Bagong taon na. I’m sure, mapupuno na naman ang blogosphere ng mga New Year’s resolution. Na malamang sa malamang, mabubulok lang sa basurahan. Nariyang magda-diet daw para sumeksi, pero mas malaki pa sa aparador ang katawan wala pang ilang buwan. Meron diyang ibang magtitipid na raw, pero ‘yon, nakikipag-hide-and-seek sa mga credit company one year later.
Di ko rin naman sila masisisi. Mahirap na kasing baguhin ang nakasanayan na, e. Kaya nga nag-aalangan akong gumagawa nito dahil mahirap mapapangatawanan. Sayang lang ang effort. Pero dahil gusto ko ng mga challenge, susubukan ko.
1. Maging social animal. Pramis, susubukan kong lumabas naman paminsan-minsan sa lungga ko at pumasok sa social circle. ‘Yong tipong um-attend sa mga Christmas at New Year party, family at high school reunion, night out ng mga kasamahan sa trabaho, inuman kasama ang mga pinsan, movie date with friends, children’s party, binyag, kasal, lamay at burol, at kung anu-ano pang pagtitipon na nangangailangan ng mga social skill – nang hindi tumutunganga sa isang sulok habang nag-i-strategize kung pa’no umeskapo o tumitingin sa relo para i-countdown ang pagtatapos ng pagtitipon. Wala naman sigurong masama dito, ‘no?
2. Dalas-dalasan ang pagsisinungaling. Lagi akong napapa-trouble ‘pag nagsasabi ako nang totoo. Inatake ng hypertension ang boss ko nang sabihin kong tinamad ako at natulog magdamag kaya di ako nakapasok sa trabaho. Matatalim na irap ang inabot ko matapos akong tanungin ng lola ng isang kaibigan kung masarap ba ang niluto niyang sinigang na hipon at sinabi kong kulang sa alat at asim. Di na ako pinansin ever ng ultimate crush ko nang komprontahin niya ako at tanungin kung ako raw ba ‘yong secret admirer na nagtetext sa kanya. Sabi ko, oo. Madalas ding mairita ang ilang mga kaibigan kung sinasabi ko ang tunay na dahilan kung bakit di ako makapunta sa lakad nila – tinatamad ako, ayokong bumiyahe, ma-polusyon sa labas, ayoko ng maingay, ayokong malasing, mabo-bore lang ako, etc., etc. Kaya para iwas-gulo, mas mabuti pa sigurong praktisin ko na ang pagsisinungaling. Tutal, marami namang nabubuhay sa kasinungalingan.
3. Makinig sa mga kuwento ng kausap. Iniiwan talaga ako ng kaluluwa ko ‘pag kinukuwentuhan ng mga kuwentong mala-Biag ni Lam-ang ang haba. ‘Yong tipong nagkakakalyo na ang leeg at batok mo sa pagtango para lang masabing nakikinig ka. Susubukan kong makinig talaga. Pagbigyan ang kausap. Sige, susubukan kong maging sponge para makatulong sa kapwa kahit pa’no sa paglalabas ng kanilang mga sama ng loob, excitement, takot. Para mapaghugutan na rin ng mga materyal para sa blog.
4. Bawas-bawasan ang pagiging nega. Hindi ko na iisiping baka magkaroon ng super typhoon ‘pag namamasyal sa mga probinsiya. Hindi ko na iisiping baka mahulog ang sinasakyan kong ordinary bus sa mga fly over sa EDSA. Hindi ko na iisiping baka salpukin ng eroplano ang building na pinagtatrabahuan ko. Hindi ko na iisiping baka laman ng tao ang sahog ng lugaw na kinakain ko sa isang turu-turo sa Taft. Hindi ko na iisiping baka mamatay ako sa yosi. Hindi ko na iisiping baka hindi ako magustuhan ng crush ko. Hindi ko na iisiping si Mama lang ang nagsasabing pogi ako. Hindi ko na iisiping kakornihan at katangahan ang ma-in love.
5. Maging kamukha ni Gael Garcia Bernal at kasing-katawan ni Matthew McConaughey.Papatayin ko sa panghihinayang ang lahat ng umayaw sa akin dahil hindi ako magandang lalaki (well, wala lang siguro sa uso ang hitsura ko). Regular akong magpapaderma for that poreless, whiteheadless, blackheadless, spotless, oil-free facial skin. Wala nang hiya-hiya ‘to, pero bibili ako ng mga vanity product. Kung di kakayanin, bibisitahin ko si Belo (kelangang pag-ipunan ‘to). Magpapa-body scrub ako para pumuti ang mga kasingit-singitan ng katawan ko. Mag-e-enrol ako gym. Palilitawin ko ang mga pandesal sa abs ko, patitigasin ang dibdib at puwet, at iwo-work out ang braso, hita, at binti. Ewan ko lang kung walang maglaway sa akin.
Ayan. Marami pa akong gustong idagdag pero ito na lang muna. Kung mapangatawanan ko ang mga nasa listahan, e di maganda. Kung hindi naman, sorry na lang.
4 comments:
Wala akong ganito sa blog ko. Haha. Ayaw ko kasing mabasa ang ganung entry in the future tapos sasabihin ng future self ko na ano ba naman itong past self ko, isang malaking hipokrito. Haha.
Magtatayo ako ng fans club para sa iyo para all the way mo itong magawa. Ewan ko lang ha haha
As if namang seryoso ako sa mga 'yan. Kainis, di yata nag-work ang sarcasm sa entry na 'to. haha
Aba, malay ko ba kung gusto mo nga talagang maging the next big thing party animal sa isang club kung saan man ano. Haha
Ay, pangarap ko talaga 'yan.
Post a Comment