27 years old. Galing sa isang may-kaya at politikong angkan sa isang probinsiya sa Northern Luzon. Congressman ang ama at mayor naman ang ina. Naglayas at nagsarili sa Manila pagka-graduate ng high school. Hindi nakatiis sa panghihimasok ng mga magulang sa mga desisyon sa buhay.
Nagtapos ng journalism sa UP Diliman. Magna cum Laude. Inulan ng offer mula sa mga bigating TV network at diyaryo, pero mas piniling magsulat para sa Tambok, isa sa mga pinakamabentang tabloid sa Manila. Naka-assign sa pagko-cover ng mga bugbugan/sabunutang magkakapitbahay, raid sa mga bahay-kantutan, at mga balitang saksakan at barilan (personal favorite ang crime of passion). Naging mainit sa mata ng isang congressman nang ibunyag ang pambabahay nito sa isang pokpok na nauwi sa isang masabaw at maiskandalong hiwalayang mag-asawa. Controversial din ang isinulat tungkol sa pambubugaw ni Manager-slash-Mama San kay Rising Star sa Tatlong Hari ng Pork Barrel sa kongreso. Pangarap na mapabilang sa Palanca Hall of Fame at maging National Artist for Literature bago mamatay.
Hindi conscious sa hitsura at pananamit. Walang iwiniwisik na pabango sa katawan at ipinapahid na Eskinol at moisturizer sa mukha. Tubig at sabon, ayos na. Nagpakalbo para tipid sa shampoo. Kinakati at nahahatsing sa mga kaek-ekan ng mga lalaking umaasang maging katulad ng mga modelong hindi naman talaga tao sa mga billboard at magazine. Kung ano ang unang mahablot sa cabinet, iyon ang isinusuot – madalas ay manipis at preskong damit at pantalon na hindi mapang-api sa bayag. Mas komportable sa tsinelas. Namamaltos ang mga paa sa sapatos. Nalulukot ang mukha kapag sinasabihang kamukha ni Gardo Versoza. Ayaw na ayaw na na-a-associate kay Machete.
Nagsosolo sa isang studio-type apartment sa Manila. Ayaw nang may kasamang iba sa bahay. Ayaw nang nakikisama at pinakikisamahan. Ayaw magpasakop sa batas ng iba sa loob ng bahay. Ayaw na ayaw na nakikipagkuwentuhan sa landlady na si Michay, ang buhay na patunay sa kasabihang “may tenga ang lupa, may pakpak ang balita.” Nagwo-world tour ang kaluluwa kapag nagsimula na ang walang katapusang pagratatat ni Her Majesty of Tsismis tungkol sa langit at impiyerno.
Expert sa pagtatago ng emosyon. Kunwari malungkot, pero masaya deep inside. Kunwari naaaliw, pero nangangati nang mandukot ng mata. Hindi mahilig sa mga confrontation scene. Pero pumipitik din minsan kapag nakakanti. Nag-iisip muna nang mabuti bago magsalita kaya madalas napagkakamalang slow mag-isip ng marami. Pinag-iinitan ang Wow Magic Sing sa bahay kapag masama ang loob (paniwalang-paniwalang kalebel si Gary V. sa kantahan, pero ang totoo ay kaboses ng mga lasenggerong gabi-gabing nambubulahaw ng baranggay).
[Censored ang tungkol sa sex life.]
Malapit nang tumigil sa paninigarilyo. Takot matulad sa kasamahan sa trabahong nasunog ang baga at natigok. Nagpasyang pupunuin na lang ng upos ng Marlboro Lights ang isang long neck na Emperador (nangangalahati na).
Dating tibak. Hindi kumain nang dalawang araw kasama ang ilang magsasaka sa harap ng DAR para ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka. Kasamang lumusob sa US Embassy at sa mga kompanya ng langis. Minsan nang makulong nang ilang oras nang magkagulo sa rally para suportahan ang mga empleyado ng Manila Hotel. Pero hindi na ngayon aktibo. Ayaw sabihin kung bakit.
All-time favorite ang “The Fountainhead” ni Ayn Rand, kahit hindi matunaw ng tiyan ang mga idea ng babaeng numero unong tagapagsulong ng individualism at capitalism. Hanggang ngayon, dini-diyos pa rin ang Eraserheads. Lantaran ang pagka-adik sa mga telenobela / telesine / teleserye / sineserye / fantaserye / soap opera / sinenobela / chinovela. Ayaw na pinakikialaman ng mga bisita ang Akira Kurosawa at Alfred Hitchcock na hinalukay pa sa Quiapo, salamat sa magigiting na pirata. Nanonood ng Wowowee at Eat Bulaga kapag gustong inisin ang sarili.
Fan ni Angel Locsin.
2 comments:
haha.
galing magkwento.
kakatuwa nman:D
~ Margaux
hi margaux. isang raised to infinity na salamat. =)
Post a Comment