Last year ko pa sinulat 'to. Pero since lilipat na ako ng bahay, ipo-post ko uli. Just to remind myself kung gaano ako kainis sa land lady ko.
-------
Ay, ikaw ba si Anthony, ‘yong tumawag ‘nong Lunes? A, ikaw pala. Teka, dito tayo sa labas mag-usap, baka may makarinig sa atin. Okey naman dito sa ‘min. Tahimik, hindi magulo. ‘Yong magiging kapitbahay mo, may sayad sa ulo, ‘wag kang makikipag-usap sa kanya. Akalain mo ba namang mag-alaga ng sandosenang pusa. E, bawal ‘yon sa kontrata, Pinayagan ko siya ‘nong una, siyempre isang aso lang naman. Pero ‘nong tumagal, patay! Ayun, nag-ampon na ng mga pusa. Ang baho-baho na tuloy ng lugar. Sinabi mo pa, amoy tae talaga. Nakakasuka!
Mag-asawa sila. Pulis ‘yong lalaki. Hindi siya combatant, tagatugtog lang sa banda ng mga pulis. Alam mo ‘yon ? Hindi, hindi naman siya delikado. Basta ‘wag ka lang makikipag-usap sa kanila. Sino’ng may topak? Silang dalawa. ‘Yong babae, ‘pag tinanong ka kung magkano kuha mo sa bahay, sabihin mo: “I’m not allowed to talk.” Ganun lang. ‘Wag mo nang pahabain pa ang usapan. E, kasi, mas mahal ng 500 hundred ang singil ko sa kanila.
Mag-e-expire na nga kontrata nila this March, e. So konting tiis na lang Anthony. ‘Pag wala na sila, ay, e di ang saya. Wala nang sakit ng ulo. Kaya lang matigas ang lalaki, e. Parang ayaw pang umalis, e. Korek! Ba’t kasi hindi na lang sila maghanap ng sariling bahay. Hay naku, sobrang perhuwisyo talaga. Basta, hindi ko na ire-renew contract nila. Warning lang, ha, ‘pag kinatok ka, ‘wag mong i-entertain. Mahirap na.
Tara, tingnan mo ‘yong bahay.
O, di ba? Kasya na sa ‘yo ‘to. Maluwang. Eto ang lababo, o. ‘Wag kang mag-alala, 24 hours ang tubig. Kung magluluto ka, buksan mo lang ang bintana. Tapos eto ang pintuan sa likod, o. Emergency exit. Pero ’wag mo na lang bubuksan. Tapat kasi niyan e, ’yong babaeng hindi ko gusto. Eto Anthony ang CR. Pag bumara, o may problema, tawagin mo lang mister ko. Ku, sakit sa ulo’yong dating nakatira rito, laging barado ang kubeta. Minsan napkin. Minsan condom. Ano ba ‘yan!
So, kukunin mo na? Wow, hulog ka talaga ng langit. One month advance, two months deposit. Mas mabuting mauna ka na, kesa maunahan ka pa ng iba. Lahat na ba babayaran mo? Wow! Para kang ’yong kapitbahay mo, ’yong nasa kanan ng unit mo. Mag-isa lang siya do’n. Sobra sa yabang. Pero siyempre, ikaw, hindi mayabang. Mukha ka ngang mabait, e. Grabe, ang hangin talaga niya. Sabi niya, pagod na raw siyang mangibang bansa. E, parang hindi naman totoo mga pinagsasabi-sabi niya. Sabi pa niya, may sasakyan daw siya, e wala naman. Mahangin talaga, sinasabi ko sa ‘yo. Tapos, maarte pa. Minsan sinabi ko, d’on na lang siya sa taas kumain, do’n sa highway, ’yong dinaanan mo kanina papunta rito. Ayun, sinisi ako dahil puno raw ng langgam ’yong ulam. E, sabi ko naman: “Alam mo namang may langgam, bakit mo pa kinain?” Warning lang, ha. ‘Wag mo siyang kakaibiganin. Baka utangan ka niya. Sa taas ka na rin kumain, para mas tipid. Kung magluluto ka, ay, magastos ’yan.
Malakas ka bang magpatugtog ng radyo? Sa umaga, okey lang. Pero pag sa gabi, hinaan mo lang. E, maarte pa naman ‘yong babaeng nasa likod ng unit mo. Oo, ‘yong babaeng di ko gusto. Exhibitionist ‘yon. Akalain mo ba namang natutulog nang naka bra’t panty lang na bukas ang bintana. Oo nga, e. Baka nang-aakit. Kaya ikaw, ingat ka. Mahirap na. Alam mo naman ang mga babaeng may eded na. Wala kang laban sa kanya ‘pag gumawa siya ng eskandalo. May asawa siya pero matagal na silang hiwalay. ‘Yong dalawa niyang anak na lalaki, mga nasa 30s na, may itsura. Pero alam mo ‘yon, do’n pa rin sila nakatira. Nagsisiksikan. Hindi naman sa nanghihimasok ako, o ano, kasi vina-value ko rin naman ang privacy ng mga tenants ko, pero parang may incest ba. Ikaw ba, ano bang iisipin mo? Naka-bra’t panty lang kasama ang mga anak sa iisang kuwarto? Kaya pag kinatok ka, at nakipag-usap sa ’yo, ’wag mo na lang pahabain ’yong usapan. Delikado na.
Naku, alam mo bang matagal ko nang pinagdarasal sa Panginoon na bigyan ako ng matinong tenant. Halos lahat ng mga naging tenant ko, sakit ng ulo talaga. Ikaw, hulog ka ng langit. Ang bait-bait mo kasi, e. Unang kita ko pa lang sa ’yo, alam ko nang magkakasundo tayo. Ang gaan talaga ng pakiramdam ko sa ’yo. Sana hindi mo ako bigyan ng problema.
30 Marso 2008