(I've posted this entry somewhere. I'm reposting it since a friend is getting married soon.)
Kagabi, bumili ako ng Eden cheese at Milo sa isang tindahan sa labas ng subdivision. Tanong ng tindero: "Anong trabaho mo?" Nalukot nang bahagya ang balat sa noo ko. Close ba tayo? Tatay ba kita? Kuya ba kita? Naiinis kasi ako pag tinatanong ako ng mga personal na bagay ng mga taong di ko naman kilala. Freelance writer, sabi ko. Inunawa ko na lang. Ang weird kasi ng konsepto ng "loob" ng mga Pinoy, e. Sakop ng "loob" nila ang "loob" ng iba. Ibig sabihin, ang loob mo ay loob ko rin. In short, magpakialamanan tayo.
“May asawa ka na?” Ay, naku, alam ko na ang takbo ng usapan. Gusto ko mang sabihing meron na para matapos na ang usapan, hindi ko yata masikmurang magsinungaling. Wala pa ho, sagot ko. “Ha? Mag-asawa ka na.” Kitams.
Pilit ang mga ngiti ko habang sinasabing wala sa isip ko ang pag-aasawa. Gusto kong sabihin sa tindero: Ay, oho, excited na nga ho akong mag-asawa. Grabe, ang sarap ho siguro ng feeling na nakakulong ka sa isang kontrata. ‘Yung tipong hindi mo pwedeng gawin ang gusto mong gawin dahil nakatali ka na. Ang saya siguro no’n. And I’m sure, manong, mag-eenjoy akong umagatanghaligabi kasama ko ang asawa ko.
I really don’t believe in marriage. ‘Yung haharap ka sa pari, at ipapangako sa lahat na mamahalin ang asawa habambuhay, ay, ang hirap naman no’n. Hindi ako naniniwala sa kontrata ng kasal, pero naniniwala ako sa kontrata ng pagmamahalan. Sabi nga sa isang kuwento ni Eli Rueda Guieb III: “Iisa lang naman ang batas ng relasyon, pagmamahal. Kapag iyon ang nawala, wala na ring silbi ang katotohanan ng mga kontrata.”
Gusto ko sanang ipaliwanag sa tindero ang saloobin ko tungkol sa nakakatakot na “till death do us part”, pero ‘wag na lang, alam kong lalo lang niya akong kukulitin.
Kailangan ko yatang magpraktis kung paano magteleport. Para sa susunod na sabihan ulit ako ng mga tao sa paligid na mag-asawa na, madali na lang akong makaka-eskapo.
Friday, September 14, 2007
On Marriage
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment