‘Pag tinatanong ako kung ano’ng childhood moment ang hinding-hindi ko malilimutan, lagi kong sinasabi ‘yong araw na nag-roaring rampage of revenge ako a la “Kill Bill.”
Ganito’ng nangyari:
May nakaaway akong kalaro. Bida-bidahan kasi ako dati. Kelangan, ako lagi ang star ‘pag naglalaro kami. Kelangan, ako ang lider. Ako ang nagdidikta kung ano ang lalaruin, kung sino ang bida’t kontrabida, kung sino ang mamamatay kunwari, kung sino ang bati namin, at kung sino ang hindi.
E, biglang nagrebelde ang mga kalaro ko. Napuno na yata sa kasusunod sa mga utos ko. Sabi nila, di na raw nila ako bati.
Pinagkaisahan ako. Parang kudeta.
‘Pag sinabing “di ka namin bati”, ay, seryoso talaga ‘yan. Kahit mga bata pa ang nagsabi. ‘Pag sinabihan ka ng ganyan, outcast ka. Di ka puwedeng sumali sa mga laro, sumama sa mga lakad, pumunta sa bahay o bakuran ng mga kalaro.
In other words, blacklisted ka.
E, ang mga bata, umiikot ang mundo sa mga kalaro at sa paglalaro. Imagine na lang kung ga’no kahirap para sa akin ang mapagsabihan ng “di ka na namin bati.”
Pero ang mga bata, gagawa at gagawa ng paraan para mapalapit uli sa mga nakaaway/inaway na kalaro. Kahit ilang beses na nila akong takbuhan, kahit maiyak na ako ‘pag naiiwan sa takbuhan dahil “ang mahuli, may tae sa puwet”, lagi pa rin akong bumubuntot sa kanila. Kahit na iniinggit nila ako sa paglalaro ng agawan base o sa pagkain ng santol na ninakaw nila sa bakuran ni Nana Milagring, ayos lang. Basta, kelangang maging bati na uli nila ako.
Pero ang lahat ay may hangganan. Kahit ang bata, napupuno rin. At kung maghiganti, umasa kang HIGANTI talaga.
No’ng mapikon ako sa away namin ng pinsan kong si PJ, binuhusan ko ng buhangin ang loob ng bahay nila. Isa pang pinsan, si Kuya Ontong, inasar ako nang inasar. Siyempre, di ako patatalo. Tinulisan ko ang mga kuko ko at kinalmot siya sa leeg. Si Irma, ‘yong kaklase ko, itinago ko ang sapatos dahil tinalo ako sa tumbang preso. Ayun, sinampal ako ng ate niya.
E, di napuno ako. Ayaw kasi akong paakyatin sa puno ng santol ng mga kalaro ko. Mahilig kasi ako sa santol. Wala sa akin ang ngilo-ngilo ‘pag kumakain na ng santol. Pati nga buto, nilulunon ko rin. Kaya hirap ako minsan sa pagtae.
Sinubukan kong umakyat ng puno, pero binato nila ako ng buto ng santol sabay asar ng: “Huhuhu. Wawa naman ang bata. Iiyak na ang bata.” E, ayaw na ayaw kong ginagano’n ako. Pinagbababato ko rin sila. Pero magaling silang umiwas. Mga expert ba naman sa larong touch ball.
“Waaaa. Ang bata, duling.”
Duling pala, ha.
Pinuntahan ko ang tae ng kalabaw na nilaro ko bago sila nagsiakyatan sa puno. Sariwang-sariwa pa. May mga nakatusok na tingting. Kunwari, mga kandila. Kumuha ako ng kahoy at sinandok ang tae. Pinahid ko ito sa pinaka-katawan ng puno ng santol. Para akong nagpintura ng poste ng kuryente.
Umusok ang ilong sa galit ng mga kalaro ko. Tawa ako nang tawa. Kawawa pala, ha?
“Si Nana Milagring!”
Tarantang nagsibabaan ang mga kalaro ko. Takot na mahuli at mapalo ng may pagka-BellaFlores na si Nana Milagring. Ang iba’y tumalon na lang mula sa pinakamababang sanga ng puno para di mapahiran ng tae ng kalabaw. Ang ibang di kayang tumalon, no choice sila, dumausdos sila sa katawan ng puno. Umiyak ang ilan
dahil sa takot sa matanda at dahil sa taeng kumapit sa katawan nila.
Ilang araw lang, back to normal na uli. Naibalik sa puwesto ang kinudetang lider. Di na uli nila ako sinabihan ng “di ka na namin bati.” Takot lang nila.
8 comments:
Ako nung bata, lagi akong pinagtitripan ng mga kasabay ko sa school bus. Hindi kasi ako umiimik, e. Kapag hindi ko na kaya, iiyak na lang ako. Titigil sila. Kinabukasan, pagtitripan nila ako ulit hanggang sa umiyak ako. Ganun lang nang ganun hanggang sa lumipat na ako ng ibang school bus kasi high school na ako.
O di ba, ang saya.
Oo nga, masaya yan. Masaya para sa mga bullies. I should know, I used to be a bully kasi.
So wala nang nambu-bully sa yo ngayon? =)
Wala na. Ako na yung bully eh. Joke lang.
Pero nung bata ako, pinangarap kong maging bully at paiyakin yung mga nagpapaiyak sa akin. Wala eh, masyado akong mabait. Haha
Mukha ngang ang bait-bait mo e. Hehe. prone ka sa pambu-bully.
di kaya! hardcore kung gumanti ah.. waaaaaaaaa!!! and adik mo! =))
ganun talaga. don't-mess-with-me-i'll-kill-you ang mantra ko nung bata ako
lolx. ang adik mo! =))
oo adik lang
Post a Comment