Tuesday, January 6, 2009
Pasakalye
Isa sa mga huli kong short story bago ako tinamad magsulat ng kuwento. Last year pa 'to.
-------------------------------
PASAKALYE
Uy, buti na lang nakita kita. Tara , mag-miryenda tayo sa tindahan. Sa’n ka ba nagsusuot at ilang araw na kitang di mahagilap? A, oo nga pala. O, tapos. Ay, dyuskupo, kawawa naman pala’ng amo mo. Mamamatay na nga yata. Talaga, sigaw nang sigaw? Mabuti at natagalan mo’ng pagbabantay. Kung ako ikaw, baka nabaliw na ako. ‘Yokong nakakarinig ng ganyang sigaw. Alam mo ‘yon, ‘yong tipong sasabog ang bungo mo sa tindi ng tili. Ramdam mo rin kung ano ang sakit na nararamdaman n’ya.
Parang no’ng binantayan ko si nanay sa ospital. Bata pa ako no’n. E, ako lang ang kasama ni nanay no’n. Ang tatay, ewan ko, di ko na maalala kung nasa’n siya no’n. Malamang naghahanting ng mauutangan. Ta’s ayan na. E, di dumating ang doktora at mga nars. Sabi ng doktora, maupo lang daw ako sa tabi. E, ako naman si masunuring bata, di naupo ako. Hinawakan ng isang nars ang balikat ni nanay. ‘Yong isa naman, hinawakan ang balakang n’ya. Halos bumaon ang mga daliri nila sa katawan ng nanay ko.
Pinatagilid nila si nanay. Nakatitig siya sa akin. Halos nakapikit, pero alam kong nakapako ang tingin n’ya sa akin. Nanginginig ang tuyot na labi at kumislap ang luhang ayaw n’yang ipakita kay tatay. Takot na takot siya sa mga taong nakaputi at sa mga metal at maliliit na boteng dala nila. Ayokong salubungin ang tingin ni nanay. Ha? Basta, ayoko. Nakakatakot. Kaya ‘yon, kung saan-saan gumala ang tingin ko. Sa alambreng buhok ng doktora, sa nunal na pasas sa ilong ng nars, sa nanlilimahid kong kuko, sa krus na halos nakatagilid na sa pagkakapako nito sa dingding. Basta, ‘yoko kasing nakikitang naghihirap ang nanay.
‘Yong doktora, pumuwesto sa likod ni nanay. Itinarak ang pagkahaba-habang iniksiyon. Halos bumagsak ang kisame sa tindi ng sigaw si nanay. Pinagmumura ang doktora sa sobrang sakit. Do’n ibinuhos ni nanay ang natitira pa n’yang lakas. Parang may kinakatay na baboy. Tinakpan ko ang tenga ko no’n at humarap na lang sa bintana. Halos mapipi ang tenga ko sa tindi ng pagkakatakip. Wa epek. Nanlambot ang buto’t laman ko sa pagsisisigaw at pagmumura ni nanay. Ramdam na ramdam ko rin ang pagtibok ng ugat sa noo ko. Pati ang puso ko, dugdug… dugdug… dugdug… Alam mo ‘yon? Di ko talaga makayanan kaya tumakbo na lang ako palabas. Pagbukas ko ng pinto, nasalubong ko si kamatayan at ang nangingintab n’yang kalawit. Iyak ako nang iyak sa labas ng ospital. Tahimik na ang kuwarto pagbalik ko.
Kaya nga naawa ako sa amo mo ngayon, e. Hmmm… Nar’yan na ba lahat ng mga kamag-anak nila? Ang kapal din naman ng mukha ng asawa ni madam, ‘no? Matapos siyang ipagpalit sa isang mabantot na pokpok, ayan at nakabantay sa naghihingalong asawa. Gusto yatang madaliin ang pag-akyat ni madam sa langit.
A, oo nga, naaalala ko pa no’ng magkaroon ng giyera d’yan sa inyo. Di ko kinaya’ng eksena. ‘Kala ko, sa pelikula lang nangyayari ang gano’n. Si madam, parang asong ulol na hinabol ng kutsilyo ang aligagang kerida. Itong si kerida naman, nakabuyangyang ang retokadang susong nagtatatakbo hanggang sa may kanto. Siyempre, lumuwa ang mga mata ng mga tambay. Kung nagkataong nahuli si kerida, sigurado ‘ko, chop-chop lady ang labas n’ya. Popcorn na lang talaga ang kulang at parang nanood na rin kami ng sine.
Ang kapal din naman kasi ng mukha, magkakangkangan na lang, sa kuwarto pa mismo ni madam. Di ba? Puwede namang sa motel na lang. Sa Sogo, maganda raw do’n. O kaya sa Tawi-Tawi na lang o sa Sierra Madre. O sa’n mang lupalop ng daigdig. Basta do’n sa lugar na di sila mahuhuli. Tama. Sana , nag-Hong Kong o Singapore na lang sila.
‘Yong lalaki naman, siya na nga ang namangka sa dalawang pekpek, siya pa ang may ganang pagsasampalin si madam. May pagkamartir din kasi ‘tong si madam, ‘no? Kung ako sa kanya, puputulin ko’ng ari ng halimaw. Ako, ‘pag nag-asawa ako’t nahuli kong nambababae ang asawa ko, naku, magtago na sila ng babae niya sa puwertang pinanggalingan nila. Kahit sa’ng sulok ng impiyerno, susundan at susundan ko sila.
A, nar’yan na rin pala ‘yong panganay nila. Kala ko ba hanggang ngayon magkaaway pa rin sila ni madam? Tagal na ring di umuuwi ‘yan, a. Mag-iisang taon na, ‘no? Ito naman kasing si madam, ewan ko ba, may pagkalukaret din. Alak sa umaga, alak sa tanghali, alak sa gabi. – ‘Te, pabili nga ng Coke, ‘yong taglilimang piso. Dalawa. ‘Wag mo nang iplastik. Dito na lang namin iinumin. ‘Te, magkano ‘yong ano, ‘yong nasa tabi ng monay? Hindi, hindi ‘yan. ‘Yong katabi n’yan. Si ‘Te talaga, may katarata na yata. ‘Yan. ‘Yan. Magkano ‘yan? Lista muna ha. – O, libre ko na ‘to. ‘Yong utang mo sa akin, saka mo na bayaran ‘pag marami ka nang pera
Tapos? ‘Yong bunsong anak, dumating na rin? Alam mo, crush ko talaga ‘yong tisoy na ‘yon. ‘Pag niligawan ako no’n, kahit ano, ibibigay ko. Isanla ko man ang buong Pilipinas. Sana mapangasawa ko siya balang araw. Magiging masaya kami, sigurado ‘ko. Siyempre, ‘pag namatay na si madam, malaki ang makukuha n’yang mana. Magpapakasal kami sa, sa’n na nga ba yun, kung saan kinasal sina Aga at Charlene? Hindi do’n. Basta, sa ano yata. Basta, sa malaking-malaking simbahan. Magpapatahi ako ng magandang-magandang gown. ‘Yong mahaba ang buntot para mas sosyal. Imbitado kayong lahat sa kasal namin. Ta’s sa Amerika kami gagawa ng baby. Ta’s maninirahan kami sa bahay nila sa Bohol . Ta’s magnenegosyo kami hanggang sa yumaman nang yumaman nang yumaman. Ang saya, ‘no?
May sasabihin pala ako sa ‘yo. Ay, mamaya na lang pala. Basta, wala ‘yon. ‘Wag kang makulit, mamaya na nga.
Balita ko, nililigawan ka raw ni ano, ni...ano’ng pangalan n’ya? Umamin ka. Gaga, walang nakakalusot na sikreto sa akin, ‘no. Kuwento ka, bilis. ‘Wag kang mahiya. Nagkangkangan na ba kayo? Sige na, kwento ka. Pramis, di ‘to makakalabas sa iba. Atin-atin lang ‘to.
Ayyyyy! Talaga? Loka-loka ka talaga. Ginawa mo ‘yon? – Te, narinig mo yun? Humahada pala ‘tong si lukaret. – Grabe ka talaga. Kunwari tahimik, pero sumusubo rin pala ang santa. Ayyyyy! Ganun talaga’ng lasa no’n. ‘Yong sa jowa ko, maalat-alat din. O, tapos. Malaki ba? Sus, ngayon pa raw nahiya. Sige na. Ayyyyy! Talaga? Naku, e di wakwak ang pekpek mo?
Ha? Walang dyug? Hina mo naman. Dapat nagpadyug ka. Hala ka, baka magkakanser ka tulad ni madam. Tingnan mo, ilang milenyong walang titing naglabas-masok sa pekpek n’ya, ‘yan tuloy, kanser ang inabot. Oo, ganun daw ‘yon sabi sa komiks na nabasa ko. ‘Yong ibang mga madre nga, gumagamit daw ng talong. - ‘Te, bago lang kayo rito? No’ng isang hapon lang kita nakita. A, pinsan ka ni Ate Ditas? - Kaya habang may panahon pa, magpakangkang ka na rin nang di pamugaran ng uod ang matris mo.
E, di ‘wag kang maniwala. Bahala ka. Mahal ka d’yan. Gano’n ba ‘yon? Porke ba mahal mo ang isang tao, di ka na makikipagdyugdyugan sa kanya? Ang tanong, ikaw ba, mahal din n’ya? Talaga lang, ha. Pa’no mo naman nasabi? Gano’n lang talaga’ng mga lalaki. Sasabihin kung ano’ng gusto mo’ng marinig. ‘Yong jowa ko nga, lagi niyang sinasabing mahal daw niya ako, pero di ako naniniwala talaga.
