Sunday, February 10, 2008

Kultura ng Korupsiyon sa Kongreso

(Natatawa ako sa kasalukuyang karnabal sa Kongreso. Naglelechonan ang mga kababuyan.)

Pambungad ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa nakaraang State of the Nation Address (SONA): “Panahon na para maglingkod nang walang damot, mamuno nang walang pangamba maliban sa kagalingan ng bayan.” Halos gumuho ang Batasang Pambansa sa lakas ng palakpakan ng mga mambabatas at ng ilang miyembro ng kanilang mga pamilyang naroon. Habang nakikinig sa sinasabi ng pangulo, hindi maalis sa isip ko ang parada ng magagarang Rajo Laurel, Mercedes Benz, Louis Vuitton, at Armani bago magsimula ang SONA, at ang mga mararalitang Pilipinong hindi umaase-asenso sa kabila ng umagatanghaligabing pagkayod. Sa araw ng SONA lalong tumitingkad ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.

Maitatanong, gaano karepresentatibo ang mga mambabatas sa kanilang nasasakupan? Paano nagkakamal ng limpak-limpak na kayamanan ang mga mambabatas? Ano ang kulturang sumusuporta rito? Ito ang mga katanungang inimbestigahan ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa aklat na The Rulemakers: How the Wealthy and Well-Born Dominate Congress. Ang PCIJ ay isang ahensiyang non-profit na nag-iimbestiga sa iba’t ibang isyu sa lipunan tulad ng politika, militari, negosyo, kalusugan, at kasarian.

Sa The Rulemakers, ipinakita nina Sheila S. Koronel, Yvonne T. Chua, Luz Rimban, at Booma B. Cruz na: (1) hindi kinakatawan ng mga mambabatas ang kanilang nasasakupan dahil sa kanilang labis na kayamanan at kapangyarihan; (2) higit sa partido, mas makapangyarihang salik ang pamilya sa pagsekyur ng upuan sa kongreso; (3) imbes na lumikha ng mga batas na makabubuti sa karamihan, gumagawa ang mga mambabatas ng mga batas na pabor sa kanilang sarili, pamilya, at negosyo (ibang usapin pa ang limpak-limpak na salaping sinasahod ng mga kongresista); (4) ang pork barrel ay isang instrumento ng pagpapatatag ng kapangyarihang politikal, hindi ng debelopment ng nasasakupan; at (5) ang pagkakaroon sa kongreso ng representasyon ng mga mardyinalisadong sektor ay isang halimbawa ng reporma sa politika, ngunit ang mga grupong party-list ay isinasantabi sa kongreso.

Talamak na ang korupsiyon sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila; mababa ang pasahod sa mga opisyal ng gobyerno at maraming oportunidad para mangurakot. Bahagyang nabawasan ang korupsiyon nang dumating ang mga Amerikano. Sa panahong ito (1898-1913), malaki-laki ang suweldo ng mga burukrata at agad na pinarurusahan ang mga kurakot na opisyal (Quah, 1999). Muli itong lumaganap pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan ang burukrasya ay rumupok dahil sa “low prestige, incompetence, meager resources, and a large measure of cynical corruption” (Corpuz, 1957, mga pah. 222-223).

Masasabing buhay na buhay ang kultura ng korupsiyon sa Pilipinas. Patunay rito ang patuloy na paglobo ng kayamanan ng mga mayayaman, lalo na ng mga mambabatas, at ang pagkalugmok ng mga mararalita sa balon ng pagdarahop. Ayon sa istatistiks, tinatayang 33% ng mga Pilipino ay nasa ilalim ng poverty line (Asian Development Bank, 2004). Ipinakikita rin sa datos ng World Bank (WB) na 11% ng mga Pilipino ang nabubuhay sa isang dolyar sa isang araw – nakakaalarma dahil mas mataas ito sa mga bansang tulad ng Vietnam (2%) at Indonesia (7%) na mas mababa ang per capita kumpara sa Pilipinas (Balisacan, 2005). Sa kasalukuyan, ang unemployment rate sa Pilipinas ay tinatayang nasa 7.8% (National Statistics Office, 2007).

Ipinagmamalaki ni Arroyo ang paglakas ng ekonomiya ng bansa, ngunit hindi maramdaman ng mga karaniwang tao ang tinatawag na “trickle down effect”; nasasala kasi ito ng mga makakapangyarihan sa lipunan bago pa man ito makarating sa dapat patunguhan. Karagdagan, bagamat palaki nang palaki ang nakukuhang pork barrel ng mga kongresista, nakapagtatakang maraming proyektong pangkabuhayan, pampublikong paaralan, ospital, kalsada, tulay, at iba pang mga infrastruktura ang hindi natatapos. Saan napupunta ang salaping inilaan para pondohan ang mga ganitong programa?


Mga Sanggunian

Asian Development Bank (2004). Key Indicators of Developing Member Countries. Maynila: ADB.

Coronel, S. S., Chua, Y. T., Rimban, L., at Cruz, B. B. (2004). The Rulemakers: How the Wealthy and Well-Born Dominate the Congress.Lungsod Quezon: Philippine Center for Investigative Journalism.

Corpuz, O. D. (1957). The Bureaucracy in the Philippines. Lungsod Quezon: Institute of Public Administration, Unibersidad ng Pilipinas.

Quah, J. S. T. (1999). Corruption in Asian Countries: Can It Be Minimized. Public Administration Review, 59(6), 483-494.

National Statistics Office (2007b). Results from the January 2007 Labor Force Survey (LFS). Mula sa [http://www.census.gov.ph/data/pressrelease/2007/lf0701tx.html] Disyembre 29, 2007.


Jologs

Halakhakan nang halakhakan ang isang grupo ng magkakaibigan sa bakanteng lote ng dormitoryo nang makita nila, sa di kalayuan, ang papalapit nang si Ernie. Natahimik sila, nagtinginan sa isa’t isa, at muling pumalahaw ng tawanan. Sabi ng isa, “Ano ba ‘yan, ang layo pa niya, ipinagsisigawan na niyang: ‘Jologs ako!’”. Tampulan si Ernie ng tukso sa buong dormitoryo dahil sa kakaibang paraan niya ng pananamit: maluwag na sando, medyo hapit na pantalong maong, tsinelas na malaki sa sukat ng kaniyang paa, at kumikinang na metal na kuwintas. Walang duda, siya ang tinaguriang hari ng jologs sa dormitoryo.

Sa orihinal na pakahulugan, ang salitang jologs ay tumutukoy sa mga nakatira sa iskwater. Paborito nila ang mga awiting pangmasa, nakasuot ng mga damit at palamuting hindi bagay sa kanila, gumagamit ng mga salitang kanto, at tambay sa sulok-sulok. Sa kasalukuyang gamit ng salita, masasabing jologs din ang mga taong hindi galing sa iskwater ngunit nagpapakita ng asal ng isang taga-iskwater. May haka-hakang ang salitang jologs ay inimbento ng mga taong nasa panggitnang uri upang tukuyin ang mga taong “tagalabas” o iyong hindi kabilang sa kanilang uri.

Tinatawag ding jologs ang mga intelektuwal na maalam sa kulturang popular. Sa Unibersidad ng Pilipinas, halimbawa, may patimpalak ang kalipunan ng mga dormitoryo na tinatawag na “Search for Jologs King and Queen”, kung saan ang mga tanong ay karaniwang tungkol sa mga pelikula o palabas sa telebisyon na pumatok sa masa. Ilan sa mga tanong ay: Ano ang unang pelikula ni Richard Gomez? Sino ang kapatid ni Luningning sa Batibot? Maraming intelektuwal ang hayag sa kanilang pagmamalaki sa kanilang pagka-jologs.

Isang malaking palaisipan ang pinagmulan ng salitang jologs. Maraming haka-haka, ngunit walang makapagturo sa eksaktong pinagmulan ng salitang ito. Ang sumusunod ay mga teoryang hango sa aklat na Jolography ni Paolo Manalo (2003):

  • Jolina. Jol (galing sa pangalan ng popular na aktres) + og, tulad ng mga suffix na –ite (Israelite) at –ian (Noranian)
  • Hulog. Ang salitang ito ay mula sa grupo ng mga hip-hop na may maluluwang na kasuotan – mga pantalong huhulug-hulog. Sa kalaunan, ang hulog ay naging julog at naging jolog.
  • Jolog = Diyolog = Dilis + Tuyo + Itlog. Pagkain ng mga mahihirap. “Si Jun kumakain ng diyolog.” “Uy, diyolog, o.”
  • Jaloux. Naiugnay ang Jaloux, isang diskohan sa Quezon Avenue noong Dekada ’80, sa salitang jologs dahil sa kabaduyan at kabakyaan ng mga taong nagpupunta rito. Ito ang pang-asar ng mga estudyanteng mula sa mga pribadong hayskul: “Hey pare, I saw you at Jaloux last night”, “Wow, Jaloux ka pala.”, “Eww, Cristine’s Jaloux.” Sa pagsasalin-salin ng salita, ang Jaloux ay naging Ja-Lou-kh, Ja-Look, Jaloog, hanggang sa naging Jologs
Sa kabuuan, ang jologs ay isang derogatoryong terminong ikinakabit sa mga taong itinuturing na walang panlasa sa pananamit at sa pagpili ng pelikula, musika, at palabas sa telebisyon. Sila ang mga nakikiusong wala sa uso. Ngunit may kaugnay na kapangyarihan ang pagyakap sa pagiging jologs. Ang mga katulad ni Ernie ang mga naglalakas-loob na sumalungat sa dominanteng order sa lipunan.

Loob

Isang magkasintahan ang nagkatampuhan at ilang araw nang di nag-uusap. Nang muling magharap, ito ang nasabi ng babae sa lalaki: “Masamang-masama ang loob ko sa iyo. Ikaw na nga ang may kasalanan, ni hindi ka man lang nagkusang-loob na lapitan ako’t ipaliwanag ang kalokohan mo. Utang na loob, magpakatino ka naman kahit minsan.” Kapansin-pansin sa tinurang ito ng babae ang paggamit sa salitang loob nang tatlong beses: masama ang loob, kusang-loob, at utang na loob.

Ang salitang Tagalog na loob ay isang mahalagang konsepto sa pag-unawa sa pagkataong pilipino. May ilang gamit at dimensiyon ang loob ng Pilipino. Unang-una na ang ugnayan ng loob at katawan: ang sama ng loob ay katambal ng init ng dugo; ang laki ng loob o mabuting loob ay katumbas ng laki ng puso; sinasabing ang dalawang tao ay magkaututang dila kung sila ay nakakapagpalagayan ng loob; ang kabuhusan ng loob ay ipinahahayag ng kadikit ng bituka; at sinasabing ang isang lalaki, o babae man, ay may bayag kung siya ay may lakas ng loob o tibay ng loob. Kung gayon, ang mga lamang loob o ilang bahagi ng katawan ang karaniwang nagpapahayag ng loob.

Ang loob ay may intelektuwal na dimensiyon din. Halimbawa, sasabihin ng guro sa mga mag-aaral na isaloob nila ang lahat ng natutunan nila sa klase. Ibig sabihin, tandaan at ipasok sa utak, sa kukote, at puso ang lahat ng mga napag-aralan; hindi iyong papasok sa isang tenga at diretso labas sa kabilang tenga.

Sa emosyonal na dimensiyon, nariyan ang pagbabagong-loob. Halimbawa: “Bagong taon na, magbagong-loob ka na.” Ang pagbabagong loob na ito ay maaring negatibo (pagiging masungit, malungkutin, mainipin) o positibo (pagiging mabait, masayahin, optimistiko). Isa pang halimbawa: “Sobrang nabagabag ang loob ko sa pinanood ko kanina. Masyadong nakakadistorbo,” Ang pahayag na ito ay tumutukoy sa halu-halong emosyong nadama ng nagsalita (pagkagitla, pag-aalala, pangamba). Ilan pang halimbawa ang mga sumusunod: matigas ang loob, matibay ang loob, masakit ang loob, mababa ang loob, buo ang loob, nabuhayan ng loob, napanghinaang loob, pukawin ang loob, at nasa loob.

