Sa wakas, uwian na. Para akong bombang malapit nang sumabog paglabas ko sa opisina. Namamanhid ang magkabilang pisngi ko at sige sa pagpintig ang sentido ko. Nanginginig ang labi ko at pakiramdam ko’y may naglalarong kuryente sa anit ko. Pinahid ko ang mamasa-masang mata dahil sa maghapong pakikipagbuno sa electromagnetic field na mula sa monitor ng computer.
Isang malalim na buntung-hininga. Isinuot ko ang berdeng baseball cap at tumakbo palayo sa opisina.
Bumuti-buti ang pakiramdam ko habang humihithit ng Marlboro Lights at sinisipa-sipa ang isang maliit na bato sa Roxas District papuntang Quezon Avenue. No’ng una’y masaya akong nakikipaglaro rito. Pero napangiwi ako nang makita ko sa bato ang mukha ng taong matagal ko nang isinusuka. Itinigil ko ang pagsipa. Pinulot ko ang bato at itinapon sa kanal. Nagsindi pa ako ng isa pang yosi.
Sa di kalayuan ay ang isang grupo ng mga asong nag-uulol na sa libog. Nag-uunahan ang mga lalaking makapatong sa babaeng walang konsepto ng quality control. Ang dudugyot at galisin pa ang mga lalaki. May ilang mga tuta ring nang-iistorbo sa ginagawa ng mga matatanda. Tumigil ako sa paglalakad. Takot akong makagat uli ng aso.
Dumudugdug-dugdug man ang puso ko, itinuloy ko ang paglakad palapit sa mga aso. Umangil ang ilan nang nasa tapat na nila ako. Binagalan ko ang paglakad. Halos mawalan ako ng hininga. Kinagat ko ang dila ko at bumulong ng: “Saint Roque, your dog.” Ito ang payo sa akin ng lola ko, para raw di habulin at kagatin ng aso.
Nanlambot ang mga tuhod ko nang makalampas sa mga aso. Sinundan ako ng mga tuta at kinahulan. “Diyos ko po,” bulong ko sa sarili, “patahimikin po Ninyo ang mga lintik na tutang ‘to.” Hindi dininig ng Diyos ang panalangin ko. Kinailangan ko pang maghagis ng Skyflakes para lang tantanan na ako ng mga tuta. Langya, parang mga kongresistang naambunan ng pork barrel.
Madilim na nang marating ko ang Quezon Avenue. Sa tapat ng Pegasus ako nag-abang ng masasakyang jeep papuntang Unibersidad ng Pilipinas. Sa isang paupahan kasi sa likod ng isang dormitoryo roon ako tumutuloy.
Nagsindi ng ilaw ang Pegasus, ang paraiso ng mga matatandang lalaking isinusuka na ang puki’t suso ng kanilang mga asawa, mga politikong naghahanap ng maibabahay, mga lalaking nuknukan ng pangit, mga kagagaling sa trabaho na gustong mag-hapi-hapi, mga kabataang di makontrol ang pagwawala ng kanilang testosterone, at mga manager na nang-i-scout ng pasisikating starlet.
Ibinabandera sa billboard ng KTV bar ang mga babaeng mukhang sinabuyan ng balde-baldeng tubig. “Raging Wet”, ang sabi sa billboard. Napako rito ang tingin ng mamang malapit sa akin. Namumungay na mga mata – di ko alam kung inaantok lang lang o nakainom. Naging bato siya matapos makipagtitigan sa mga babae ng Pegasus. Putik, tinamaan din yata ako ng alindog ng mga babaeng naka-display.
Inilabas ko ang kaha ng Marlboro Lights mula sa bulsa ng sling bag ko. Naku naman, saka pa ako naubusan ng yosi. Tiyempo namang may dumaan na isang takatak boy. Takatak takatak takatak. Naglalaway akong naghanap ng yosi. Ubos na raw ang Marlboro Lights. “Sige, ‘yong pula na lang,” sabi ko kahit di naman talaga ako nagyoyosi ng pula. Sinindihan ko ang yosi at halos mangalahati ito sa isang hithitan.
