Wednesday, December 5, 2007

Paalam, Sir Nick at Sir Rene

Nangilid ang luha ko nang mabalitaang pumanaw na si Sir Nick. Bigla ko tuloy naalala ang klase ko sa kanya sa Araling Pilipino. Maraming kaklase (hello, Flo!) ang naiinis sa akin dahil naka-uno ako sa klase samantalang kung hindi absent ay lagi akong late pumasok. Napaka-demokratiko ng paraan ng pagtuturo at talagang nakita ko ang passion niya sa buhay. Andami kong natutunan sa kanya, lalo na ang pagtatanong nang pagtatanong sa mga bagay-bagay.

'Pag nagkakasalubong kami dati, lagi niyang pinakukumusta ang kalagayan ng Isabela, lalo na ang mga dakila ngunit isinasantabing magsasaka. Nagsisimula kasi ang klase sa pagbabahagi ng mga balita. Ibinalita ko ang pagkapanalo ni Grace Padaca bilang gobernador laban sa mga naghaharing Dy sa probinsiya. Bali-balita kasing sinuportahan siya ng NPA. Dito marahil natuwa si Sir Nick. Simula noon, lagi siyang nagtatanong sa akin tungkol sa mga nagaganap sa Isabela.

Kanina, hinalukay ko ang folder niya sa Yahoo Mail ko. Hindi ko na napigil ang luha ko. Sabi sa akin ni Sir pagkatapos kong isabmit ang isang reaksyon tungkol sa bunga ng pakikianib ng Pilipinas sa Coalition of the Willing:

Magandang umaga. Maraming salamat sa iyong tumatananaw sa
malayo,naninidigan para sa soberanyang Pilipino at Iraqi,
tunay ngang mapagmasid at mapanuri. Binibigyan ito ng karampatang
ebalwasyon; mas mainam na makapagdala ka ng kopya sa klase,
para sa isang pagkakataon ay mabigyan natin ito ng pansin
at maibahagi mo mismo sa iyong mga kamag-aral. Inaasahan ko ang
iyong pagpapatuloy,

Sumasaiyo,

Sir

-------------------

Ito naman ang sinabi niya sa akin nang mapadalas ang pagliban ko sa klase at nang ibahagi ko sa kanya ang saloobin ko tungkol sa pelikulang "Insiang" ni Lino Brocka:

Magandang umaga. Mainam na nagpapatuloy ka ng pagbabasa mo,
laluna sa Noli; ituloy mo na ang pagkilala ke Tasyo, Elias,
Don Filipo, Salome,Sinang, Sisa at Crispin at Basilio,
Padre Salvi at Sakristan Mayor.

Tungkol sa ugnayan ng ideolohiyang pambansa-demokratiko
at ideolohiya ng direktor o ng pelikula, ipagpatuloy mo
ang pagsuri mo. Para sa iyong kapakinabangan, maaari mong
tingnan ang libro kong KILUSANG PAMBANSA-DEMOKRATIKO
SA WIKA,na sa isang banda ay nagpapaliwanag kung ano
ang kilusang iyong tinukoy; oo, nasa Silabus nyo ito,
at babasahing nakakonteksto sa Unang Kilusang Propaganda
nina Rizal, del Pilar at Jaena, at sa Ikalawang Kiusang
Propaganda ng mga kabataan at estudyante ng dekada sisenta
at sitenta; syempre repleksyon din ito ng pagpapatuloy ng
Himagsikang 1896, at paglagpas dito, ng kasalukuyang
rebolusyong bayan. (Isa lamang itong daan ng pag-unawa;
ikaw ang makakatuklas ng kasagutan sa iyong katanungan!)

Hanggang sa muli,

Sir

P.S. Napaka-sexist mo yata sa pagtawag mo kay Insiang ng "scheming
bitch"!

Hindi man niya batid, isa si Sir Nick sa mga tinitingala kong guro sa Unibersidad. Tunay na inspirasyon. 'Wag kang mag-alala, Sir, magpapatuloy ang iyong nasimulan.

-----------

Nalungkot din ako nang makatanggap ng text message na yumao na si Sir Rene, ilang oras bago pumanaw si Sir Nick. Noong isang araw lang, pinag-uusapan namin ng ilang kaklase ang pagiging okrayista ni Sir Rene at ang kalbaryong pagdadaanan namin kung sakaling maging guro namin siya sa pagsulat. Isang malaking kawalan sa panitikan ng Pilipinas ang pagpanaw ni Sir Rene. Sa mga laking Batibot, ipagdasal natin ang kaluluwa niya.

Paalam, Sir Nick at Sir Rene.

0 comments: