Friday, January 30, 2009

Open Letter sa mga Adik sa Pagbabate

Sunday, January 25, 2009

Ramdam na Ramdam Na

Si June. Pulang-pula na’ng mukha. Hindi na maibuka ang talukap ng mata. Nakangisi. Ngising di malaman kung nangmamanyak o nang-iinis o wala lang. Nakasandal sa monoblock chair. Si Brian. Dinedemostrate kung pa’no kinantot ang girlfriend sa loob ng isang kuweba sa Rizal. With matching ooohhh…aaahhh…ooohhh. Bidang-bida ang pakiramdam. Si Chely. Pudpod na ang mga daliri sa katetext. Parang nilukot na papel ang mukha. Panay ang buntung-hininga. Panay ang bulong ng “Leche.” Si Rene. Paubos na ang isang kaha ng Gudang Garam. Umuubo, dumidighay, at umuutot na ng usok. Si Rhona. Ikinukuwento ang mga nabasa tungkol sa mga bampira at zombie habang walang tigil sa pagpapak sa malamig nang sisig. Habang hinahaplos ang tenga ni Rene. Si Mother Darla. Isinasayaw ang “Single Ladies” ng idolong si Beyonce. In full choreography mode. Walang kapaguran. Si Butch. Sige sa pagkuha ng litrato ng mga kaibigan. Mga litratong ipopost sa Multiply at Facebook at papamagatang “Eto ang Itsura ng mga Nawalan ng Trabaho.”

Biyaheng Quiapo Papuntang Langit

My first attempt at writing erotica. I still have a lot to learn.


------

Biyaheng Quiapo Papuntang Langit

Kagat-labing pinagpapantasyahan ni Mel ang diyosang halos kita na ang kaluluwa sa tuktok ng isang gusali sa tapat ng Quiapo Church. Simputi at singkinis ito ng iba pang mga nagrereyna-reynahan sa kahabaan ng mga kalsada sa Maynila. Silang mga diyosang nakabuyangyang ang katawan, nagpapaligsahan sa pang-aakit sa mga motorista.

Hanep sa katawan. Pamatay.

Kating-kati na si Mel na sibasibin ng halik ang nangingintab na labi ng babae, panggigilan ang utong na bumabakat sa bra nito, at dilaan ang puking nagtatago sa manipis na panty. Lalong sumidhi ang pagnanasa ni Mel nang kindatan siya ng mapang-akit na diyosa. Sa rurok ng kalibugan, kulang na lang ay akyatin ni Mel ang higanteng kuwadrado, magsalsal, at mantsahan ang “Bench” na nakatitik sa kuwadrado.

“Manong, anong petsa tayo lalarga? Kanina pa tayo nakaparada rito, a,” pagtataray ng baklang abot langit ang taas ng kilay. Parang sinabuyan ng tubig ang nagbabagang kaligayahan sa pagitan ng mga hita ni Mel.

Alas dose na pala. Maaga pa akong mamamasada mamaya.

Pinaharurot ni Mel ang kalawanganing jeep. Nakapinta Sa itaas ng windshield ang mga pangalang “Lengleng” at “Junjun” at sa tapalodo ay nakatitik ang “God Bless Our Way”. Nangungupas na ang pintura sa sahig ng jeep. Kulay dilaw ang nababakbak nang bubong, pula naman ang butas-butas nang upuan. Nanlilimahid na rin ang kurtina sa tabi ni Mel. Isang bahin lang, tiyak, bibigay na ang jeep.

“Please lang, marami pa akong pangarap sa buhay,” irap ng bakla nang paspasan ni Mel ang takbo ng sasakyan.

Walang imik si Mel. Nagmamadaling makauwi nang maihiga na ang katawang maghapong tinagtag ng biyahe. Kating-kati na rin siyang iligo ang mga libag na namuo sa singit-singit ng kanyang katawan dala ng pinagsama-samang usok, alikabok, at pawis. Kulang na lang ay lumipad siya pauwi nang maipagpag na ang kunsomisyong dulot ng makalusaw-pasensiyang trapiko, pasaway na motorista, at mga pasaherong walang konsepto ng pagbabayad.

Para!”

Sa wakas, makakauwi na rin ako.

Tatanggalin na sana ni Mel ang signboard nang parahin siya ng dalawang babae sa ilalim ng overpass sa Delta. Naghintayan sila kung sino ang tatabi kay Mel at kung sino ang pupuwesto sa may bungad. Naupo sa tabi ni Mel ang may katangkaran ngunit payat na babae. Pilit namang isiniksik ng kanyang kasama ang malaking puwet nito sa upuan. Halos bumigay ang gulong ng jeep sa bigat ng babae.

Panakaw na hinagod ng tingin ni Mel ang katawan ng katabi. Napangiti siya nang mapansing may kaliitan ang suso nito. Di hamak na bubot kumpara sa nagmumurang suso ng mga modelong araw-araw niyang pinagbabatehan.

“Friend, mami-miss talaga kita. Wala na akong kakulitan sa shift natin. Alam mo ‘yon, ikaw lang ang nakakaharutan ko,” sabi ng dambuhalang babae habang nagkakalkal ng barya sa bag.

“Ha’mo, pag endo ka na rin, sabay tayong mag-aplay sa SM. Chika sa ‘kin ng pinsan ko, bukod sa mas maraming guwapo, mas malaki raw ang kita do’n.”

“Pustahan tayo, may kalyo na ang pisngi ng pinsan mo sa maghapong pagngiti sa mga kostumer. Si ate nga, matapos magtrabaho sa SM, ang mga ugat sa paa, diyosmiyo, puwede nang anihin at ilako sa palengke.”

Pangisi-ngisi si Mel habang pinakikinggan ang walang prenong kuwentuhan ng dalawang pasahero. Naranasan na rin kasi niyang magtrabaho sa isang department store. Hindi naman nangalyo ang pisngi niya sa kangingiti, napudpod lang ang lalamunan niya sa walang humpay na pagdedemo sa isang magic kutsilyo. Kutsilyong kayang humiwa ng prutas, karne, plastik, kahoy, semento, bakal, bato. Muntik na ring maputulan ng daliri si Mel nang mapagkamalan niyang okra ito. Dala ng matinding pagod. Nang ma-endo, ginamit niya ang jeep na iniwan ng kanyang kuyang nakipagsapalaran sa Dubai.

Tuloy ang dakdakan ng dalawang babae.

“Uy, kumusta na kayo ng boyfriend mong pinaglihi sa titi? Bati na ba uli kayo ng gagong ‘yun?” usisa ng babaeng nagmamantika na ang mabilog na mukha.

“Hayup siyang hindot siya, wala siyang kuwenta.”

“Dapat lang, ‘no. Kung ako rin ikaw, naku, hihiwalayan ko rin ‘yang hinayupak na ‘yan. Sa ayaw mo pang magpatira, e. ‘Yun lang talaga ang habol sa ‘yo ng gagong ‘yun.”

Hayup, birhen pa pala.

Napansin ni Mel na unti-unting umuusog palapit sa kanya ang katabi. Hanggang sa magdikit ang kanilang mga balikat. Muling nagningas ang libog sa katawan ni Mel. Bahagya siyang napa-aray nang mahatak ng sabik na sabik niyang titi ang makapal niyang bulbol. Sige pa rin sa pagratatat ang dalawang babae. Sumimple si Mel sa pagkambiyo kay manoy. Nahuli niyang nakatingin sa kanya ang katabi. Agad na inilabas ni Mel ang kamay sa basketball shorts. Pakiramdam niya, nahuli siyang nagsasalsal ng kanyang ina. Nginitian siya ng babae. Tulirung-tuliro si Mel.

Ayos, to. Jackpot ka, Mel.

Sa SM North bumaba ang babaeng sa isip-isip ni Mel ay refrigerator na dinamitan, sinapatusan, at minake-up-an.

Binagalan ni Mel ang pagpapatakbo sa sasakyan nang makasama pa nang matagal ang naiwang pasahero. Panay ang sulyap niya sa babae. Nanginginig na tinanggal ni Mel ang signboard. Sasabog na ang kanyang dibdib sa sobrang pagnanasa. Bahagyang ibinuka ng babae ang kanyang mga hita. Nagmamantika na ang kanyang tigyawating mukha sa tindi ng init na nararamdaman.

Ipinusod ng babae ang kanyang buhok. Lumitaw ang mahaba at mabuto niyang leeg. Pinagpag niya ang alikabok sa blouse at in-adjust ang strap ng bra. Namungay ang singkit na mata ng babae at nginitian si Mel. Napalunok siya sa ginawa ng babae. Pinahid niya ng nanlilimahid na Good Morning towel ang pawis sa kanyang leeg.

Tangna, Mel, makaka-iskor ka.

Nataranta si Mel sa sumunod na ginawa ng dalaga. Walang kagatul-gatol na sinapo nito ang harapan ng lalaki. Pinisil niya ang kargada ng tuliro nang si Mel. Gumewang-gewang ang andar ng jeep.

Aligagang ipinarada ni Mel ang jeep sa isang madilim at di mataong sulok ng Visayas Avenue, sa tabi ng isang punong mas matanda pa sa kanyang mga ninuno. Walang inaksayang oras si Mel. Ipinasok niya ang namamawis niyang kamay at sabik na sabik na nilamas ang di kaumbukang suso ng babae. Gigil na kinurot ang utong.

“Aray naman, dahan-dahan lang.”

Hinubad ng babae ang blouse at bra. Hindi makapaniwala si Mel sa nangyayari. Nang mahubad ng babae ang dapat hubarin, nanlaki ang mga mata ni Mel. Agad niyang dinalahirot ng kanyang dila ang kambal ng dalaga. Parang sanggol si Mel na ilang buwang di pinasuso ng ina. Napakagat ng labi ang babae. Pumikit siya nang mariin at dinama ang kuryenteng (ilang boltahe rin) dulot ng paglalaro ng dila ni Mel.

“Ganyan lang. Ang sarap,” singhap ng babaeng mabaliw-baliw na sa sarap.

Lalong ginanahan sa kanyang ginagawa si Mel. Hinimas-himas niya ang hita ng babae. Inililis niya ang palda saka idinantay ang nanginginig na palad sa maumbok na puki ng babae. Napaungol nang malakas ang babae nang pagapangin ni Mel ang mga daliri sa loob ng magaspang na panty. Agad na hinanap ang basang-basa nang puki at hinimas ang tinggil. Hindi maipinta ang mukha ng babae sa langit na nadarama. Napalakas ang halinghing ng dalaga nang igiya ni Mel ang daliri sa hiwang kumikibut-kibot. Ibinuka niya ang kanyang mga hita at nagpaduyan sa ikapitong glorya.

“Aaaaaaa.” Umagos ang malagkit na likido mula sa kapirasong karne.

Humihingal na ibinaba ni Mel ang basketball shorts at ang basang-basang brief hanggang tuhod. Umigkas na parang spring ang titi ni Mel. Pigil sa pagtawa ang dalaga. Paano kasi, kung palakihan at patabaan ang labanan, kakain ng alikabok ang alaga ni Mel (pagtabihin ang pentel pen at lapis). Gayunpaman, matikas ito at parang sundalong handang sumabak sa digmaan sa Mindanao, sa Iraq, at maging sa Aprika.

Napakapit nang mariin sa manibela si Mel nang hagurin ng dila ng babae ang katawan ng kanyang titi at paglaruan ang ulo nito. Umunat ang kanyang binti at nanigas ang mga daliri sa paa. Muntik pang pulikatin. Sa pagkakataong ito, mas pipiliin pa ni Mel na makipagtalik na lang buong araw, jingle lang ang pahinga, kaysa mamasada maghapon at kumita nang kakarampot.

Hindi magkamayaw si Mel sa pag-iskrima ng babae sa kanyang kaselanan. Kung may paligsahan ng pagmumura, tiyak, panalo si Mel. Lahat na yata, minura na niya. “Tanginaaaaa!” “Putang amaaaaa!” “Tangna mo, Gloriaaaaa!” Maging ang mga pasaway na pasahero, mga kotong cop, baku-bakong kalsada, at mga santa santita sa Quiapo Church, minura ni Mel.

Pumatong ang babae sa kandungan ni Mel. Nagtataka ang lalaki sa ipinamamalas na agresyon ng babae, gayung kanina lang ay narinig niyang birhen pa ito. Pero walang pakialam si Mel. Para sa kanya, ke birhen o hindi, ayos lang, pekpek pa rin. Kulang man sa sampung paligo ang babaeng kajugjugan niya kumpara sa mga naggagandahang babae sa tuktok ng mga gusali, ayos lang para kay Mel. Kipay pa rin ‘yon.

Lalong naulol sa sarap si Mel nang gumiling ang babae. Nariyang sapuhin niya ang suso nito, lamutakin ang puwet, ipulupot ang mga kamay sa balakang nito, at sabunutan ang sarili. Kulang na lang ay kuyumin niya ang rosaryong nakasabit sa harap ng sasakyan. Napahiyaw si Mel nang pumulandit sa kaloob-looban ng dalaga ang tamod niya. Nalukot ang kanyang mukha. Kung sinu-sinong diyos ang minura ni Mel sa grasyang natanggap. Nagtakip ng kanyang tenga ang dibuho ni Santo NiƱo sa tagiliran ng jeep. Naeskandalo sa pinaggagagawa nina Mel.

Sa wakas, natapos ang sinimulan. Tuluy-tuloy, walang hadlang. Kabaligtaran sa sistemang kontraktuwal, putol-putol, ang nasimulan ay di natatapos. Kung puwede lang sanang anurin ng rumaragasang dagta ng dalawang nilalang ang problemang kinakaharap nila bilang mga aliping lublob sa balon ng paghihirap, gayung nagdurugo sa umagatanghaligabing pagkayod.

Lantang gulay si Mel matapos ang umaatikabong bakbakan. Nanginginig pa rin ang pagal na katawang kanina lang ay mayupi-yupi na sa pamimilipit. Tahimik namang nagbibihis ang babae. Nakanganga lang sa kanya si Mel. Nginitian siya ng dalaga.

“First time mo, ‘no?” tanong ng babae.

“Pareho lang tayo,” nahihiyang tugon ni Mel, hindi makatingin nang diretso sa babae.

“Hindi rin,” pilyang ngisi ng babae.

“Ha, ‘kala ko ba birhen ka pa? Narinig kong pinag-uusapan n’yo kanina.”

“A, ‘yon ba? ‘Yong boyfriend ko kasi, gusto akong kantutin sa puwet. E, ano ako, sira?”

Natulala si Mel sa tinuran ng babae. Hindi niya akalaing birhen sa puwet pala ang babae.

“300 na lang,” sabay hablot ng babae sa kaha at binilang ang perang pinaghirapang kayurin ni Mel sa pamamasada. “May discount na ‘yan. Mukha ka kasing mabait.” Agad ding isinoli ng babae ang kaha nang makuha ang kailangan.

Bagsak ang panga ni Mel hanggang hita.

“Sa ganitong panahon, kailangan kong mamukpok nang mamukpok. Giyera kung giyera,” isinuksok ng babae sa kanyang bag ang tatlong daang piso.

Napapakamot ng ulo si Mel habang nakatitig sa natitirang barya sa kaha.  

“O, siya, tara na. Baka maispatan pa tayo ng pulis, delikado,” sabi ng babaeng blangko ang mukha.

Nanlalatang pinalipad ni Mel ang karag-karag na jeep.

Monday, January 19, 2009

Big Brother sa Opisina


Pwede naman na sigurong mag-blog, no? Wala naman na akong ginagawa dito sa opisina, since tapos ko na lahat ng trabaho ko. Sinobrahan ko pa sa quota para walang masabi ang kliyente namin. Alangan namang tumunganga lang ako. 'Yoko na rin namang magyosi kasi makapal na'ng dila ko at masakit na sa lalamunan. Di naman ako nakapagdala ng libro kaya walang mabasa. Di rin naman ako pwedeng mag-surf sa Internet kasi may matang nakamasid. Yup, under surveillance ang PC ko. Last week lang nilagyan ng monitoring software. Para raw namamanmanan nila ang mga aktibidades namin. Para raw ginagawa namin ang trabaho. Classic panopticon 'to. E, pano 'pag tapos na ang mga kelangang tapusin? Di naman pwedeng matulog dahil bawal. Sinasabi nilang magiging mas productive daw pag laging minomonitor. E, lalo nga akong bumagal nang lagyan nila ng espiya ang PC ko. Writing job pa naman 'to. Di nila naiintindihan na 'pag inaagiw ang utak mo at magdugo ang ilong sa kapipilit na may maisulat, kelangang may diversion. Ang diversion ko dati, magbasa-basa ng mga blog, magpost sa mga forum, makipagchat sa YM, at manood ng mga clips sa Youtube. Dahil do'n nawawala ang katigangan ng utak ko. E, ngayon, di na raw pwede 'yon. Sinubukan ko minsang mag-surf. Tapos na kasi ang trabaho ko. Kinabukasan, sinabihan ako ng staff ng IT na kitang-kita raw nila LAHAT ng logs ko. LAHAT. Siyempre natakot ako. Nababasa raw ang usapan sa chat, pati ang mga username at password ko sa Yahoo, Gmail, at Blogspot. Grabe. Pordyosporsanto. Super violated ako. Malamang binabasa/babasahin nila 'tong sinusulat ko ngayon. Exciting to.

Friday, January 16, 2009

2 Pinggang Pansit + Pork Adobo + 2 Tasang Rice + Buko Juice + Mahimbing na Tulog =


Swimming sa sea. Habulan with pating and tiger. Nakakapagod. Kasama ko si Eugene Domingo complete with curly wig at Martin Nievera with his microphone. Kinain sila ng tiger sa sea. May malaking-malaking buwaya sa paanan ng waterfalls malapit sa seashore. May tumalun-talong giant palaka. Na-shoot sa bunganga ng buwaya. Nginuya ng buwaya ang palaka. Tawa nang tawa si lolo. Sa Isabela. May dumating na apat na batang bulag. Pinakain. Dumating ang mag-inang Bebang at EJ. Nanood ng horror film. May babaeng buhaghag ang buhok. Sumilip sa bintana. Tumili si Bebang. Makapal ang kilay ng babae. Siya 'yong nasa pelikulang pinapanood. Kamukha ni Susan Lozada. Nanaginip ang babaeng multo. Napunta kami sa lugar na napanaginipan ng babae. Sa Bulacan. Kasama si Papa, Mama Kuya, Bebang, EJ, Hilda Koronel, at dalawang babies. May nagcha-chant nang kung ano sa loob ng bahay. Ibang language. Pumasok ang mga kasama ko para makiihi. Naiwan kami sa labas nina Papa at Hilda Koronel. Tapos, bigla na lang kaming may nakitang apat na duguang paa sa mesa sa may gate. As in paa. Walang binti. Walang hita. Kulubot ang talampakan. Nilalangaw. Hinila ng mga tao papasok ng gate si Hilda Koronel. Sigaw nang sigaw. "Best actress ako!" sigaw niya. Tumakbo ako palayo at sumakay sa trike sa labas ng subdivision. Naiwan si Papa. Hindi na nakatakbo dahil sa rayuma. Tumirik ang trike sa edge ng kalsadang may 45-degree slope. Lumipat ako ng trike. Dumaan muna ako sa bahay ni Auntie Flor. Nakita ko ang mga flower design sa cartolina ni Ate hazel na nakadikit sa nababakbak na wall. Nakauwi ako. Nakahiga si Papa sa sahig na kahoy. Umiyak kami. Relieved ako at buhay siya. Sabi niya, chinop-chop daw si Mama at Kuya at mga kasama namin. Dumating daw ang mga pulis. Hinuli ang mga kumatay. Ibinebenta raw nila sa mga sindikato ang mga kinatay na laman. Sabi ko kay Papa, sana panaginip na lang ang lahat. Napadaan si April at Pinang at tinanong kung nasaan si Kuya. Sabi ko, wala na. Pinlano namin ni Papa kung paano ibabalita sa mga kapitbahay ang nangyari habang kinukuha namin ang mga sinampay. Paulan na kasi. Bumukas ang mata ko. Nag-iingay ang maalikabok na electric fan.

Tuesday, January 6, 2009

Pasakalye

Isa sa mga huli kong short story bago ako tinamad magsulat ng kuwento. Last year pa 'to.

-------------------------------

PASAKALYE

Uy, buti na lang nakita kita. Tara, mag-miryenda tayo sa tindahan. Sa’n ka ba nagsusuot at ilang araw na kitang di mahagilap? A, oo nga pala. O, tapos. Ay, dyuskupo, kawawa naman pala’ng amo mo. Mamamatay na nga yata. Talaga, sigaw nang sigaw? Mabuti at natagalan mo’ng pagbabantay. Kung ako ikaw, baka nabaliw na ako. ‘Yokong nakakarinig ng ganyang sigaw. Alam mo ‘yon, ‘yong tipong sasabog ang bungo mo sa tindi ng tili. Ramdam mo rin kung ano ang sakit na nararamdaman n’ya.

Parang no’ng binantayan ko si nanay sa ospital. Bata pa ako no’n. E, ako lang ang kasama ni nanay no’n. Ang tatay, ewan ko, di ko na maalala kung nasa’n siya no’n. Malamang naghahanting ng mauutangan. Ta’s ayan na. E, di dumating ang doktora at mga nars. Sabi ng doktora, maupo lang daw ako sa tabi. E, ako naman si masunuring bata, di naupo ako. Hinawakan ng isang nars ang balikat ni nanay. ‘Yong isa naman, hinawakan ang balakang n’ya. Halos bumaon ang mga daliri nila sa katawan ng nanay ko.

Pinatagilid nila si nanay. Nakatitig siya sa akin. Halos nakapikit, pero alam kong nakapako ang tingin n’ya sa akin. Nanginginig ang tuyot na labi at kumislap ang luhang ayaw n’yang ipakita kay tatay. Takot na takot siya sa mga taong nakaputi at sa mga metal at maliliit na boteng dala nila. Ayokong salubungin ang tingin ni nanay. Ha? Basta, ayoko. Nakakatakot. Kaya ‘yon, kung saan-saan gumala ang tingin ko. Sa alambreng buhok ng doktora, sa nunal na pasas sa ilong ng nars, sa nanlilimahid kong kuko, sa krus na halos nakatagilid na sa pagkakapako nito sa dingding. Basta, ‘yoko kasing nakikitang naghihirap ang nanay.

‘Yong doktora, pumuwesto sa likod ni nanay. Itinarak ang pagkahaba-habang iniksiyon. Halos bumagsak ang kisame sa tindi ng sigaw si nanay. Pinagmumura ang doktora sa sobrang sakit. Do’n ibinuhos ni nanay ang natitira pa n’yang lakas. Parang may kinakatay na baboy. Tinakpan ko ang tenga ko no’n at humarap na lang sa bintana. Halos mapipi ang tenga ko sa tindi ng pagkakatakip. Wa epek. Nanlambot ang buto’t laman ko sa pagsisisigaw at pagmumura ni nanay. Ramdam na ramdam ko rin ang pagtibok ng ugat sa noo ko. Pati ang puso ko, dugdug… dugdug… dugdug… Alam mo ‘yon? Di ko talaga makayanan kaya tumakbo na lang ako palabas. Pagbukas ko ng pinto, nasalubong ko si kamatayan at ang nangingintab n’yang kalawit. Iyak ako nang iyak sa labas ng ospital. Tahimik na ang kuwarto pagbalik ko.

Kaya nga naawa ako sa amo mo ngayon, e. Hmmm… Nar’yan na ba lahat ng mga kamag-anak nila? Ang kapal din naman ng mukha ng asawa ni madam, ‘no? Matapos siyang ipagpalit sa isang mabantot na pokpok, ayan at nakabantay sa naghihingalong asawa. Gusto yatang madaliin ang pag-akyat ni madam sa langit.

A, oo nga, naaalala ko pa no’ng magkaroon ng giyera d’yan sa inyo. Di ko kinaya’ng eksena. ‘Kala ko, sa pelikula lang nangyayari ang gano’n. Si madam, parang asong ulol na hinabol ng kutsilyo ang aligagang kerida. Itong si kerida naman, nakabuyangyang ang retokadang susong nagtatatakbo hanggang sa may kanto. Siyempre, lumuwa ang mga mata ng mga tambay. Kung nagkataong nahuli si kerida, sigurado ‘ko, chop-chop lady ang labas n’ya. Popcorn na lang talaga ang kulang at parang nanood na rin kami ng sine.

Ang kapal din naman kasi ng mukha, magkakangkangan na lang, sa kuwarto pa mismo ni madam. Di ba? Puwede namang sa motel na lang. Sa Sogo, maganda raw do’n. O kaya sa Tawi-Tawi na lang o sa Sierra Madre. O sa’n mang lupalop ng daigdig. Basta do’n sa lugar na di sila mahuhuli. Tama. Sana, nag-Hong Kong o Singapore na lang sila.

‘Yong lalaki naman, siya na nga ang namangka sa dalawang pekpek, siya pa ang may ganang pagsasampalin si madam. May pagkamartir din kasi ‘tong si madam, ‘no? Kung ako sa kanya, puputulin ko’ng ari ng halimaw. Ako, ‘pag nag-asawa ako’t nahuli kong nambababae ang asawa ko, naku, magtago na sila ng babae niya sa puwertang pinanggalingan nila. Kahit sa’ng sulok ng impiyerno, susundan at susundan ko sila.

A, nar’yan na rin pala ‘yong panganay nila. Kala ko ba hanggang ngayon magkaaway pa rin sila ni madam? Tagal na ring di umuuwi ‘yan, a. Mag-iisang taon na, ‘no? Ito naman kasing si madam, ewan ko ba, may pagkalukaret din. Alak sa umaga, alak sa tanghali, alak sa gabi. – ‘Te, pabili nga ng Coke, ‘yong taglilimang piso. Dalawa. ‘Wag mo nang iplastik. Dito na lang namin iinumin. ‘Te, magkano ‘yong ano, ‘yong nasa tabi ng monay? Hindi, hindi ‘yan. ‘Yong katabi n’yan. Si ‘Te talaga, may katarata na yata. ‘Yan. ‘Yan. Magkano ‘yan? Lista muna ha. – O, libre ko na ‘to. ‘Yong utang mo sa akin, saka mo na bayaran ‘pag marami ka nang pera

Tapos? ‘Yong bunsong anak, dumating na rin? Alam mo, crush ko talaga ‘yong tisoy na ‘yon. ‘Pag niligawan ako no’n, kahit ano, ibibigay ko. Isanla ko man ang buong Pilipinas. Sanamapangasawa ko siya balang araw. Magiging masaya kami, sigurado ‘ko. Siyempre, ‘pag namatay na si madam, malaki ang makukuha n’yang mana. Magpapakasal kami sa, sa’n na nga ba yun, kung saan kinasal sina Aga at Charlene? Hindi do’n. Basta, sa ano yata. Basta, sa malaking-malaking simbahan. Magpapatahi ako ng magandang-magandang gown. ‘Yong mahaba ang buntot para mas sosyal. Imbitado kayong lahat sa kasal namin. Ta’s sa Amerika kami gagawa ng baby. Ta’s maninirahan kami sa bahay nila sa Bohol. Ta’s magnenegosyo kami hanggang sa yumaman nang yumaman nang yumaman. Ang saya, ‘no?

May sasabihin pala ako sa ‘yo. Ay, mamaya na lang pala. Basta, wala ‘yon. ‘Wag kang makulit, mamaya na nga.

Balita ko, nililigawan ka raw ni ano, ni...ano’ng pangalan n’ya? Umamin ka. Gaga, walang nakakalusot na sikreto sa akin, ‘no. Kuwento ka, bilis. ‘Wag kang mahiya. Nagkangkangan na ba kayo? Sige na, kwento ka. Pramis, di ‘to makakalabas sa iba. Atin-atin lang ‘to.

Ayyyyy! Talaga? Loka-loka ka talaga. Ginawa mo ‘yon? – Te, narinig mo yun? Humahada pala ‘tong si lukaret. – Grabe ka talaga. Kunwari tahimik, pero sumusubo rin pala ang santa. Ayyyyy! Ganun talaga’ng lasa no’n. ‘Yong sa jowa ko, maalat-alat din. O, tapos. Malaki ba? Sus, ngayon pa raw nahiya. Sige na. Ayyyyy! Talaga? Naku, e di wakwak ang pekpek mo?

Ha? Walang dyug? Hina mo naman. Dapat nagpadyug ka. Hala ka, baka magkakanser ka tulad ni madam. Tingnan mo, ilang milenyong walang titing naglabas-masok sa pekpek n’ya, ‘yan tuloy, kanser ang inabot. Oo, ganun daw ‘yon sabi sa komiks na nabasa ko. ‘Yong ibang mga madre nga, gumagamit daw ng talong. - ‘Te, bago lang kayo rito? No’ng isang hapon lang kita nakita. A, pinsan ka ni Ate Ditas? - Kaya habang may panahon pa, magpakangkang ka na rin nang di pamugaran ng uod ang matris mo.

E, di ‘wag kang maniwala. Bahala ka. Mahal ka d’yan. Gano’n ba ‘yon? Porke ba mahal mo ang isang tao, di ka na makikipagdyugdyugan sa kanya? Ang tanong, ikaw ba, mahal din n’ya? Talaga lang, ha. Pa’no mo naman nasabi? Gano’n lang talaga’ng mga lalaki. Sasabihin kung ano’ng gusto mo’ng marinig. ‘Yong jowa ko nga, lagi niyang sinasabing mahal daw niya ako, pero di ako naniniwala talaga.

Si bakla ba ‘yon? Oo nga, balikat pa lang, siyang-siya na. Aba, ang mahadera, nagmamaganda. –Hoy, bakla! ‘Yong utang mo bayaran mo na. Leche kang puta ka, ilang linggo na ‘yon, a. Umupa ka lang ng lalaking tsutsupain, e. Nagpatira ka na naman sa mga tambay d’yan sa kanto, ‘no? Pakialam mo kung balahura’ng bunganga ko. Kahit bastos ‘to, at least mabango, di tulad ng sa ‘yo, amoy bulok na tamod. Yak! O sige, basta bayaran mo ako bukas, ha. Kumusta mo ko sa nanay mo. Bakla, sabihin mo, magluto uli ng binagoongan. – Sarap talagang asarin ng baklang ‘yon. Okey lang ‘yon, gano’n lang talaga kaming mag-asaran.

Suwerte nila ng nanay n’ya, no? Mababait ang mga amo. Tingnan mo si bakla, pinag-aaral. Gradweyting na sa hasykul. Pagne-nursing-in din daw yata s’ya. Sa’n ka pa. At ang ganda kaya ng kuwarto nila. Oo, maluwang talaga. Tsaka presko. Nakita ko no’ng nagpunta ako do’n no’ng isang linggo. Sama ka sa ‘kin minsan, dalawin natin si bakla. At bukod sa marami silang panahon para magpahinga at mamasyal, mas malaki raw ang kinikita nila kesa sa atin. Leche, ‘yong sa akin nga, halos di na ‘ko makapagpadala sa Ilokos. – Wen manang, Ilokano ak met. Burgos ak. Sika ngay? Nagasideg gayamWen ngarud.

