Tuesday, July 29, 2008

Eureka



Kaninang nagyoyosi ako sa tabi ng pool, naisip ko, bakit ko ikinukulong ang sarili sa kalungkutan? (Pasensiya na, tao lang. May karapatan din akong magsenti. Ipabaranggay n'yo ako o gumawa kayo ng formal letter of complaint kung kokontrahin n'yo 'ko - matatalo kayo, sayang ang bayad sa notaryo publiko.)

'Yon nga, senti mode ako kanina. Ito 'yong isa sa mga panahon na bigla-bigla, may nare-realize ka na lang. Parang si Archimedes lang. Buti na lang at di ako nadala masyado. Baka naghubad ako at tumalon sa pool. Pagkatapos ay magtatatakbo dito sa Ortigas habang sumisigaw ng "Eureka!"

Parang pelikulang Pinoy rin kung sa'n nakatunganga ang bida sa tapat ng bintana, pinagmamasdan ang mga nagkikislapang bituing natatabunan ng mga ulap, at saka lilitanya ng: "Bukas, luluhod ang mga tala." Sa totoo lang, panghapong drama sa radyo ang kalibre ng paglilimi ko kanina. Hinintay ko rin ang pagbuhos ng ulan para kumpleto ang melodrama. Pero hiniling ko rin na 'wag na. Baka kasi palamunin na naman ako ng propesor ko sa pagsulat ng mga salitang mas maanghang pa sa siling labuyo.

Ta's eto pa, dinig na dinig ko ang "Just Like a Pill" ni Pink na ipinatutugtog ni Ate Serbidora sa pantry. At himala, di ako nalungkot. Di pumasok sa isip ko 'yong karaniwang naglalaro sa utak ko 'pag nakakarinig ng gano'ng kanta. Ang inisip ko na lang, makulay ang buhay. Parang si Pink, pink ang buhok (ewan ko lang ngayon kung flaming pink pa rin).

Tama. Makulay ang buhay. Di lang sa meaty ginisang gulay. Makulay din 'to sa Red Horse, sa Nescafe 3-in-1 at sa Milo.

Sabayan pa ng malamig na hanging umaakap sa katawan ko (Pucha, so cliche. Didiinan ko lang, may karapatan akong magpaka-cliche. Tingnan ang unang talata!). Malapit na'ng pasko. Buti na lang nakabili na ako ng bagong jacket. A, nakabili na rin pala ako ng supply ng pagkain. Opo, matapos ang dalawang buwang nakikiamoy lang ako ng adobo at fried chicken ng kapitbahay para mabusog, eto ako ngayo't pamirye-miryenda na lang ng Big Mac at spaghetti.

Ewan ko, pero para akong nasa Cloud 9. Kahit na sawi ako sa pag-ibig (Oy, alam ko na'ng iniisip n'yo. 'Wag nang ituloy.), parang ayos na 'ko. Di pa naman ganap na ayos, pero malapit na. Di ko na itutuloy ang mga iskema ko. Bahala na ang Diyos sa 'kin at sa kanya (Sa mga panahong ganito, naniniwala akong may Diyos.).

So 'yon. 'Pag may nabalitaan kayong lalaking basang-basang at hubo't hubad na nagsisisigaw ng "Eureka!" sa may Pearl Drive sa Ortigas...

0 comments: