Sunday, February 10, 2008

Jologs

Halakhakan nang halakhakan ang isang grupo ng magkakaibigan sa bakanteng lote ng dormitoryo nang makita nila, sa di kalayuan, ang papalapit nang si Ernie. Natahimik sila, nagtinginan sa isa’t isa, at muling pumalahaw ng tawanan. Sabi ng isa, “Ano ba ‘yan, ang layo pa niya, ipinagsisigawan na niyang: ‘Jologs ako!’”. Tampulan si Ernie ng tukso sa buong dormitoryo dahil sa kakaibang paraan niya ng pananamit: maluwag na sando, medyo hapit na pantalong maong, tsinelas na malaki sa sukat ng kaniyang paa, at kumikinang na metal na kuwintas. Walang duda, siya ang tinaguriang hari ng jologs sa dormitoryo.

Sa orihinal na pakahulugan, ang salitang jologs ay tumutukoy sa mga nakatira sa iskwater. Paborito nila ang mga awiting pangmasa, nakasuot ng mga damit at palamuting hindi bagay sa kanila, gumagamit ng mga salitang kanto, at tambay sa sulok-sulok. Sa kasalukuyang gamit ng salita, masasabing jologs din ang mga taong hindi galing sa iskwater ngunit nagpapakita ng asal ng isang taga-iskwater. May haka-hakang ang salitang jologs ay inimbento ng mga taong nasa panggitnang uri upang tukuyin ang mga taong “tagalabas” o iyong hindi kabilang sa kanilang uri.

Tinatawag ding jologs ang mga intelektuwal na maalam sa kulturang popular. Sa Unibersidad ng Pilipinas, halimbawa, may patimpalak ang kalipunan ng mga dormitoryo na tinatawag na “Search for Jologs King and Queen”, kung saan ang mga tanong ay karaniwang tungkol sa mga pelikula o palabas sa telebisyon na pumatok sa masa. Ilan sa mga tanong ay: Ano ang unang pelikula ni Richard Gomez? Sino ang kapatid ni Luningning sa Batibot? Maraming intelektuwal ang hayag sa kanilang pagmamalaki sa kanilang pagka-jologs.

Isang malaking palaisipan ang pinagmulan ng salitang jologs. Maraming haka-haka, ngunit walang makapagturo sa eksaktong pinagmulan ng salitang ito. Ang sumusunod ay mga teoryang hango sa aklat na Jolography ni Paolo Manalo (2003):

  • Jolina. Jol (galing sa pangalan ng popular na aktres) + og, tulad ng mga suffix na –ite (Israelite) at –ian (Noranian)
  • Hulog. Ang salitang ito ay mula sa grupo ng mga hip-hop na may maluluwang na kasuotan – mga pantalong huhulug-hulog. Sa kalaunan, ang hulog ay naging julog at naging jolog.
  • Jolog = Diyolog = Dilis + Tuyo + Itlog. Pagkain ng mga mahihirap. “Si Jun kumakain ng diyolog.” “Uy, diyolog, o.”
  • Jaloux. Naiugnay ang Jaloux, isang diskohan sa Quezon Avenue noong Dekada ’80, sa salitang jologs dahil sa kabaduyan at kabakyaan ng mga taong nagpupunta rito. Ito ang pang-asar ng mga estudyanteng mula sa mga pribadong hayskul: “Hey pare, I saw you at Jaloux last night”, “Wow, Jaloux ka pala.”, “Eww, Cristine’s Jaloux.” Sa pagsasalin-salin ng salita, ang Jaloux ay naging Ja-Lou-kh, Ja-Look, Jaloog, hanggang sa naging Jologs
Sa kabuuan, ang jologs ay isang derogatoryong terminong ikinakabit sa mga taong itinuturing na walang panlasa sa pananamit at sa pagpili ng pelikula, musika, at palabas sa telebisyon. Sila ang mga nakikiusong wala sa uso. Ngunit may kaugnay na kapangyarihan ang pagyakap sa pagiging jologs. Ang mga katulad ni Ernie ang mga naglalakas-loob na sumalungat sa dominanteng order sa lipunan.

1 comments:

Anonymous said...

thanks for the info about this topic