May lakad ka ba bukas? Punta tayo sa Cubao, nagpapabili kasi ng pantalon ang kuya ko. Maghahanap na naman daw ng trabaho. Kainis nga, e. Nabawasan na naman ipon ko. Natapos na kasi ‘yong dati n’yang trabaho sa konstraksyon. E, alam mo naman do’n, di ka talaga makakaipon. Kaya ‘yon, naghahanap na naman ng bagong mapapasukan. Sabi ko nga, mag-aplay na lang bilang janitor o gasoline boy. At least do’n, hindi masyadong delikado at permanente pa. E, sa konstraksiyon, kung di man siya mabagsakan ng mga kahoy o hollow blocks, baka ikamatay n’ya ang sobrang paglanghap ng mga alikabok.

Ano, tara. Nood tayo ng sine bukas. Tagal na rin nating di lumalabas. May maganda bang palabas ngayon? Ikaw, ano ba gusto mo? Ayoko ng bakbakan ha. Sumasakit ang ulo ko do’n. Sayang lang ang pera natin. Ay, alam ko na! Panoorin natin ‘yong kay Sam at Toni. Sige na. Nakakakilig ‘yon sigurado. Sobrang cute kaya ni Sam. Tsaka bagay talaga sila ni Toni.

Tara, isama rin natin ‘yong bagong katulong sa amin. Ay, di mo pa ba alam? ‘Kaw kasi, tagal mong di nagparamdam. No’ng isang linggo lang siya dumating.  Bagong salta siya rito sa Maynila, galing Leyte. No’ng unang gabi n’ya, iyak siya nang iyak. Muntik ko nang tarayan kasi ayokong nakakarinig ng mga atungal. Alam mo ‘yan, nanggigigil talaga ako sa mga ganyan. Pero hinayaan ko na lang. E, mukang nami-miss ang pamilya. Batang-bata pa kasi. Katorse. Naawa ako sa kanya kasi ganyang edad din ako no’ng una akong nagpunta dito. Halos gabi-gabi rin akong di makatulog sa kaiiyak. Inabot yata ako ng isang buwan bago nakapag-adyas. Ikaw rin naman, di ba? No’ng unang dating mo rito, pulang-pula ang mga mata mo ‘pag nagkikita tayo. Sabagay. Sanayan lang din yan. Ako nga, magwawalong taon na dito sa Maynila. Kinaya ko naman lahat. Ang sumuko, talo.

Ano, tuloy tayo bukas, ha. Walang atrasan. Nar’yan naman na’ng mga anak ni madam, sila na muna’ng mag-aalaga sa kanya. Magsama ka na rin ng iba para mas masaya. Si malanding Puring, gusto ko siya. Nagkakasundo talaga kami. Masayang kasama. Tsaka pareho kaming madaldal. No’ng minsang nagpunta kami sa Cubao, grabe talaga, ansakit ng tiyan ko sa katatawa. Komedyante rin ‘tong babaeng ‘to, ‘no? Ngek, wala raw siyang pera?

Ba’t kaya ganun, ‘no? Di na matapos-tapos ang paghingi sa ‘tin. ‘Te, pantalon. Anak, may sakit ako, kahit pambili lang ng gamot. Ninang, bertdey ko. Insan, pautang naman. Pati kaibigan ng kaibigan ng pamilya ko, nanghihingi ng kung anu-ano. Ano ako, donyang nahihiga sa diyamante? Gaga, di ako madamot, ‘no. Nagbibigay kaya ako sa kanila. Nakakainis lang talaga na walang natitira sa akin. ‘Kaw, ‘wag mong sabihing di ka naiirita pag pinupuntahan ka ng tatay at mga kapatid mo dito para manghingi ng pera. Eto pa, saktong sa katapusan saka nila tayo dinadalaw. Alam mo ‘yon? ‘Pag malapit na’ng suwelduhan, ayan na, ihanda na’ng bulsa. Kaya nga minsan, parang gusto kong magtago.

May dumaan na anghel. Ako, may problema? Ba’t mo naman nasabi? Wala ‘yon. Basta. Wala akong problema. May iniisip lang ako kaya ako natahimik. Ano ka ba, okey lang ako ‘no. ‘Wag mo ‘kong aalahanin.

Ikaw raw ang paborito ni madam? Sabi ni Puring. Suwerte mo, paborito ka. Malay mo, may makukuha ka palang mana. Kahit isang alahas lang ang ipamana sa ‘yo, okey na ‘yon. Sanasumipsip ka no’ng nalaman mong malapit na siyang mamatay. Dapat ipinapakita mong magaling at mabait at mapagkakatiwalaan ka. Para maisama ka sa, anong tawag do’n, last will… Oo, ‘yon nga. Pordyosporsanto ka d’yan. Malay mo naman, pamamanahan ka talaga. Ba’t ‘yong ibang mga katulong sa TV, nabibigyan ng mana?

‘Langyang jowa ko, nagteks na naman. Loko-loko talaga ‘tong unggoy na ‘to. Sabi: “Bakit mo ako binitin kung kailan kainitan at basambasa ako? – SINAMPAY.” Andami ko kayang natatanggap na ganitong teks. Pasahan kita mamaya, pag nagka-load na ‘ko. Eto, pinadala sa ‘kin kagabi. Di ko maintindihan, e. Sabi: “Time is gold and so are we. But only God can make a tree. Japan,Japan, sagot sa kahirapan. Land of the Rising Sun. Now as we sleep tight, don’t let the bed bugs bite. Remember to Just Always Pray at Night – Japan!” Di mo rin maintindihan? Ang labo, ‘no? Mukhang tanga.