Si bakla ba ‘yon? Oo nga, balikat pa lang, siyang-siya na. Aba , ang mahadera, nagmamaganda. –Hoy, bakla! ‘Yong utang mo bayaran mo na. Leche kang puta ka, ilang linggo na ‘yon, a. Umupa ka lang ng lalaking tsutsupain, e. Nagpatira ka na naman sa mga tambay d’yan sa kanto, ‘no? Pakialam mo kung balahura’ng bunganga ko. Kahit bastos ‘to, at least mabango, di tulad ng sa ‘yo, amoy bulok na tamod. Yak! O sige, basta bayaran mo ako bukas, ha. Kumusta mo ko sa nanay mo. Bakla, sabihin mo, magluto uli ng binagoongan. – Sarap talagang asarin ng baklang ‘yon. Okey lang ‘yon, gano’n lang talaga kaming mag-asaran.
Suwerte nila ng nanay n’ya, no? Mababait ang mga amo. Tingnan mo si bakla, pinag-aaral. Gradweyting na sa hasykul. Pagne-nursing-in din daw yata s’ya. Sa’n ka pa. At ang ganda kaya ng kuwarto nila. Oo, maluwang talaga. Tsaka presko. Nakita ko no’ng nagpunta ako do’n no’ng isang linggo. Sama ka sa ‘kin minsan, dalawin natin si bakla. At bukod sa marami silang panahon para magpahinga at mamasyal, mas malaki raw ang kinikita nila kesa sa atin. Leche, ‘yong sa akin nga, halos di na ‘ko makapagpadala sa Ilokos. – Wen manang, Ilokano ak met. Burgos ak. Sika ngay? Nagasideg gayam. Wen ngarud.
May lakad ka ba bukas? Punta tayo sa Cubao, nagpapabili kasi ng pantalon ang kuya ko. Maghahanap na naman daw ng trabaho. Kainis nga, e. Nabawasan na naman ipon ko. Natapos na kasi ‘yong dati n’yang trabaho sa konstraksyon. E, alam mo naman do’n, di ka talaga makakaipon. Kaya ‘yon, naghahanap na naman ng bagong mapapasukan. Sabi ko nga, mag-aplay na lang bilang janitor o gasoline boy. At least do’n, hindi masyadong delikado at permanente pa. E, sa konstraksiyon, kung di man siya mabagsakan ng mga kahoy o hollow blocks, baka ikamatay n’ya ang sobrang paglanghap ng mga alikabok.
Ano, tara. Nood tayo ng sine bukas. Tagal na rin nating di lumalabas. May maganda bang palabas ngayon? Ikaw, ano ba gusto mo? Ayoko ng bakbakan ha. Sumasakit ang ulo ko do’n. Sayang lang ang pera natin. Ay, alam ko na! Panoorin natin ‘yong kay Sam at Toni. Sige na. Nakakakilig ‘yon sigurado. Sobrang cute kaya ni Sam. Tsaka bagay talaga sila ni Toni.
Ano, tuloy tayo bukas, ha. Walang atrasan. Nar’yan naman na’ng mga anak ni madam, sila na muna’ng mag-aalaga sa kanya. Magsama ka na rin ng iba para mas masaya. Si malanding Puring, gusto ko siya. Nagkakasundo talaga kami. Masayang kasama. Tsaka pareho kaming madaldal. No’ng minsang nagpunta kami sa Cubao, grabe talaga, ansakit ng tiyan ko sa katatawa. Komedyante rin ‘tong babaeng ‘to, ‘no? Ngek, wala raw siyang pera?
Ba’t kaya ganun, ‘no? Di na matapos-tapos ang paghingi sa ‘tin. ‘Te, pantalon. Anak, may sakit ako, kahit pambili lang ng gamot. Ninang, bertdey ko. Insan, pautang naman. Pati kaibigan ng kaibigan ng pamilya ko, nanghihingi ng kung anu-ano. Ano ako, donyang nahihiga sa diyamante? Gaga, di ako madamot, ‘no. Nagbibigay kaya ako sa kanila. Nakakainis lang talaga na walang natitira sa akin. ‘Kaw, ‘wag mong sabihing di ka naiirita pag pinupuntahan ka ng tatay at mga kapatid mo dito para manghingi ng pera. Eto pa, saktong sa katapusan saka nila tayo dinadalaw. Alam mo ‘yon? ‘Pag malapit na’ng suwelduhan, ayan na, ihanda na’ng bulsa. Kaya nga minsan, parang gusto kong magtago.
