Ipinaglihi yata ako sa silent film. O sa naka-mute mode na TV. Ewan, di lang talaga ako masalita. Dito nga sa opisina, "Mar the Monk" ang tawag sa akin. Bukod kasi sa mas madalang pa sa pag-ikot ng mundo sa araw kung magsalita ako, di ako tumitinag sa pagkakaupo ko. Lotus position. Aayain nla akong kumain, tatango lang ako. Yosi raw, ngingiti lang ako. Para akong nagme-meditate sa harap ng computer.
Oo nga no, ang tahimik ko talaga. Sa isang araw, ito lang ang lumalabas sa bibig ko: "Bayad po." "Para ho." "Shaw". "Hello". "Una na kayo, sunod na lang ako." "Di pa ako gutom." 'North Ave." "Bayad po." Pero nababahala rin naman ako minsan. Baka tuluyan na kasi akong mawalan ng salita. Kaya 'yon, thinking aloud mode ako kung minsan. Parang drama sa radyo: "A, manonood pala ako ng TV." "Um, buti nga sa 'yo." "Huhugasan ko na ang mga gulay." "Ang init, mabuksan nga ang bintana." "Tangina ang tanga ko."
'Yan.
Wala talaga akong ka-talent-talent sa pagiging chummy. 'Yong iba, jusko, wala pang isang segundong magkakilala, sobrang close na sa isa't isa. Nakakapagkuwentuhan na tungkol sa sex life, love life, family life at kung anu-ano pang life. Samantalang ako, hanggang hi-hello lang. Kahit ilang taon na kaming magkakilala.
Allergic ako sa mga roommate/housemate. Kaya nga nagsosolo ako sa bahay ngayon. Ayokong nagpapasakop sa rules ng iba. Ang gusto ko, may sarili akong rules na sinusunod at sinisira. At least walang mangengelam sa 'kin kung gagawin kong sampayan ng brief ang electric fan. O kung amagin ang mga plato't kutsara sa lababo. At least di rin ako mag-a-a la Incredible Hulk kung may manggugulo sa pagkakaayos ng mga DVD ko o kung may manlulukot ng mga libro ko.
No'ng bata ako (hanggang ngayon), 'pag may reunion ang angkan (haha. tunog-mayaman) namin, kulang na lang ay hilahin ako ng mga kamag-anak palapit sa kanila. Para lang makausap nila ako. E, bakit ba? Enjoy akong magbasa ng libro sa may library area, e. Paborito ko no'n 'yong libro tungkol sa mga halamang gamot at sa human anatomy.
Concerned ang isang kaibigan. Naba-bother yata sa "mental illness" ko. Sabi niya, mag-reach out naman daw ako. Maging friendly raw ako. Sabi ko naman, "Oo, magri-reach out ako 'pag me kelangan ako sa kanila." Bawas-bawasan ko rin daw ang pagsimangot, kasi nagmumukha raw akong masungit. Ako, masungit? Di naman ako kumakain ng tao. Ay lumalamon pala ako ng tanga.
Meron akong classmate sa college, nakita raw niya ako sa MRT. Sabi niya, di na raw niya ako tinawag. Para raw kasing ang sungit ng mukha ko. Baka supladuhan ko lang daw siya. Di ako nagsusungit no'n, naiirita lang ako dahil maraming pawisang balat ang kumikiskis sa balat ko. At ayaw na ayaw kong may taong humihinga sa batok ko.
Aswang ang tawag sa 'kin ng kuya ko't mga kapitbahay. Pag-umuuwi kasi ako sa probinsiya, never akong lumalabas ng bahay. Si Papa na ang nag-iimbita ng mga bisita sa bahay para lang makita ako.