Wednesday, November 5, 2008

Madugo ang Maging Bata


Masarap maging bata. First of all, di ka namomroblema kung sa’n maghahanap ng lunggang pagtataguan ‘pag naririnig mo na ang mga yabag ng landlady na humihithit-buga ng pera. O kung pa’nong di maiyak sa mga love song matapos ang isang “Gusto ko nang mamatay” na breakup. Ang problema mo lang ay kung pa’no malu-Lupa ang kalarong daig pa’ng butiki sa pagkakadikit sa pader habang naglalaro ng Langit-Lupa o kung pa’nong di mahuli sa takbuhan para di maasar na may tae sa puwet.

On the other hand, madugo ang maging bata. Di dahil kelangan mong tulungan ang nanay mong magtupi ng butas-butas na brief ng tatay mo o dahil kelangan mong matulog sa hapon para tumangkad kahit na kating-kati ka nang maligo sa ilog at magputik sa bukid kasama ang mga ever-energetic na kalaro o dahil sa mga tito’t titang clueless na child abuse ang pagpupuwersa sa ‘yong mag- “O Captain! My captain” sa harap nila.

Di ‘yon. Madugo ang maging bata dahil, well, literal na sumisirit/dumadanak/umaagos talaga ang dugo.

Flashback (ca. late 1980s – early 1990s)

Isa ako sa mga pinakapilyo sa klase no’ng elementary. E, paborito namin ‘yong itaas ang palda ng mga kaklase para makita kung ano’ng kulay ng panty ng mga girl. Si Precious Mae Kalabaw, ang isa sa mga napagdiskitahan namin, hinabol namin kasi ayaw magpahuli. E, nadapa siya. Sumalpok ang nguso sa kongkretong pader. Siyempre natakot kami kasi tumugudog talaga nang makipag-head on collision siya sa pader. Tumayo si Precious Mae. Humarap sa amin. Basag ang labi at duguan ang baba. Iniluwa niya sa palad ang dalawang ngipin. Mangiyak-ngiyak siyang napangiti.

Usung-uso sa amin no’ng Grade Two ang baragan ng lapis. ‘Pag recess at ‘pag ubos na namin ang champoradong nakaplastik na ibinebenta ng mga suma-sideline na teacher, ayan, baragan time na. E, natalo ‘tong si Ryan Jay na pikon. Ayun, sinaksak ng lapis sa pisngi ang bumarag sa Monggol # 2 niya. Si Rene Grace (Si Rene Grace nga ba? O si Bemma Jane?), ‘yong singer ng klase na kumakanta sa Bombo Radyo Isabela. Parang naghilamos ng pulang pintura ang kawawang bata. Kinahapunan, sinampal si Ryan Jay ng matabang nanay ni Rene Grace. Putok ang labi ng kawawang bata.

Ito, walang inolved na dugo. A. meron pala. Malamang internal hemorrhage. Grabe talaga ‘to. Si Mary Ann, ‘yong star player ng Chinese garter sa school. Ang haba ng legs nito at ipinanganak yata para tumalon ng mataas. Siya ang undisputed Chinese garter queen. Kahit na ilang higher pa ‘yan, sisiw lang sa kanya. Pero, ang sabi nga, nobody’s perfect. Ayun, isang maling bagsak, putol ang buto sa braso. Matindi. Parang buntot ng bakang lumaylay ang kamay niya. Sabi ng iba, lumabas daw ang ilang bahagi ng buto niya. OA na ‘yon. Sinabi lang ‘yon ng mga kaklaseng gustong may maibidang kuwento sa kani-kanilang bahay.

Siyempre may bloody experiences din naman ako kahit pa’no. Di yata ‘to magpapatalo. ‘Pag nakikita ko sa salamin o nahihimas ang ibabang bahagi ng lower lip ko, naaalala ko ‘yong araw na naligo kami ng mga kalaro sa ilog. Meron kasing isang puno do’n na pinaglulundagan namin. Suwerte mo ‘pag sa tubig ka bumagsak. Malas mo kung sa batuhan ka dumaplak. E, malas ako no’ng araw na yun. Ayun, isa akong karneng sumalpok sa batuhan. Di lang nagdugo ang nguso ko’t nabungalan, ilang linggo rin akong di nakaligo sa ilog.

Napilas din ang balat ko sa singit. Naglalaro kami no’n ng Agawan Base. E, ako ang tagabantay sa base. Para di maagaw ng kalaban ang base, kelangan mong bantayan ‘to with all your life. So nilimliman ko siya para di maagaw. Itong pinsan kong si Kuya Ian, barubal kung maglaro. Walang sinasanto. Parang ‘yong mga badboy sa basketball at American football. Alam na nga niyang nakaupo ako sa batong base namin, ayun, nag-slide pa rin para madikit ang paa dito. E, dahil nakaupo nga ako do’n, ayun sapul ang bata kong singit. Natuklap ang balat. Bad trip lang kasi isang linggo rin akong nakabukaka. Mabuti na lang at di nasapul si birdie. Lagot ang kinabukasan ko if ever.

Isa sa mga pinakagrabeng nangyari sa akin ‘yong matuklap ang ilang bahagi ng anit ko nang sumabit sa barb wire. Hinahabol kasi ako ng asar-talo kong kuya, si Kuya James. Di ‘yon nagpapatalo sa mga laro. At lagot ka ‘pag tinalo mo siya sa sipa o ‘pag naubos mo ang teks niya. E, minsan tinalo ko siya at naubos ang ang de-kulay niyang mga holen, salamat sa pandaraya ko. Ako pa naman ‘yong sobrang lakas mang-asar. Kinantahan ko siya ng “Waaah. Kawawang bata. Talo ang bata.” Ayun, hinabol niya ako. Tawa ako nang tawa dahil ako ang kuneho at siya ang pagong sa habulan. Nang biglang parang may kumutos sa ulo ko. Napahinto ako at si Kuya. Hinimas ko ang ulo ko. Umagos ang dugo sa noo ko. Hindi ako makaiyak no’ng una dahil di naman masakit. Pero no’ng nakita ko ang ilang hibla ng buhok sa barb wire, ayun, nagtatatakbo ako sa bahay at sinumbong si Kuya. Ilang hampas ng walis tingting sa puwet ang inabot ni Kuya James.

Bumabaha talaga ng dugo ‘pag bata ka. Nar’yang makatapak ka ng basag na bote, yerong pakalat-kalat, o kalawanging pako. Nar’yang tamaan ng lumilipad na piraso ng kahoy ang noo mo habang naglalaro ng siyato. O tamaan ng pako ng trumpo ang paa mo. O madapa at magasgas ang tuhod at braso sa kagustuhang mahabol ang kalarong nagpasyang di ka na “bati.” Of course, nar’yan din ang kinatatakutan ng mga batang lalaki – ang matuli sa pamamagitan ng pukpok o sa doktor – at ang unang reglang iniiyakan ng maraming batang babae.

Walang sinabi ang mga Japanese gory film at mga bayolenteng online games kumpara sa madugo at bayolenteng kabataan. Lalo na kung winawarat ng mga demonyong nakatatanda ang kanilang kamusmusan.

0 comments: