Pagbigyan ako. Minsan lang akong magbukas tungkol sa usapin ng puso.
Nakilala ko si A noong Agosto noong nakaraang taon, ipinakilala ng isang kaibigan. Nabuhay ang pusong matagal nang inaamag sa di pagtibok. Lahat ng gusto ko sa isang tao, nasa kanya: nagsusulat, laging may dalang aklat, palanood ng pelikula, spontaneous, kuwela, yamot sa mga text lingo, at di nauubusan ng kuwento, bukod pa sa usaping pisikal at seksuwal. May ilang katangian din siyang nagdudulot sa aking humiling ng force majeur at maglahong parang bula: may pagkamahangin at pakiramdam niya, siya ang sentro ng mundo. Pero natiis ko lahat, gayong ito ang pinakaayaw ko sa lahat ng tao.
Sa unang pagkikita, nakisaya kami kay Betty sa “Ugly Betty”, sinabayan si Aaron Eckhart sa pagyoyosi sa "Thank You for Smoking", at nakipagtawanan kay Jamie Joaquin sa "Games Uplate Live". At ang inaasahan ay nangyari.
Ang ikalawang pagkikita ay puno ng panghihinayang. Bagsak ang mga balikat namin nang di maabutan ang aming idolong si Quentin Tarantino sa Gateway para sa Cinemanila. At halos matibag ang gusali sa pagdadabog namin nang ma-cancel ang panonoorin sana naming pelikula, ang "Temptation Island" (mahal ko talaga ang mga taong nahihilig sa mga klasikong pelikulang Pilipino). Naipagpag lang ang mga panghihinayang ito ng aming kuwentuhang inabot ng sikat ng araw.
Sa ikatlong pagkikita, ginapang kami ng hilakbot habang pinanonood ang pelikulang "1408". Damang-dama ko ang langit sa tuwing napapakapit siya sa aking braso. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit patok sa mga magkakasintahan at sa mga nagde-date pa lang ang mga pelikulang horror. Pagkatapos, itinuloy namin ang takutan sa paborito naming espasyo sa Cubao, sa yosi area ng isang call center malapit sa karnabal. Natunaw ang puso ko nang sabihin niyang: “Uy, Anthony, alas dose na. Happy birthday.” Ipinakita pa niya sa akin ang kalendaryo sa cell phone niya, naroon nga ang pangalan ko. Napa-wow ako. Sinalubong ko ang bagong kabanata ng buhay ko kasama ang taong sa tingin ko ay mahal ko na. Muli, inabot kami ng liwanag sa magdamagang luwentuhan. Isa sa mga pinaka-highlight ang paggulat ko sa kanyang may multo sa likuran niya at ang halos patalon niyang pagyakap sa akin. At sa mga kaibigang nagtatanong kung bakit lagi akong may dala-dalang bottled water na hugis lalagyan ng pabango, si A ang dahilan.
Iyon na ang huli naming pagkikita. Nag-uusap pa rin kami sa pamamagitan ng cell phone, hanggang sa nagkatabangan na.
Kanina, pagkatapos kong mainterbyu at matanggap bilang reporter sa isang magazine, nakatanggap ako ng text mula kay A. Nakasabay niya raw ako sa MRT. Divine intervention? Sabi ko: “Bakit di mo ako tinawag. It’s been a while.” Sagot niya: “Nagmamasungit ka, e.” Nagsisisi tuloy ako kung bakit nakasanayan ko nang ikunot ang noo ko. Sabi ko sa kanya, sana magkasabay uli kami sa MRT. Nagtext kami nang nagtext hanggang sa sabihin niyang: “Let’s meet nga minsan.”
Muli akong nabuhayan ng loob.
11 Enero 2008
--------
UPDATE: Ilang beses din kaming nag-text-an. Pero wala pala talaga. Sabi na nga ba, na-excite lang ako. Nakornihan ako sa pinagsususulat ko.
10 Pebrero 2008
0 comments:
Post a Comment