Mayroon ding etikal na gamit ang loob. Ang magandang loob ay tumutukoy sa kadalisayan at kabutihan ng puso ng isang tao. Kabaligtaran nito ang walang loob, o iyong walang puso. Sa mga konsepto naman ng utang na loob at ganting loob, lumulutang ang ekspektasyon ng isang taong maibalik sa kanya, sa anumang paraan o anyo, ang ibinigay niya sa kapwa. Ang taong may mababang loob ay taong mapagpakumbaba. Halimbawa rin ng etikal na pagpapahayag ng loob ang mga sumusunod: pagbabalik-loob, nagkakaloob, sa tanang loob, gawang-loob, bigay-loob, kaloob, at tanging loob.

Mapapansin sa mga halimbawang nabanggit na ang paggamit ng salitang Tagalog na loob at ang pagpapahayag nito ay holistiko. Ibig sabihin, ang loob ay tumutukoy sa malawak na katotohanan ng tao at sa umiiral niyang interaksiyon sa sarili at pakikipag-kapwa-tao.

Saturday, February 9, 2008

Nightwork

In popular culture, the imagination of the typical Japanese male is that of a “salaryman” (or “sarariiman in Japanese) or a “corporate warrior”. As usually represented in film and literature, the figure of the salaryman is a neatly groomed, middle-aged, grey-suited, briefcase-carrying, white-collar male office worker who leaves his home in the suburbs early each morning, commutes in an overcrowded train to some faceless downtown office block, spends long hours at the office, and ends the day by lurching drunkenly back to the suburbs on the last train after a drinking session with colleagues or clients. These are the realities of a salaryman’s everyday life, and studying this figure and his realities may provide information about how the salaryman has come to embody all Japanese masculinity in Japan. Along this line, Anne Allison’s book Nightwork: Sexuality, Pleasure, and Corporate Masculinity in a Tokyo Hostess Club (1994) attempts to shed light on this important figure.

Nightwork is an ethnography on the production of masculinity and the corporate Japanese elite. As a participant observer, Allison spent four months in 1981 working as a hostess to learn what goes on in a hostess bar, and why. The setting is a high-class club in Roppongi, Tokyo, where Japanese men go to relax and unwind with their corporate colleagues. In this book, Allison investigates the conflation between work and entertainment among Japanese salarymen. She analyzes how the masculinist behaviors practiced at the hostess clubs strengthen internal and external corporate relations. Specifically, Nightwork explores how Japanese cultural and ideological structures shape and support these behaviors.

In this book, Allyson goes beyond the functionalist explanation that “nightlife serves corporate needs for male bonding and male relaxation” (p. 150), and she presents an insightful account of the power relations encoded in the interactions inside the hostess club. According to the author, corporate entertainment is a complex relation somewhere between total manipulation, male privilege, and Japan-ness. In applying Marxist theories, Allison sees corporate nightlife as a ritual of male dominance that depends on and uses the hostess to achieve its end. According to her, in this highly commodified form of entertainment, Japanese companies buy the fiction of masculine privilege and superiority for their salarymen, which results in the loss of intimate personal relations and the loss of identity outside of work.

According to Allison, in paying money for a service provided by a woman, “Men are not only buying a commodity but putting themselves into the commodity too (p. 22). The “service that is purchased. . . is an eroticization less of the woman than of the man-his projection as a powerful, desirable male” (p. 22). Moreover, Allison contends that sexuality in the interaction between the male employees and the hostesses not only structures the identity of women but that of men.

However, one problem about the book that must be noted is the very informal way in which Allison treats the information obtained from interviews. While it appeals to many readers, others are frustrated that the author does not even state in her book may how many persons were interviewed altogether. In addition, some demographics and attributes of interviewees that seem relevant in the research, like age, occupation, and the type of workplace are not often specified. Furthermore, although Allison makes the point that corporate entertainment constructs male desire and sexuality, her treatment of it somehow lacks depth and development.

Overall, despite minor flaws, Nightwork makes an important contribution to the anthropological and sociological literature on the construction of gender and sexuality, as well as Japanese corporate culture. It introduces the readers to a dimension of Japanese white-collar male workers’ lives hardly ever considered seriously even by Japanese scholars themselves. I would recommend this book for courses on Japanese studies, gender and sexuality, anthropology, sociology, for scholars interested in culture and the workplace, and for anyone interested in life in contemporary Japan.

Tinig at Kapangyarihan


Sa Tinig at Kapangyarihan: Mga Kuwentong Buhay ng Kababaihang Manggagawa sa Bahay (1999), inilantad ni Rosalinda Pineda Ofreneo ang karanasan ng mga manggagawa sa bahay sa industriya ng damit sa Bulacan, at tinalakay ang kapangyarihang nakapaloob sa kanilang pagpapahayag ng kanilang mga kuwentong buhay. Ang unang bahagi ng aklat ay pagpapaliwanag sa tunguhin at mga layunin ng aklat at pagtalakay sa mga batis na teoretikal na angkop sa pag-aaral ni Ofreneo. Inilarawan din sa bahaging ito ang konteksto ng mga kuwentong buhay – paggawa sa bahay sa industriya ng damit sa Pilipinas, pagkilos ng mga manggagawa sa bahay laban sa hindi makatarungang pamamalakad sa paggawa, kalakaran sa Bulacan sa ilalim ng sistemeng subcontracting, kalagayan ng mga manggagawa sa lalawigang ito, mga aral mula sa isang kooperatiba, at ang mga konsultasyon sa Bulacan. Ang pangalawang bahagi ay ang presentasyon ng mga kuwentong buhay na nakalap ni Ofreneo mula sa mga kababaihang manggawa sa bahay. Ang subheto ng pag-aaral ni Ofreneo ay mga babaing manggagawa sa bahay na kasapi sa organisasyong Pambansang Tagapag-ugnay ng mga Manggagawa sa Bahay (PATAMABA).

Sa panahon ng globalisasyon, ang layunin ng mga kompanyang multinasyunal ay makipagsabayan sa kompetisyon upang mapanatiling buhay ang kanilang negosyo. Isa sa mga paraan upang magkamal ng tubo ang mga kompanyang ito ang sistemang subcontracting. Sa kabuuan, mapangbansot ang sistemang ito sa panig ng mga manggagawa – ang isang pares ng sapatos na ibinenta ng 80 dolyar sa isang mall sa Amerika ay maaring gawa ng isang manggagawa sa Pilipinas na ang kinita lamang ay kulang-kulang isang dolyar. Sa kalakarang ito, mas dehado ang mga kababaihang manggagawa dahil, bukod sa suliranin ng kita, nahaharap din sila sa mga isyung may kaugnayan sa kasarian.

Sa sistemang aubcontracting, sobra-sobrang tubo ang nakakamal ng kompanyang multinasyunal, samantalang kakarampot ang kinikita ng manggagawa. Bukod sa napakababang kita na hindi aabot sa minimum na isinasaad sa batas, nahaharap din sila sa mga sumusunod na problema: iregularidad ng kanilang trabaho, hindi mainam na kondisyon sa paggawa, at kawalan ng benepisyo at kaseguruhang panlipunan. Ang mga suliraning ito ay lalo lamang nagpapabigat sa mga dati nang suliranin ng mga kababaihang manggagawa sa bahay – sapagkat tinitingnang pangsuplemento lang ang kanilang kinikita, nasasadlak sila sa mga gawaing paulit-ulit, nakakainip at sobrang mabusisi; at sa kanila rin iniaatang ang pag-aalaga sa kanilang mga anak at paggawa ng mga gawaing pambahay tulad ng pagluluto, paglalaba, at iba pa. Tunay na mardyinalisadong grupo ang mga manggagawa sa bahay:

[Ang mga kababaihang manggagawa sa bahay] ay isinasantabi bilang sektor ng lakas paggawa dahil hindi nakikita, hindi naririnig, at ni hindi nakukuwenta; mistulang kolonya hindi lamang ng imperyalistang negosyo, kundi pati na ng kapitalistang kabalat at ng kalalakihang nakikinabang sa kanilang trabaho at seksuwalidad. Sila ay naapi dahil sa kanilang kabansaan, uri, at kasarian. (11)

