, Yvonne T. Chua, Luz Rimban, at Booma B. Cruz na: (1) hindi kinakatawan ng mga mambabatas ang kanilang nasasakupan dahil sa kanilang labis na kayamanan at kapangyarihan; (2) higit sa partido, mas makapangyarihang salik ang pamilya sa pagsekyur ng upuan sa kongreso; (3) imbes na lumikha ng mga batas na makabubuti sa karamihan, gumagawa ang mga mambabatas ng mga batas na pabor sa kanilang sarili, pamilya, at negosyo (ibang usapin pa ang limpak-limpak na salaping sinasahod ng mga kongresista); (4) ang pork barrel ay isang instrumento ng pagpapatatag ng kapangyarihang politikal, hindi ng debelopment ng nasasakupan; at (5) ang pagkakaroon sa kongreso ng representasyon ng mga mardyinalisadong sektor ay isang halimbawa ng reporma sa politika, ngunit ang mga grupong party-list ay isinasantabi sa kongreso.

Talamak na ang korupsiyon sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila; mababa ang pasahod sa mga opisyal ng gobyerno at maraming oportunidad para mangurakot. Bahagyang nabawasan ang korupsiyon nang dumating ang mga Amerikano. Sa panahong ito (1898-1913), malaki-laki ang suweldo ng mga burukrata at agad na pinarurusahan ang mga kurakot na opisyal (Quah, 1999). Muli itong lumaganap pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan ang burukrasya ay rumupok dahil sa “low prestige, incompetence, meager resources, and a large measure of cynical corruption” (Corpuz, 1957, mga pah. 222-223).

Masasabing buhay na buhay ang kultura ng korupsiyon sa Pilipinas. Patunay rito ang patuloy na paglobo ng kayamanan ng mga mayayaman, lalo na ng mga mambabatas, at ang pagkalugmok ng mga mararalita sa balon ng pagdarahop. Ayon sa istatistiks, tinatayang 33% ng mga Pilipino ay nasa ilalim ng poverty line (Asian Development Bank, 2004). Ipinakikita rin sa datos ng World Bank (WB) na 11% ng mga Pilipino ang nabubuhay sa isang dolyar sa isang araw – nakakaalarma dahil mas mataas ito sa mga bansang tulad ng Vietnam (2%) at Indonesia (7%) na mas mababa ang per capita kumpara sa Pilipinas (Balisacan, 2005). Sa kasalukuyan, ang unemployment rate sa Pilipinas ay tinatayang nasa 7.8% (National Statistics Office, 2007).

Ipinagmamalaki ni Arroyo ang paglakas ng ekonomiya ng bansa, ngunit hindi maramdaman ng mga karaniwang tao ang tinatawag na “trickle down effect”; nasasala kasi ito ng mga makakapangyarihan sa lipunan bago pa man ito makarating sa dapat patunguhan. Karagdagan, bagamat palaki nang palaki ang nakukuhang pork barrel ng mga kongresista, nakapagtatakang maraming proyektong pangkabuhayan, pampublikong paaralan, ospital, kalsada, tulay, at iba pang mga infrastruktura ang hindi natatapos. Saan napupunta ang salaping inilaan para pondohan ang mga ganitong programa?


Mga Sanggunian

Asian Development Bank (2004). Key Indicators of Developing Member Countries. Maynila: ADB.

Coronel, S. S., Chua, Y. T., Rimban, L., at Cruz, B. B. (2004). The Rulemakers: How the Wealthy and Well-Born Dominate the Congress.Lungsod Quezon: Philippine Center for Investigative Journalism.

Corpuz, O. D. (1957). The Bureaucracy in the Philippines. Lungsod Quezon: Institute of Public Administration, Unibersidad ng Pilipinas.

Quah, J. S. T. (1999). Corruption in Asian Countries: Can It Be Minimized. Public Administration Review, 59(6), 483-494.

National Statistics Office (2007b). Results from the January 2007 Labor Force Survey (LFS). Mula sa [http://www.census.gov.ph/data/pressrelease/2007/lf0701tx.html] Disyembre 29, 2007.


2 comments:

Anonymous said...

I feel that is one of the most vital info for me. And i am satisfied reading your article.

However should commentary on some normal issues, The site style is
ideal, the articles is actually nice : D. Just right job, cheers

my blog :: ray ban outlet

Anonymous said...

e cigarette forum, smokeless cigarettes, electronic cigarettes, e cig, ecig, electronic cigarette