May dumaan na anghel. Ako, may problema? Ba’t mo naman nasabi? Wala ‘yon. Basta. Wala akong problema. May iniisip lang ako kaya ako natahimik. Ano ka ba, okey lang ako ‘no. ‘Wag mo ‘kong aalahanin.
Ikaw raw ang paborito ni madam? Sabi ni Puring. Suwerte mo, paborito ka. Malay mo, may makukuha ka palang mana. Kahit isang alahas lang ang ipamana sa ‘yo, okey na ‘yon. Sana sumipsip ka no’ng nalaman mong malapit na siyang mamatay. Dapat ipinapakita mong magaling at mabait at mapagkakatiwalaan ka. Para maisama ka sa, anong tawag do’n, last will… Oo, ‘yon nga. Pordyosporsanto ka d’yan. Malay mo naman, pamamanahan ka talaga. Ba’t ‘yong ibang mga katulong sa TV, nabibigyan ng mana?
‘Langyang jowa ko, nagteks na naman. Loko-loko talaga ‘tong unggoy na ‘to. Sabi: “Bakit mo ako binitin kung kailan kainitan at basambasa ako? – SINAMPAY.” Andami ko kayang natatanggap na ganitong teks. Pasahan kita mamaya, pag nagka-load na ‘ko. Eto, pinadala sa ‘kin kagabi. Di ko maintindihan, e. Sabi: “Time is gold and so are we. But only God can make a tree. Japan ,Japan , sagot sa kahirapan. Land of the Rising Sun. Now as we sleep tight, don’t let the bed bugs bite. Remember to Just Always Pray at Night – Japan !” Di mo rin maintindihan? Ang labo, ‘no? Mukhang tanga.
Nakakabagot naman. Buti pinayagan kang lumabas. Mababaliw talaga ako ‘pag nasa loob lang. – ‘Te, eto’ng bote. Tsaka dalawang mamon na rin. Napanan na gayam ni Manang Ditas? Nagadayo met. Anya ti araramiden na idiay Masbate ? A, kasdiay gayam. Kaano kano ti subli na? – Mamon, o. Ayaw mo? Ewan ko, bigla akong nagutom. Di kasi ako nakakain nang maayos kaninang umaga. Nagsusuka ako, e.
Uy, may sasabihin ako sa ‘yo. Pero sikreto lang natin to, ha. ‘Pag ipinagkalat mo sa iba, sasabunutan kita hanggang matuklap ang anit mo. Tatalupan din kita nang buhay ‘pag nagdaldal ka. Pramis? Pramis yan, ha. Papakulam talaga kita ‘pag idinaldal mo sa iba. Lika rito, baka marinig tayo ni ate.
Di ko sinabi sa ‘yo, pero, naaalala mo no’ng nag-bidyo-oke tayo sa bahay? No’ng wala sina mam at ser. Pagkaalis mo, dumating si ser. Lasing. Nasa kusina ako no’n. Lumapit sa akin. ‘Kala ko may iuutos lang. Nagulat ako no’ng yakapin n’ya ako. Kinabahan talaga ako no’n. Muntik na akong mapasigaw nang pisilin n’ya ang puwet ko. Tinakpan n’ya ang bibig ko. Nanlaban talaga ako, pero malakas talaga si ser. Sa tanda n’yang ‘yon, nagulat ako kasi ang lakas-lakas talaga n’ya. Natumba ako sa sahig. Ta’s pumatong siya sa akin. Ta’s ‘yon na. Sabi n’ya, ‘wag daw akong magsusumbong kahit kanino. Papatayin daw talaga n’ya ako ‘pag may nakaalam na iba. Seryoso s’ya.
Okey lang ako. Nasanay na rin. No’ng una, siyempre, naubos ang luha ko sa kaiiyak. Sino ba naman ang matutuwa na nireyp ka. Balak ko talagang isumbong si ser kay mam. Kaya lang, natatakot din kasi ako kay mam. Sa ugali n’yang ‘yon, baka kasi siya pa ang unang makapatay sa akin.
Pero, isang-isa na lang talaga, lalabanan ko na talaga si ser. Sisiguraduhin kong hinding-hindi na uli n’ya ako magagalaw. Magkamatayan man. Hoy, ‘wag mo nga akong titigan nang ganyan. Parang ako pa’ng lumalabas na kriminal, a. Isa na lang talaga, mapapatay ko’ng hayup na ‘yon. Kahit makulong pa ‘ko. Lintik siya.
Uy, sige, alis na ‘ko. Mamamalantsa pa ako.
Posted by Tonton at 3:24 PM
Labels: short story
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
4 comments:
Hanga na talaga ako sayo. :)
haha. another bolang tumatalbog.
Tse. E di 'wag. Haha :p
tse ka jan. hehe
Post a Comment