Inilahad din ni Ofreneo ang mga isyung kinaharap niya sa proseso ng pananaliksik tulad ng isyu ng pagsesentro sa mga subheto, pagtitimbang ng relasyon sa pagitan ng mananaliksik at ng mga kababaihang manggagawa sa bahay, at pag-igpaw sa agwat na namamagitan sa mananaliksik at sa paksa ng kanyang pag-aaral. Sa proseso ng pananaliksik, tinangka ni Ofreneo na buwagin ang hirarkiya sa pagitan niya at ng mga kasangkot. Ang mga manggagawa sa bahay ay naging mananaliksik din. Isang malaking kaibhan mula sa mga naunang kahalintulad na pananalaiksik ang pakikibahagi ng mga kabaihang manggagawa sa kolektibong pagsusuri at interpretasyon ng kanilang sariling kuwentong buhay at ng mga kinasapitan ng pananaliksik.

Sa pamamagitan ng kuwentong buhay, napalilitaw at nabibigyang-ngalan ang kasaysayan, kabuluhan, at kahulugan ng mga manggagawa sa bahay. Kaiba ang kuwentong buhay sa iba pang uri ng pasalaysay na teksto dahil hinuhusgahan ng nagkukuwento ang mga pangyayaring kanyang isinasalaysay. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga pananaw nila sa mga pangyayari sa kanilang buhay, at kung paano sila kumikilos sa kanilang paligid, nagkakaroon ng mas malawak at malalim na pag-unawa tungkol sa paghubog ng kanilang pagkatao at ng lipunang kanilang ginagalawan. Ang kuwentong buhay ay isang teksto na nagbubukas ng espasyong pandiskurso para sa mga kaalamang mula sa ilalim, o mula sa mga kababaihang manggagawa sa bahay.

Tangina Nila!

Umiiyak ako ngayon sa sobrang panggagalaiti. Ang inaasahan kong pera noong January 3 pa, naka-hold pala. Hayup sila. Matapos nila akong pagkakitaan, ginaganun-ganon na lang nila ako! Sabi nila, andami daw negative feedbacks mula sa mga kliyente. Leche, recently, isa lang naman ang nagreklamo, a. The rest, positive na. Ang sabi ko naman sa kanila: "Maybe it's because you don't pay me on time." Tangina, sino ang gaganahang magtrabaho kung laging delayed ang payment sa project. Punyeta, wala na akong pera! Dalawang araw nang halos tubig lang ang laman ng tiyan ko sa sobrang pagtitipid. Hinihingal ako ngayon sa sobrang panggigigil. Tanginang hindot nila! Walang pagpapahalaga sa mga writers! Kung alam lang nilang dinudugo ang utak ko sa pananaliksik at pagsusulat gabi-gabi. Kung aabot lang sa Amerika ang barang, ipababarang ko sila. Mga buwakanang halimaw talaga!

19 Disyembre 2007

------

UPDATE: Mukhang 48 years pa bago ko makuha ang sahod. Sa April pa raw. Kelangan ko nang makakontak ng mambabarang sa lalong madaling panahon.

10 Pebrero 2008

Missing A

Pagbigyan ako. Minsan lang akong magbukas tungkol sa usapin ng puso.

Nakilala ko si A noong Agosto noong nakaraang taon, ipinakilala ng isang kaibigan. Nabuhay ang pusong matagal nang inaamag sa di pagtibok. Lahat ng gusto ko sa isang tao, nasa kanya: nagsusulat, laging may dalang aklat, palanood ng pelikula, spontaneous, kuwela, yamot sa mga text lingo, at di nauubusan ng kuwento, bukod pa sa usaping pisikal at seksuwal. May ilang katangian din siyang nagdudulot sa aking humiling ng force majeur at maglahong parang bula: may pagkamahangin at pakiramdam niya, siya ang sentro ng mundo. Pero natiis ko lahat, gayong ito ang pinakaayaw ko sa lahat ng tao.

Sa unang pagkikita, nakisaya kami kay Betty sa “Ugly Betty”, sinabayan si Aaron Eckhart sa pagyoyosi sa "Thank You for Smoking", at nakipagtawanan kay Jamie Joaquin sa "Games Uplate Live". At ang inaasahan ay nangyari.

Ang ikalawang pagkikita ay puno ng panghihinayang. Bagsak ang mga balikat namin nang di maabutan ang aming idolong si Quentin Tarantino sa Gateway para sa Cinemanila. At halos matibag ang gusali sa pagdadabog namin nang ma-cancel ang panonoorin sana naming pelikula, ang "Temptation Island" (mahal ko talaga ang mga taong nahihilig sa mga klasikong pelikulang Pilipino). Naipagpag lang ang mga panghihinayang ito ng aming kuwentuhang inabot ng sikat ng araw.

Sa ikatlong pagkikita, ginapang kami ng hilakbot habang pinanonood ang pelikulang "1408". Damang-dama ko ang langit sa tuwing napapakapit siya sa aking braso. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit patok sa mga magkakasintahan at sa mga nagde-date pa lang ang mga pelikulang horror. Pagkatapos, itinuloy namin ang takutan sa paborito naming espasyo sa Cubao, sa yosi area ng isang call center malapit sa karnabal. Natunaw ang puso ko nang sabihin niyang: “Uy, Anthony, alas dose na. Happy birthday.” Ipinakita pa niya sa akin ang kalendaryo sa cell phone niya, naroon nga ang pangalan ko. Napa-wow ako. Sinalubong ko ang bagong kabanata ng buhay ko kasama ang taong sa tingin ko ay mahal ko na. Muli, inabot kami ng liwanag sa magdamagang luwentuhan. Isa sa mga pinaka-highlight ang paggulat ko sa kanyang may multo sa likuran niya at ang halos patalon niyang pagyakap sa akin. At sa mga kaibigang nagtatanong kung bakit lagi akong may dala-dalang bottled water na hugis lalagyan ng pabango, si A ang dahilan.

Iyon na ang huli naming pagkikita. Nag-uusap pa rin kami sa pamamagitan ng cell phone, hanggang sa nagkatabangan na.

Kanina, pagkatapos kong mainterbyu at matanggap bilang reporter sa isang magazine, nakatanggap ako ng text mula kay A. Nakasabay niya raw ako sa MRT. Divine intervention? Sabi ko: “Bakit di mo ako tinawag. It’s been a while.” Sagot niya: “Nagmamasungit ka, e.” Nagsisisi tuloy ako kung bakit nakasanayan ko nang ikunot ang noo ko. Sabi ko sa kanya, sana magkasabay uli kami sa MRT. Nagtext kami nang nagtext hanggang sa sabihin niyang: “Let’s meet nga minsan.”

Muli akong nabuhayan ng loob.

11 Enero 2008

--------

UPDATE: Ilang beses din kaming nag-text-an. Pero wala pala talaga. Sabi na nga ba, na-excite lang ako. Nakornihan ako sa pinagsususulat ko.

10 Pebrero 2008

Treasure Hunting sa Q (Salamat sa mga Pirata)

Ito lang ang masasabi ko: huwag na huwag ninyo akong dadalhin sa Quiapo kung ayaw ninyo akong maghirap. Ayos lang, usually naman kasi, walang ibang nagyayaya sa aking pumunta roon. Ang siste, nangati ang sarili ko at sinulsulan akong mag-Quiapo kanina.

DVD hunting!

Wala akong paki kung himatayin ako sa gutom in the near future. Kailangan kong i-satisfy ang sarili kong bumili ng mga hard-to-find title. Dalawang buwan ko ring pinigilan ang sariling mamakyaw ng DVD. Tipid mode kasi. A, isang malaking understatement ang salitang "tipid" sa kalbaryong pinagdaanan ko nitong nakaraang buwan. E, since naambunan ng datung - salamat sa ina kong mahal - ayun, waldas kung waldas. Saka ko na iisipin ang napipinto kong financial crisis; ang mahalaga, nagawa ko ang gusto ko. I know, I know. Di magandang gawain yun. Pero ayos lang, therapeutic kasi ang dating sa akin ng pamamakyaw ng mga DVD. Lalo na kung hard-to-find ang kopya. Parang treasure hunting. Punung-puno ng adventures and surprises.

15 titles lahat binili ko:

On Ne Devrait Pas Exister
Pardonnez-Moi
Baise Moi
The Journals of Knud Rasmussen
Yamakasi
Lust, Caution
The Kite Runner
Juno
Atonement
Hairspray
Across the Universe
Naked Boys Singing
Sweeney Todd
My Life as a Dog
Kubrador

28 Enero 2008

Usapang Suicide

Hindi ako nakatulog kagabi. Natakot akong bangungutin, kunin ang kutsilyo, at pagsasaksakin nang walang humpay ang sarili. Naliligo sa sariling dugo. Gilit ang leeg. Wakwak ang tiyan. Labas ang bituka. Wala naman akong suicidal tendency, 100% sure ako riyan. Natakot lang talaga ako sa pinanood ko: "Akumu Tantei" (Nightmare Detective).

Japan, isang bansang may mataas na suicide rate, ang setting ng kuwento. Sa pelikula, tatawagan sa cell phone ng isang gusto nang magpakamatay ang lalaking nagngangalang "O". Ito ang mangyayari: magpapapakamatay sila over the phone. Makikita ng manonood na sasaksakin ni "O" ang sarili, at pag turn na ng nasa kabilang linya para magpakamatay, isang misteryong nilalang ang brutal na papatay sa kanya.

Ito ang twist: Nangyayari ang lahat pag tulog na ang tumawag. Pumapasok sa panaginip niya si "O" at saka niya ito papatayin. Pero ang totoong nangyayari, ang biktima ang pumapatay sa kanyang sarili habang siya ay natutulog.

Dito ako natakot.


May isang eksena sa pelikula na habang nilalabanan ng babaeng bida (isang detective na sinubukang kausapin sa cell phone si "O") ang antok, itinago niya lahat ng matatalim na bagay para wala siyang ipansaksak sa sarili sakaling bangungutin. Akala niya, naitago na niya ang lahat. Pero nang i-angat niya ang unan, may nakita siyang kutsilyo. HIndi niya alam kung gising pa siya o binabangungot na.


Siyempre, kinabahan din ako. Sinampal-sampal ko ang sarili para siguraduhing gising ako. Ibinalot ko sa newspaper ang kutsilyo sa bahay at itinago ko sa cabinet. Ni-lock ko pa para sigurado. In-off ko rin ang cell phone ko. Kung kaya ko nga lang igapos ang sarili, igagapos ko talaga.
Gusto ko na talagang tawagan ang ilang kaibigan at makiusap na dito na lang sa place ko matulog. Para at least, may magbabantay, kung sakali mang may gawin akong masama sa sarili. Seryoso, napraning talaga ako sa pelikulang 'to. Big time.
Pinapasok din ni "O" ang panaginip ng mga taong nagsasabing never pumasok sa isip nila ang magpapakamatay. Sina-suggest kasi sa pelikula na lahat ng tao, sa kaloob-looban nila, may maliit na boses na nagtutulak na magpakamatay sila. Dito nagka-capitalize si "O".

Ang morbid ng iniisip ko matapos ang pelikula: "What if, kahit gaano ako ka-optimistic sa buhay, masulsulan ako ng boses na 'yon na magpakamatay? What if, hindi na ako magising kinabukasan?"

At ang creepy, may ilang lines sa pelikula na paulit-ulit. Hypnotic. Pati ang tono, parang nanghi-hypnotize. Sabi ko sa sarili, hindi kaya may underground suicide circle sa Japan, at ginagamit ang pelikulang ito bilang instrumento para manghikayat ng suicide?

(Siya nga pala, gusto ko ring panoorin ang "Suicide Club", Japanese film din)

Sigurado ako sa sarili na wala sa hinagap ko ang kitlin ang sariling buhay. Mahal ko ang sarili at maraming nagmamahal sa akin, kaya walang rason para magpakamatay.

Pero kung iisiping maiigi, lahat naman tayo ay nasa kasalukuyang proseso ng pagpapakamatay. Ang pagyoyosi at pagtungga ng alkohol ay katumbas ng pag-inom ng lason. Ang pagbubuga ng usok sa sasakyan, pagtapon ng dumi sa ilog, at pagsiga ng mga basura ay parang pagbibigti lang. Ang pagboto sa mga tiwaling opisyal ay pagbabaril sa sariling bungo.

Di ba?

3 Pebrero 2008