Gusto kong magturo. Dine-deny ko man noong una, calling ko yata ang magturo.
Sinubukan kong mag-aplay sa ilang kolehiyo at unibersidad. Nanlulumo ako. Paano ka naman mamo-motivate na magturo kung kakapiranggot ang suweldo? 80 pesos per hour sa isang IT school sa Fairview. 90-something pesos sa isang institute sa Cubao. Ang nakakainis pa, sasabihin lang sa 'yo kung magkano ang rate pagkatapos kang pagsuotin ng pagkapormal-pormal na get-up at paghintayin ng sanlaksang taon para ma-interview. Kailangan mo ring magdaan sa written exam na naglalaman ng napaka-outdated at napaka-irrelevant na mga tanong. Siyempre, hindi mawawala ang demo teaching, na hindi naman pinapansin ng ilang member ng faculty na bahagi ng audience. Aksaya sa laway. Pwe.
Ang nakakaloko pa, sa isang inaplayan ko, tinanong ako ng interviewer kung ano ang gusto kong ituro. Siyempre, sabi ko, Filipino o Panitikan, since knowledgeable naman ako sa subject na 'yan. Sabi ba naman niya, "English, gusto mo?" Ano ba naman 'yan, ate. Hinihimatay naman ang isang kaibigan tueing naalala ang masaklap na karanasan niya sa pagtuturo. Nagtapos siya ng Malikhaing Pagsulat sa Filipino. Una, pinagturo siya ng Agham Panlipunan. Ok lang, dahil kahit paano ay malapit naman sa tinapos niya. Nang tumagal, pinagtuturo na siya ng Natural Sciences! Nag-resign siya ura-urada.
Sabi ni Charles, isang kaibigan, ba't daw di ko na lang muna pagtiyagaan. For experience daw. Sabi ko naman, hindi ko maaatim na tapakan nang ganun ang propesyon ng pagtuturo. Parang hindi tao ang turing nila sa mga guro. Nagkakamal sila ng limpak-limpak na salapi mula sa tuition fee at kung anu-ano pang dagdag na bayarin ng mga naghihirap na estudyante. Ano ba naman yung gawing makatao ang pagtrato sa mga guro.
Si Kuya, kasalukuyang guro sa hayskul sa Isabela, kakarampot lang ang nakukuhang suweldo na kinakaltasan pa. Bukod dito, lagi ring delayed ang pasuweldo. Si Mama naman ay dating guro sa elementarya. Dahil sa napakababang sahod, nag-DH siya sa Taiwan. Hindi sinuwerte kaya umuwi pagkatapos ng isang taon. Awang-awa ako sa kanya dahil sa mga hirap na pinagdaanan niya. Pagkaraan ng dalawang taon, nagtrabaho siya sa Israel bilang tagalinis ng bahay ng kung sinu-sino. Mabuti naman at hindi siya na-ano ng giyera sa israel. Dahil hindi pa rin sapat ang kinikita, nakipagsapalaran siya sa UK bilang isang caregiver. Nakalulungkot na hindi mabigyan ng magandang kondisyon ng pamahalaang Pilipinas ang mga Pilipinong manggagawa.
Dahil sa nakapanlulumo kong karanasan sa pag-aaplay bilang maging isang guro at sa masaklap na kalagayan ng mga kaibigang guro, nina Kuya at Mama, nagdadalawang-isip tuloy ako kung itutuloy ko pa ang karera ko sa akademya.
Hello, Dubai?
Saturday, September 15, 2007
Ang Kalunus-lunos na Kalagayan ng Kaguruan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment