Sunday, November 9, 2008

Loob

Isang magkasintahan ang nagkatampuhan at ilang araw nang di nag-uusap. Nang muling magharap, ito ang nasabi ng babae sa lalaki: “Masamang-masama ang loob ko sa iyo. Ikaw na nga ang may kasalanan, ni hindi ka man lang nagkusang-loob na lapitan ako’t ipaliwanag ang kalokohan mo. Utang na loob, magpakatino ka naman kahit minsan.” Kapansin-pansin sa tinurang ito ng babae ang paggamit sa salitang loob nang tatlong beses: masama ang loob, kusang-loob, at utang na loob.

Ang salitang Tagalog na loob ay isang mahalagang konsepto sa pag-unawa sa pagkataong pilipino. May ilang gamit at dimensiyon ang loob ng Pilipino. Unang-una na ang ugnayan ng loob at katawan: ang sama ng loob ay katambal ng init ng dugo; ang laki ng loob o mabuting loob ay katumbas ng laki ng puso; sinasabing ang dalawang tao ay magkaututang dila kung sila ay nakakapagpalagayan ng loob; ang kabuhusan ng loob ay ipinahahayag ng kadikit ng bituka; at sinasabing ang isang lalaki, o babae man, ay may bayag kung siya ay may lakas ng loob o tibay ng loob. Kung gayon, ang mga lamang loob o ilang bahagi ng katawan ang karaniwang nagpapahayag ng loob.

Ang loob ay may intelektuwal na dimensiyon din. Halimbawa, sasabihin ng guro sa mga mag-aaral na isaloob nila ang lahat ng natutunan nila sa klase. Ibig sabihin, tandaan at ipasok sa utak, sa kukote, at puso ang lahat ng mga napag-aralan; hindi iyong papasok sa isang tenga at diretso labas sa kabilang tenga.

Sa emosyonal na dimensiyon, nariyan ang pagbabagong-loob. Halimbawa: “Bagong taon na, magbagong-loob ka na.” Ang pagbabagong loob na ito ay maaring negatibo (pagiging masungit, malungkutin, mainipin) o positibo (pagiging mabait, masayahin, optimistiko). Isa pang halimbawa: “Sobrang nabagabag ang loob ko sa pinanood ko kanina. Masyadong nakakadistorbo,” Ang pahayag na ito ay tumutukoy sa halu-halong emosyong nadama ng nagsalita (pagkagitla, pag-aalala, pangamba). Ilan pang halimbawa ang mga sumusunod: matigas ang loob, matibay ang loob, masakit ang loob, mababa ang loob, buo ang loob, nabuhayan ng loob, napanghinaang loob, pukawin ang loob, at nasa loob.

Mayroon ding etikal na gamit ang loob. Ang magandang loob ay tumutukoy sa kadalisayan at kabutihan ng puso ng isang tao. Kabaligtaran nito ang walang loob, o iyong walang puso. Sa mga konsepto naman ng utang na loob at ganting loob, lumulutang ang ekspektasyon ng isang taong maibalik sa kanya, sa anumang paraan o anyo, ang ibinigay niya sa kapwa. Ang taong may mababang loob ay taong mapagpakumbaba. Halimbawa rin ng etikal na pagpapahayag ng loob ang mga sumusunod: pagbabalik-loob, nagkakaloob, sa tanang loob, gawang-loob, bigay-loob, kaloob, at tanging loob.

Mapapansin sa mga halimbawang nabanggit na ang paggamit ng salitang Tagalog na loob at ang pagpapahayag nito ay holistiko. Ibig sabihin, ang loob ay tumutukoy sa malawak na katotohanan ng tao at sa umiiral niyang interaksiyon sa sarili at pakikipag-kapwa-tao.

 

0 comments: