Thursday, December 20, 2007

19 Disyembre 2007

Sabi ko, maaga akong magigising para maisoli ko ang aklat na hiniram ko sa reserve section sa main lib. Pero, maraming salamat kay Hanging Amihan, tanghali na akong nagkaulirat. Ligo. Check ng email. Inom ng Milo. Bihis. Bilis. Pumapatak ang metro. P2.50 yata kada oras ang multa ‘pag di naisoli sa oras ang aklat.

Mabilis pa sa alas kuwatrong nilipad ko ang UP (hindi ko pa nasisimulan ang pagsasanay sa teleportation). Nagtext si Joel, sarado raw ang main lib. Naknampating! Pa’no ang aklat? A, bahala na si Batman.

Nagkita kami ni Joel sa Sunken Garden. Lunch. Ang tahimik ng lalaking ‘to. Kulang na lang gawin kong clown ang sarili para lang magkaguhit naman ang noo’t pisngi niya. Lagi pang late reaction. Naalala ko tuloy ang android sa 2046 ni Wong Kar Wai.

Pagkatapos ng lunch namin ni kaibigang android, nagpunta ako sa SC para ipa-photocopy ang buong aklat. Opo, hindi uso sa akin ang intellectual property right. Sige lang nang sige sa pagre-reproduce ng mga aklat.

Umuwi ako para magpalit ng damit. Medyo may naaamoy kasi akong kakaiba sa katawan ko. Hapon na nang makabalik ako sa UP. Marami-rami na ring tao ang parang langgam na pagala-gala sa acad oval (hindi pala langgam, kasi, nakapila ang mga langgam). Hinintay ko ang ilang kaibigan para may kasabay akong manood ng Lantern Parade. Hindi kasi kumpleto ang okasyon ‘pag wala ang mga kaibigan. Ang Lantern Parade ay hindi lamang tungkol sa parada, mga parol, pakulo ng Fine Arts, at fireworks display. It’s all about friendship, too. Naks!

Nagkita-kita kami nina Ane, Quen (ang birthday boy), Hanzel, Noemi, at Badang sa Quezon Hall. Sumunod si Boogin. Nakita ko rin si Vin na nagpe-perform para sa Kontra-Gapi. Medyo dismayado kami dahil hindi sing-bongga ng mga parol dati ang ipinarada ng mga kolehiyo. Saving grace talaga ang FA. Ang kuwela at patok ng presentasyon nila. Ayos din si Sir Jovy bilang host. Walang dull moments ‘pag nagsalita na siya. Siyempre, ang inaabangan ng lahat, ang fireworks display. Para kaming batang first time makakita ng gano’ng putukan. Isa pang siyempre, hindi kumpleto ang okasyon nang walang komosyon mula sa mga tibak mula sa STAND-UP.

Humabol din sina Shiglyn at Pop. – Habang sinusulat ko ‘to, dumating ang landlady ko. Sanabagan! Invasion of private space. Ang daldal, sobra, walang kaparis. Nalulungkot daw siya kasi aalis na raw ang paborito niyang tenant (ako). At nagtsismis na naman ng kung anu-ano. Pati paninigarilyo ko, pinakialaman. – Dumiretso kami sa Sunken Garden para kumain. Bumabaha ng tao. Dumating din si Tina, Charm, at Xenya.

Nilalantakan ko ang inihaw na pusit nang gulatin ako ni Mark. Kasama niya sina Carlo at Babit, ang mga Charmed Ones ng B2B sa Peyups. Nando’n din si Jason/Jayson, first time kong na-meet. Ubo, ubo. Basta. Nakakatuwa silang kasama, lalo na si Mark.

At dahil birthday ni Quen, dumiretso kami sa boarding house sa Dagohoy. Sarap talaga ng cake, isa sa mga kahinaan ko. Di ko pa nakakalahati ang San Mig pale pilsen nang iwan ko na ang tropa at sunduin si Joel sa bahay nila. Nagpahinga ako sandali do’n habang pinapakinggan ang kokakan ng mga palaka. Bigla kong hinanap-hanap ang probinsiya. Pagkatapos, umuwi kami sa bahay.

0 comments: