Wednesday, November 26, 2008

My Wonderful Magnificent Sensational Marvelous and Super Beloved Landlady


65 years old. Hindi pumapalya sa pag-A-Ama Namin araw-araw. Always present sa mga misa (front seat pa) at laging bida sa mga charity mission ng simbahan. Ipinangangalandakan ang pagiging Kristiyano. Big time kung magbigay ng abuloy sa simbahan. Pumapalakpak ang tenga kapag nakakarinig ng mga papuri. Napapa-sign of the Cross at hesusmaryosep kapag nakakapanood ng mga kissing scene sa pelikula at telebisyon o nakakakita ng mga kabataang naglalambutsingan sa kalye. Pinamemewangan at nginingiwian ang mga taong imoral. Puwede nang i-appoint bilang MTRCB Chair.

Di pangkaraniwan ang laki ng tengang nag-evolve para sa matinding pangangailangang makasagap ng latest tsismis: “’Wag na ‘wag kang lalapit diyan sa kapitbahay mong matandang dalaga. Sinasabi ko sa ‘yo, exhibisionist ‘yan.” “’Wag mong kakausapin ‘yang pulis sa tabi ng unit mo. May topak ‘yan. Galing mental.” Parang guardia civil sa tindi ng pagpapatrol sa personal na buhay ng mga tenant. Nirerespeto raw ang privacy ng mga nangungupahan, pero alam na ilang buwan nang hindi nagkakantutan ang mag-asawang tenant na araw-araw kung magyarian dati. O kung ano ang kulay ng panty at brief ng mga tenant. Daig pa ng reyna ng tsismis ang NBI sa pangangalap ng mga ebidensiya. Walang sinabi si Gossip Girl.

Halimaw pa sa halimaw sa paniningil ng renta sa bahay. Kahit piso, hindi pinapatawad. Business is business daw. Perfect ang laki at tabas ng bunganga para sa walang katapusang pagbunganga at pagdaldal. Amoy bagong gising ang hininga. Knocked out ang mga tenant kapag kinakausap, lalo na kung halos madikit na sa ilong ang bungangang 70% gilagid, 20% pustiso, at 10% ngipin. Lalong-lalo na kung bumubulwak ang panis na laway.

Buhay pa, pero inuuod na. Amoy lupang sumisingaw ng alimuom. Halos di na mabuhat ng sakang na mga paa ang katawang hugis hamburger at mga brasong magiging sanhi ng tsunami kapag hinampas sa Ilog Pasig. May lahing Intsik. Walang anak. Under the saya ang asawa.

Ang mata at tenga ng apartment.

Monday, November 24, 2008

Si Potpot. My Alter Ego.


27 years old. Galing sa isang may-kaya at politikong angkan sa isang probinsiya sa Northern Luzon. Congressman ang ama at mayor naman ang ina. Naglayas at nagsarili sa Manila pagka-graduate ng high school. Hindi nakatiis sa panghihimasok ng mga magulang sa mga desisyon sa buhay.

Nagtapos ng journalism sa UP Diliman. Magna cum Laude. Inulan ng offer mula sa mga bigating TV network at diyaryo, pero mas piniling magsulat para sa Tambok, isa sa mga pinakamabentang tabloid sa Manila. Naka-assign sa pagko-cover ng mga bugbugan/sabunutang magkakapitbahay, raid sa mga bahay-kantutan, at mga balitang saksakan at barilan (personal favorite ang crime of passion). Naging mainit sa mata ng isang congressman nang ibunyag ang pambabahay nito sa isang pokpok na nauwi sa isang masabaw at maiskandalong hiwalayang mag-asawa. Controversial din ang isinulat tungkol sa pambubugaw ni Manager-slash-Mama San kay Rising Star sa Tatlong Hari ng Pork Barrel sa kongreso.  Pangarap na mapabilang sa Palanca Hall of Fame at maging National Artist for Literature bago mamatay.

Hindi conscious sa hitsura at pananamit. Walang iwiniwisik na pabango sa katawan at ipinapahid na Eskinol at moisturizer sa mukha. Tubig at sabon, ayos na. Nagpakalbo para tipid sa shampoo. Kinakati at nahahatsing sa mga kaek-ekan ng mga lalaking umaasang maging katulad ng mga modelong hindi naman talaga tao sa mga billboard at magazine. Kung ano ang unang mahablot sa cabinet, iyon ang isinusuot – madalas ay manipis at preskong damit at pantalon na hindi mapang-api sa bayag. Mas komportable sa tsinelas. Namamaltos ang mga paa sa sapatos. Nalulukot ang mukha kapag sinasabihang kamukha ni Gardo Versoza. Ayaw na ayaw na na-a-associate kay Machete.

Nagsosolo sa isang studio-type apartment sa Manila. Ayaw nang may kasamang iba sa bahay. Ayaw nang nakikisama at pinakikisamahan. Ayaw magpasakop sa batas ng iba sa loob ng bahay. Ayaw na ayaw na nakikipagkuwentuhan sa landlady na si Michay, ang buhay na patunay sa kasabihang “may tenga ang lupa, may pakpak ang balita.” Nagwo-world tour ang kaluluwa kapag nagsimula na ang walang katapusang pagratatat ni Her Majesty of Tsismis tungkol sa langit at impiyerno.

Expert sa pagtatago ng emosyon. Kunwari malungkot, pero masaya deep inside. Kunwari naaaliw, pero nangangati nang mandukot ng mata. Hindi mahilig sa mga confrontation scene. Pero pumipitik din minsan kapag nakakanti. Nag-iisip muna nang mabuti bago magsalita kaya madalas napagkakamalang slow mag-isip ng marami. Pinag-iinitan ang Wow Magic Sing sa bahay kapag masama ang loob (paniwalang-paniwalang kalebel si Gary V. sa kantahan, pero ang totoo ay kaboses ng mga lasenggerong gabi-gabing nambubulahaw ng baranggay).

[Censored ang tungkol sa sex life.]

Malapit nang tumigil sa paninigarilyo. Takot matulad sa kasamahan sa trabahong nasunog ang baga at natigok. Nagpasyang pupunuin na lang ng upos ng Marlboro Lights ang isang long neck na Emperador (nangangalahati na).

Dating tibak. Hindi kumain nang dalawang araw kasama ang ilang magsasaka sa harap ng DAR para ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka. Kasamang lumusob sa US Embassy at sa mga kompanya ng langis. Minsan nang makulong nang ilang oras nang magkagulo sa rally para suportahan ang mga empleyado ng Manila Hotel. Pero hindi na ngayon aktibo. Ayaw sabihin kung bakit.

All-time favorite ang “The Fountainhead” ni Ayn Rand, kahit hindi matunaw ng tiyan ang mga idea ng babaeng numero unong tagapagsulong ng individualism at capitalism. Hanggang ngayon, dini-diyos pa rin ang Eraserheads. Lantaran ang pagka-adik sa mga telenobela / telesine / teleserye / sineserye / fantaserye / soap opera / sinenobela / chinovela. Ayaw na pinakikialaman ng mga bisita ang Akira Kurosawa at Alfred Hitchcock na hinalukay pa sa Quiapo, salamat sa magigiting na pirata. Nanonood ng Wowowee at Eat Bulaga kapag gustong inisin ang sarili.

Fan ni Angel Locsin. 

Sunday, November 9, 2008

Loob

Isang magkasintahan ang nagkatampuhan at ilang araw nang di nag-uusap. Nang muling magharap, ito ang nasabi ng babae sa lalaki: “Masamang-masama ang loob ko sa iyo. Ikaw na nga ang may kasalanan, ni hindi ka man lang nagkusang-loob na lapitan ako’t ipaliwanag ang kalokohan mo. Utang na loob, magpakatino ka naman kahit minsan.” Kapansin-pansin sa tinurang ito ng babae ang paggamit sa salitang loob nang tatlong beses: masama ang loob, kusang-loob, at utang na loob.

Ang salitang Tagalog na loob ay isang mahalagang konsepto sa pag-unawa sa pagkataong pilipino. May ilang gamit at dimensiyon ang loob ng Pilipino. Unang-una na ang ugnayan ng loob at katawan: ang sama ng loob ay katambal ng init ng dugo; ang laki ng loob o mabuting loob ay katumbas ng laki ng puso; sinasabing ang dalawang tao ay magkaututang dila kung sila ay nakakapagpalagayan ng loob; ang kabuhusan ng loob ay ipinahahayag ng kadikit ng bituka; at sinasabing ang isang lalaki, o babae man, ay may bayag kung siya ay may lakas ng loob o tibay ng loob. Kung gayon, ang mga lamang loob o ilang bahagi ng katawan ang karaniwang nagpapahayag ng loob.

Ang loob ay may intelektuwal na dimensiyon din. Halimbawa, sasabihin ng guro sa mga mag-aaral na isaloob nila ang lahat ng natutunan nila sa klase. Ibig sabihin, tandaan at ipasok sa utak, sa kukote, at puso ang lahat ng mga napag-aralan; hindi iyong papasok sa isang tenga at diretso labas sa kabilang tenga.

Sa emosyonal na dimensiyon, nariyan ang pagbabagong-loob. Halimbawa: “Bagong taon na, magbagong-loob ka na.” Ang pagbabagong loob na ito ay maaring negatibo (pagiging masungit, malungkutin, mainipin) o positibo (pagiging mabait, masayahin, optimistiko). Isa pang halimbawa: “Sobrang nabagabag ang loob ko sa pinanood ko kanina. Masyadong nakakadistorbo,” Ang pahayag na ito ay tumutukoy sa halu-halong emosyong nadama ng nagsalita (pagkagitla, pag-aalala, pangamba). Ilan pang halimbawa ang mga sumusunod: matigas ang loob, matibay ang loob, masakit ang loob, mababa ang loob, buo ang loob, nabuhayan ng loob, napanghinaang loob, pukawin ang loob, at nasa loob.

Mayroon ding etikal na gamit ang loob. Ang magandang loob ay tumutukoy sa kadalisayan at kabutihan ng puso ng isang tao. Kabaligtaran nito ang walang loob, o iyong walang puso. Sa mga konsepto naman ng utang na loob at ganting loob, lumulutang ang ekspektasyon ng isang taong maibalik sa kanya, sa anumang paraan o anyo, ang ibinigay niya sa kapwa. Ang taong may mababang loob ay taong mapagpakumbaba. Halimbawa rin ng etikal na pagpapahayag ng loob ang mga sumusunod: pagbabalik-loob, nagkakaloob, sa tanang loob, gawang-loob, bigay-loob, kaloob, at tanging loob.

Mapapansin sa mga halimbawang nabanggit na ang paggamit ng salitang Tagalog na loob at ang pagpapahayag nito ay holistiko. Ibig sabihin, ang loob ay tumutukoy sa malawak na katotohanan ng tao at sa umiiral niyang interaksiyon sa sarili at pakikipag-kapwa-tao.

 

Wednesday, November 5, 2008

Madugo ang Maging Bata


Masarap maging bata. First of all, di ka namomroblema kung sa’n maghahanap ng lunggang pagtataguan ‘pag naririnig mo na ang mga yabag ng landlady na humihithit-buga ng pera. O kung pa’nong di maiyak sa mga love song matapos ang isang “Gusto ko nang mamatay” na breakup. Ang problema mo lang ay kung pa’no malu-Lupa ang kalarong daig pa’ng butiki sa pagkakadikit sa pader habang naglalaro ng Langit-Lupa o kung pa’nong di mahuli sa takbuhan para di maasar na may tae sa puwet.

On the other hand, madugo ang maging bata. Di dahil kelangan mong tulungan ang nanay mong magtupi ng butas-butas na brief ng tatay mo o dahil kelangan mong matulog sa hapon para tumangkad kahit na kating-kati ka nang maligo sa ilog at magputik sa bukid kasama ang mga ever-energetic na kalaro o dahil sa mga tito’t titang clueless na child abuse ang pagpupuwersa sa ‘yong mag- “O Captain! My captain” sa harap nila.

Di ‘yon. Madugo ang maging bata dahil, well, literal na sumisirit/dumadanak/umaagos talaga ang dugo.

Flashback (ca. late 1980s – early 1990s)

Isa ako sa mga pinakapilyo sa klase no’ng elementary. E, paborito namin ‘yong itaas ang palda ng mga kaklase para makita kung ano’ng kulay ng panty ng mga girl. Si Precious Mae Kalabaw, ang isa sa mga napagdiskitahan namin, hinabol namin kasi ayaw magpahuli. E, nadapa siya. Sumalpok ang nguso sa kongkretong pader. Siyempre natakot kami kasi tumugudog talaga nang makipag-head on collision siya sa pader. Tumayo si Precious Mae. Humarap sa amin. Basag ang labi at duguan ang baba. Iniluwa niya sa palad ang dalawang ngipin. Mangiyak-ngiyak siyang napangiti.

Usung-uso sa amin no’ng Grade Two ang baragan ng lapis. ‘Pag recess at ‘pag ubos na namin ang champoradong nakaplastik na ibinebenta ng mga suma-sideline na teacher, ayan, baragan time na. E, natalo ‘tong si Ryan Jay na pikon. Ayun, sinaksak ng lapis sa pisngi ang bumarag sa Monggol # 2 niya. Si Rene Grace (Si Rene Grace nga ba? O si Bemma Jane?), ‘yong singer ng klase na kumakanta sa Bombo Radyo Isabela. Parang naghilamos ng pulang pintura ang kawawang bata. Kinahapunan, sinampal si Ryan Jay ng matabang nanay ni Rene Grace. Putok ang labi ng kawawang bata.

Ito, walang inolved na dugo. A. meron pala. Malamang internal hemorrhage. Grabe talaga ‘to. Si Mary Ann, ‘yong star player ng Chinese garter sa school. Ang haba ng legs nito at ipinanganak yata para tumalon ng mataas. Siya ang undisputed Chinese garter queen. Kahit na ilang higher pa ‘yan, sisiw lang sa kanya. Pero, ang sabi nga, nobody’s perfect. Ayun, isang maling bagsak, putol ang buto sa braso. Matindi. Parang buntot ng bakang lumaylay ang kamay niya. Sabi ng iba, lumabas daw ang ilang bahagi ng buto niya. OA na ‘yon. Sinabi lang ‘yon ng mga kaklaseng gustong may maibidang kuwento sa kani-kanilang bahay.

Siyempre may bloody experiences din naman ako kahit pa’no. Di yata ‘to magpapatalo. ‘Pag nakikita ko sa salamin o nahihimas ang ibabang bahagi ng lower lip ko, naaalala ko ‘yong araw na naligo kami ng mga kalaro sa ilog. Meron kasing isang puno do’n na pinaglulundagan namin. Suwerte mo ‘pag sa tubig ka bumagsak. Malas mo kung sa batuhan ka dumaplak. E, malas ako no’ng araw na yun. Ayun, isa akong karneng sumalpok sa batuhan. Di lang nagdugo ang nguso ko’t nabungalan, ilang linggo rin akong di nakaligo sa ilog.

Napilas din ang balat ko sa singit. Naglalaro kami no’n ng Agawan Base. E, ako ang tagabantay sa base. Para di maagaw ng kalaban ang base, kelangan mong bantayan ‘to with all your life. So nilimliman ko siya para di maagaw. Itong pinsan kong si Kuya Ian, barubal kung maglaro. Walang sinasanto. Parang ‘yong mga badboy sa basketball at American football. Alam na nga niyang nakaupo ako sa batong base namin, ayun, nag-slide pa rin para madikit ang paa dito. E, dahil nakaupo nga ako do’n, ayun sapul ang bata kong singit. Natuklap ang balat. Bad trip lang kasi isang linggo rin akong nakabukaka. Mabuti na lang at di nasapul si birdie. Lagot ang kinabukasan ko if ever.

Isa sa mga pinakagrabeng nangyari sa akin ‘yong matuklap ang ilang bahagi ng anit ko nang sumabit sa barb wire. Hinahabol kasi ako ng asar-talo kong kuya, si Kuya James. Di ‘yon nagpapatalo sa mga laro. At lagot ka ‘pag tinalo mo siya sa sipa o ‘pag naubos mo ang teks niya. E, minsan tinalo ko siya at naubos ang ang de-kulay niyang mga holen, salamat sa pandaraya ko. Ako pa naman ‘yong sobrang lakas mang-asar. Kinantahan ko siya ng “Waaah. Kawawang bata. Talo ang bata.” Ayun, hinabol niya ako. Tawa ako nang tawa dahil ako ang kuneho at siya ang pagong sa habulan. Nang biglang parang may kumutos sa ulo ko. Napahinto ako at si Kuya. Hinimas ko ang ulo ko. Umagos ang dugo sa noo ko. Hindi ako makaiyak no’ng una dahil di naman masakit. Pero no’ng nakita ko ang ilang hibla ng buhok sa barb wire, ayun, nagtatatakbo ako sa bahay at sinumbong si Kuya. Ilang hampas ng walis tingting sa puwet ang inabot ni Kuya James.

Bumabaha talaga ng dugo ‘pag bata ka. Nar’yang makatapak ka ng basag na bote, yerong pakalat-kalat, o kalawanging pako. Nar’yang tamaan ng lumilipad na piraso ng kahoy ang noo mo habang naglalaro ng siyato. O tamaan ng pako ng trumpo ang paa mo. O madapa at magasgas ang tuhod at braso sa kagustuhang mahabol ang kalarong nagpasyang di ka na “bati.” Of course, nar’yan din ang kinatatakutan ng mga batang lalaki – ang matuli sa pamamagitan ng pukpok o sa doktor – at ang unang reglang iniiyakan ng maraming batang babae.

Walang sinabi ang mga Japanese gory film at mga bayolenteng online games kumpara sa madugo at bayolenteng kabataan. Lalo na kung winawarat ng mga demonyong nakatatanda ang kanilang kamusmusan.