Nagsimula nang magdatingan ang mga bida sa KTV bar. Abot-tenga ang ngiti ng mga guwardiya at bouncer habang sinasalubong ang mga babaeng maya-maya lang ay rarampa na sa entablado nang nakahubad. Todo make-up ang mga ito. Paiklian ng palda. Pahapitan ng pang-itaas. Pagandahan. Parang mga sasali sa Miss Baranggay. Para akong napapalibutan ng iba’t ibang prutas: may amoy mansanas, may amoy strawberry, may amoy cherry, may amoy guyabano. Pero meron din namang amoy luya. Ang mamang naging bato, amoy chico. Ngayon, alam ko na. Ke aga namang naglasing nito.
Magkakalahating oras na akong nakatayo sa tapat ng Pegasus. Namimintig na ang mga daliri ko sa paa. Kumukururog na ang tiyan ko. Di pa kasi ako nanananghalian. Kung nakabubusog lang sana ang pagkain ng usok at alikabok, idagdag pa ang ilang galong laway na nalunok ko na, sigurado akong bundat na ako. Tulad ng mamang traffic enforcer sa di kalayuan na di magkanda-ugaga sa pagtitiket sa mga motorista.
Kating-kati na ang mga paa kong makauwi. Konti na lang kasi at sasabog na ang ulo ko dahil sa matinding pressure sa opisina, sa isang small-time na kompanya pero big-time kung kumabig ng kita. Maraming salamat sa mga kliyenteng foreigner na tinatamad o wala lang talagang panahon sa pagsusulat ng kanilang mga term paper. Walang binatbat ang paghihintay ni juan Tamad na mahulog ang bayabas sa kanyang bibig.
Online researcher-slash-writer. ‘Yan ang trabaho ko. Ito ‘yong tipong pinasusulat ako nang kung anu-ano tungkol sa business management, marketing, sports, media studies, social sciences, at arts. Di lang ‘yan, ibinabato rin sa akin ang ilang paksa tungkol sa pedagogy, trligion, logistics, information technology, total quality management, at finance. Eto’ng pamatay: Kung kakayanin, gumagawa rin ako ng statistical analysis at sumasagot ng mga problem set sa math, physics, at chemistry. Sisiw, Art Studies lang naman ang tinapos ko sa kolehiyo.
Cut. Paste. Rephrase. Cite. Mag-yosi kasama si Manong Guard. Cut. Paste. Rephrease. Cite. Lumaklak ng kapeng 3-in-1. Cut. Paste. Rephrase. Cite. Ipahinga ang nagdurugong utak at ang namamagang mga daliri. Cut. Paste. Rephrase. Cite. Mag-surf nang porno sa Internet. Ito ang routine ko sa buong maghapon. Nakakabobo.
Pumikit ako nang mariin at napabuntung-hininga. Iniisip na, kinabukasan, balik alipin na naman ako sa opisina. Makita ko na naman ang pagmumukha ng boss kong lukot ang mukha tuwing araw ng sahod. Ang boss kong mas mataray pa kay Celia Rodriguez. Ang boss kong walang alam sa employee motivation. Ang boss kong tax evader. Ang boss kong nagpasarap no’ng isang linggo sa States na nakipagsigawan para sa manok niyang si Svetlana Kuznetsova sa US Open Tennis Championship. Kaya nga gigil na gigil akong itinapon sa kanal ang bato kanina.
Sutsot ng puso kong malapit nang bumigay: “Hoy, kung ayaw mo sa ginagawa mo, ‘wag ka nang babalik sa opisina.” Hirit naman ng pagod ko nang utak: “Ang renta sa bahay, pambayad sa tubig, kuryente, cable, telepono, labada. Ang pambili ng pagkain, libro, yosi, damit na pamporma.”
Tama, konting tiis muna.
Anak ng pating! Ang engot ko. Kaya naman pala wala akong masakyan, sa maling lugar ako pumuwesto. Sa Jollibee sa kanto ng Roces ang sakayan ng jeep papuntang UP. Dalawang kanto ang layo sa Pegasus. Kinabahan ako. Nitong huli kasi, lagi akong nawawala sa sarili. Para akong matandang may sakit na Alzheimer. Nagsisimula na yatang bumigay ang utak ko dahil sa stress. Baka dahil sa sobrang gutom kaya di ko namalayan na nasa maling lugar pala ako. O, baka kinukulang lang talaga ako sa sex.
Sinimulan ko ang paglalakad papuntang Roces. Nakakailang hakbang pa lang ako palayo sa Pegasus, malapit sa billboard ng “Jesus Loves Us”, nang may mamang kumalabit sa akin. Lumingon ako. Ang payat niya, simpayat ni Palito. Parang ‘yong kalansay na naka-display sa science room namin no’ng high school. Tinanong ako kung may nakita akong lalaking nakaberdeng baseball cap.
“Ako,” sabay turo sa suot kong sumbrero. Grabe naman ‘tong mamang ‘to, kalansay na nga, color blind pa.
Hinahabol daw nila ang lalaking nakaberdeng sumbrero dahil nang-snatch ng cell phone. Nanlisik ang mga mata ko. Aba, aba, pagbibintangan pa yata ako. Mukhang snatcher ba ako? Sabagay, kanina pa kasi nakakunot ang noo ko at mukhang di mapakali.
“Hindi naman sa pinagbibintangan kita, pero parang ikaw ‘yong snatcher,” sabi ng mamang tingting. Naku naman, hindi ba pagbibintang ‘yon? Ano’ng tawag do’n?
“Hindi ho ako ‘yon. Kahit itanong n’yo pa sa mga guwardiya sa Pegasus. Kanina pa ho ako nakatayo do’n,” matigas kong sagot.
Tumalikod ako. Bukod sa gusto ko nang makauwi at nang magkalaman na ang kumakalam kong sikmura, ayokong masangkot sa gulo. Pinigilan ako ng mama. Naramdaman ko ang mga malalamig at mabubuto niyang daliri sa kanang balikat ko. Lintik. Hinarap ko siya.
“Hindi ho talaga ako ‘yon,” naiirita kong sabi sa kanya.
“Sigurado ka?” maangas niyang tanong.
Akmang tatalikuran ko na ang mamang di ko masiguro kung buhay ba talaga o bangkay na nabuhay lang nang may lumapit na isa pang mama. Maumbok ang dibdib nito at parang may sariling buhay ang mga masel sa braso. Balbas-sarado. Wow, nandito lang pala sa Pilipinas si Chuck Norris. Tiyak, magtititili sa tindi ng excitement ang nanay ko pag nakita ang mamang ‘to. Tinanong ako kung ano’ng problema.
“Pinagbibintangan ho kasi akong nang-snatch. Hindi ho talaga. Kahit itanong pa ho ninyo sa mga tao,” sabay turo sa dalawang ale at isang mamang nag-aabang ng masasakyan.
“Sigurado ka?” sabi ng kamukha ng bida sa “Missing in Action”.
Langya, iba na yata ‘to.
Inisa-isa ko sa kanila ang mga nangyari sa akin mula sa paglabas ko sa opisina hanggang sa pag-abang ko ng masasakyan sa tapat ng Pegasus.
Pinanlakihan ako ng mata ni Palito, “Gago ka, ‘wag mo kaming sinasagot-sagot, ha.” Ang sarap tusukin ng barbecue stick ang nandidilat niyang mga mata. Hindi niya ako masisindak sa mga gano’n-gano’n lang.
“Magkaiba ho ang pagpapaliwanag sa pagsasagot-sagot,” matapang kong sagot kay palito. Sabi nga nila, sa mga panahong napaliligiran ng masasamang loob, ‘wag na ‘wag magpapakita ng takot.
Walang anu-anong kinaldag ako ni Chuck Norris. Bumalandra ang likod ko sa mabutong dibdib ni Palito. Sigurado akong may nabaling buto sa dibdib ng mamang patpatin. Di ko alam ang problema ng dalawang ‘to, pero sigurado ako, matindi ang galit nila sa mundo. Nawalan ng trabaho? Kinaliwa ni misis? Namatayan ng kamag-anak? Naubusan ng pambili no beer at yosi? Nakapanggigigil lang na pati ako idinadamay nila sa problema nila.
Muntik ko nang maihian ang pantalon ko sa sobrang nerbiyos. Di hamak na mas nakakatakot ang dalawang halimaw na ‘to kesa sa multo ng lola kong nakita kong nakasabit sa sampayan ng mga damit.
“Ilabas mo’ng cell phone na ninakaw mo,” pilit ni Palito.
“Hindi ho talaga ako snatcher,” pagmamatigas ko. Talo ko pa ang sirang plaka sa paulit-ulit kong pagtanggi sa bintang nila.
“Tangna mo, di mo ilalabas? Gusto mong mabaranggay? Ako’ng kapitan dito,” pagyayabang ni Chuck Norris. Buong angas na hinimas-himas ang kanyang balbas.
“May ID ho kayo? Sa’ng baranggay ho kayo? Baka ho kasi niloloko n’yo ako. At hindi ho yata ganyan umasta ang mga kapitan.” Patay. Di ko alam kung bakit ‘yon ang lumabas sa bibig. Hinanda ko ang sarili. Hinihintay ang matinding sapok ni Chuck Norris.
“Gago kang putang ina mong hayup kang hindot ka. Sasagot-sagot ka pang gago ka,” ang malutong na mura ni Chuck Norris. Hanep, napagsama niya sa isang pangungusap ang mga salitang di ko narinig na sinabi sa akin ng mga magulang ko.
Saludo ako sa kanya. Gayunpaman, namula ang tenga ko sa matinding galit, gigil, at takot.
“’Wag mo kaming niloloko ha. Patingin ng cell phone,” atat na sabi ni Palito.
Ayokong ilabas ang cell phone ko dahil sigurado akong isa ‘tong modus operandi. ‘Pag nilabas ko ‘yon, sasabihin nilang ‘yon nga ang ninakaw na cell phone. Bibigyan nila ako ng dalawang pagpipilian. Kung papalag ako, palalabasin nilang magnanakaw ako. Kung mananahimik ako at sasama sa kanila, makakaiwas ako sa isang malaking iskandalo. Siyempre, pipiliin ko ang huli. Takot yata akong makuyog ng taong bayan, tulad ng mga ipinapalabas sa mga panggabing balita. Pagkatapos, dadalhin nila ako kunwari sa baranggay hall. Pero, ang totoo n’yan, sa madilim na lugar nila ako ipupunta. Doon na nila kukunin ang cell phone na ilang buwan kong pinag-ipunan. Malamang, lilimasin din nila ang laman ng pitaka kong pamasahe at panghapunan lang ang laman.
Puwede rin namang manlaban ako. Kung tutuusin, kayang-kaya kong pataubin si Palito. Isang pitik lang, tiyak, tatalsik siya hanggang Delta. Bagamat aminado akong mahihirapan akong labanan ang hininga niyang mabaho pa sa utot ko. Si Chuck Norris, na umuusok na ang ilong, ang kinatatakutan ko. Baka kasi magpakawala ng isang pamatay na roundhouse kick. Sa tangkad at masel pa lang, natutunaw na ako sa takot. Mahirap talagang maging maliit.
Hinanap ko ang traffic enforcer na malaki ang tiyan. Baka sakaling mahingan ko ng tulong. Malas, wala na siya. Naka-quota na siguro. Nilingon-lingon ko rin ang paligid para hanapin ang mga kamera, baka kasi wina-Wow Mali lang ako.
Naiinis ako sa sarili dahil di ko magawang umalis sa kinatatayuan. Dala siguro ng nerbiyos. Puwede namang tumakbo na lang ako at humingi ng saklolo sa mga tao sa paligid. A, malamang di rin naman nila ako tutulungan. Pustahan. Kanina pa ako minumura at dinuduro-duro ng dalawang mama, pero wala silang nakikita.
Ganito din no’ng nasa Grade 3 ako. No’ng bibili ako ng ulam malapit sa eskuwelahan. May nakasalubong akong isang pulutong ng mga asong di mapigil ang panggigigil. Napagkamalan yata akong kaagaw, kaya ‘yon, kumaripas ako ng takbo at hinabol ng kalbong aso. Nahulog ako sa kanal. Hindi pa man ako nakakabangon, pinagkakagat-kagat na ng aso ang likod ko. Sigaw ako nang sigaw no’n. Wala ni isang sumaklolo. ‘Yong tinderang pagbibilhan ko sana ng ulam, di man lang binugaw ang aso. Pagkatapos, pinagalitan pa ako ng nanay ko dahil ayokong sabihin kung ano ang nangyari sa akin.
“Akin na’ng cell phone mo,” pasigaw na sabi ni Chuck Norris. Pilit niyang kinukuha ang sling bag ko.
Lagi-lagi akong pinaaalahanan ng tatay ko na ‘wag daw manlaban sa mga masasamang loob. Baka raw magripuhan ako sa tagiliran kung magmamatigas ako. ‘Yon din ang payo ko sa mga kaibigan. Katangahan nga namang ipagpalit ang sariling buhay sa cell phone. Tulad ng nangyari sa boyfriend ng roommate ng kaklase ng kaibigan ko.
Pero, gano’n pala ‘yon. Ngayong ako na ang nasa sitwasyong ginigipit ng mga taong nabubuhay sa pang-aagaw ng cell phone nang may cell phone, gusto kong magmatigas at lumaban. Kahit pa ma-headline ako sa mga tabloid kinabukasan. Ito na nga yata ‘yong sinasabi nilang survival of the fittest. Kailangang matalo ko ang mga ungas na ‘to. Nai-imagine ko tuloy, pa’no na lang ang susunod na henerasyon kung ang mga katulad nila ang maghahari sa mundo? Patay tayo d’yan.
“Tarantadong ‘to,” pilit na binubuksan ng sidekick ni Chuck Norris ang zipper ng bag ko.
Hinigpitan ko ang kapit sa bag habang hinaharang ang pananapok nina Chuck Norris at Palito. Nakatingin lang sa amin ang mga tao. Ang aleng hinayupak, nakuha pang magtext. Malamang, ibinabalita niya sa asawa ang nasasaksihan. Puwede rin namang nakikipagchikahan lang sa amiga, o nagda-download ng mga balitang showbiz.
Nag-ala Hulk Hogan ako. Buong lakas kong itinulak si Chuck Norris. Di ko malaman kung paano ko nagawa ‘yon o kung saan nanggaling ang lakas ko. Basta ang alam ko, kailangan kong makawala sa kanila bago pa man ako magulpi nang todo. Napaatras si Chuck Norris. Di nakapalag sa ginawa ko. Napanganga lang si Palito.
Sinamantala ko ang pagkagulat ng dalawang latak sa lipunan. Tumakbo ako palayo sa kanila. Hinabol nila ako. Di ko alam kung instict ba na kinakagat ko ang dila ko at umuusal ng “Saint Roque, your dog” habang kumakaripas ng takbo. Nililingon-lingon ko sila para matantiya kung maabutan nila ako. Pinagtitinginan ako ng mga tao. Pakiramdam ko tuloy, ako ‘yong bida do’n sa pelikulang black-and-white na napanood ko. Siya na nga ang ninakawan ng bisikleta, siya pa ang hinabol ng tao. Hinihintay ko na lang din na kuyugin ako ng madla. Awa ng Diyos, hindi naman. Sa wakas, tinantanan ako nina Chuck Norris at Palito sa kanto ng Roces.
Pero hindi ako tumigil sa pagtakbo. Tumakbo ako nang tumakbo nang tumakbo. Walang kapaguran.
6 comments:
naku, very familiar story, nangyari na rin sa akin to, T%$#^&*A sa Malate pa, kaya natakot ako pumunta dun, good thing your safe, thank God for that...
uuuyyy...concerned. hehe
Oh Ming God!
very traumatic naman to kuya!
pag nangyari sa akin to bka himatayin ako ng bonggang-bongga!
dapat sinumbong mo sila sa mga pulis patola!
am so thankful never pa nangyari sa akin ang ganyang sitwasyon...
chillax! and be safe next time! iwasan ang lugar na yun! :D
fictionalized version 'to ng nangyari sa akin 4 years ago.
ganun! hahahahahha nice one!
May isa pang nangyari sa akin na parang ganito rin. sa may sakayan sa SM Manila, malapit sa Lagusnilad.
Post a Comment