Nakakabagot naman. Buti pinayagan kang lumabas. Mababaliw talaga ako ‘pag nasa loob lang. – ‘Te, eto’ng bote. Tsaka dalawang mamon na rin. Napanan na gayam ni Manang Ditas? Nagadayo met. Anya ti araramiden na idiay Masbate? A, kasdiay gayam. Kaano kano ti subli na? – Mamon, o. Ayaw mo? Ewan ko, bigla akong nagutom. Di kasi ako nakakain nang maayos kaninang umaga. Nagsusuka ako, e.

Uy, may sasabihin ako sa ‘yo. Pero sikreto lang natin to, ha. ‘Pag ipinagkalat mo sa iba, sasabunutan kita hanggang matuklap ang anit mo. Tatalupan din kita nang buhay ‘pag nagdaldal ka. Pramis? Pramis yan, ha. Papakulam talaga kita ‘pag idinaldal mo sa iba. Lika rito, baka marinig tayo ni ate.

Di ko sinabi sa ‘yo, pero, naaalala mo no’ng nag-bidyo-oke tayo sa bahay? No’ng wala sina mam at ser. Pagkaalis mo, dumating si ser. Lasing. Nasa kusina ako no’n. Lumapit sa akin. ‘Kala ko may iuutos lang. Nagulat ako no’ng yakapin n’ya ako. Kinabahan talaga ako no’n. Muntik na akong mapasigaw nang pisilin n’ya ang puwet ko. Tinakpan n’ya ang bibig ko. Nanlaban talaga ako, pero malakas talaga si ser. Sa tanda n’yang ‘yon, nagulat ako kasi ang lakas-lakas talaga n’ya. Natumba ako sa sahig. Ta’s pumatong siya sa akin. Ta’s ‘yon na. Sabi n’ya, ‘wag daw akong magsusumbong kahit kanino. Papatayin daw talaga n’ya ako ‘pag may nakaalam na iba. Seryoso s’ya.

Okey lang ako. Nasanay na rin. No’ng una, siyempre, naubos ang luha ko sa kaiiyak. Sino ba naman ang matutuwa na nireyp ka. Balak ko talagang isumbong si ser kay mam. Kaya lang, natatakot din kasi ako kay mam. Sa ugali n’yang ‘yon, baka kasi siya pa ang unang makapatay sa akin.

Pero, isang-isa na lang talaga, lalabanan ko na talaga si ser. Sisiguraduhin kong hinding-hindi na uli n’ya ako magagalaw. Magkamatayan man. Hoy, ‘wag mo nga akong titigan nang ganyan. Parang ako pa’ng lumalabas na kriminal, a. Isa na lang talaga, mapapatay ko’ng hayup na ‘yon. Kahit makulong pa ‘ko. Lintik siya.

Uy, sige, alis na ‘ko.  Mamamalantsa pa ako.

Saturday, January 3, 2009

Perfect Attendance


Perfect attendance. Never kong na-achieve ‘to no’ng nasa college ako. Sabi ko, e ano naman ang .25 na reward sa class card sa pagtatapos ng sem kumpara sa magdamagang laklakan ng gin pomelo (ito pa’ng uso no’n) sa dorm, movie marathon sa Film Center (Cine Adarna na ngayon), at sunugan ng baga with friends sa Sunken Garden (smoking zone pa ang UP no’n). Halimaw lang ang nakaka-perfect attendance.

Ganito rin sa trabaho. Kelan lang, in-award-an ang mge empleyadong may perfect attendance sa buong 2008. Ilan silang mga halimaw. Sila ‘yong never nag-absent (obviously), never nag-half day, never na-late, never nag-undertime, never nag-leave, at never gumamit ng offset. Isang taon. Imagine that, isang taon!

Sila ‘yong tipong ginagawa nang bahay ang office. ‘Yong di namamatayan ng mga kamag-anak. ‘Yong immune sa lahat ng uri ng sakit, kahit sipon at ubo. ‘Yong di immune sa sakit pero nagrereport pa rin sa trabaho kahit tumitirik na ang mga mata at mangisay-ngisay na sa pagdedeliryo. ‘Yong nagigising sa tunog ng alarm clock. 'Yong kayang hawiin ang mga pukenenang sasakyan sa EDSA a la Moses tuwing peak hours. ‘Yong walang barkadang nangingidnap. ‘Yong ginagawang cocaine ang trabaho at ikamamatay ang pag-absent. ‘Yong obsessed na maging Employee of the Year pandagdag bango sa resume.

Ang reward ng isang taong walang kupas na serbisyo sa kompanya? P10,000 plus certificate of recognition. Wow. Puwede na. Kapalit ng mahahalagang oras para sa sarili, pamilya, at kaibigan? Puwedeng-puwede. As in.

Thursday, January 1, 2009

All in the Spirit of New Year


Bagong taon na. I’m sure, mapupuno na naman ang blogosphere ng mga New Year’s resolution. Na malamang sa malamang, mabubulok lang sa basurahan. Nariyang magda-diet daw para sumeksi, pero mas malaki pa sa aparador ang katawan wala pang ilang buwan. Meron diyang ibang magtitipid na raw, pero ‘yon, nakikipag-hide-and-seek sa mga credit company one year later.

Di ko rin naman sila masisisi. Mahirap na kasing baguhin ang nakasanayan na, e. Kaya nga nag-aalangan akong gumagawa nito dahil mahirap mapapangatawanan. Sayang lang ang effort. Pero dahil gusto ko ng mga challenge, susubukan ko.

1. Maging social animal. Pramis, susubukan kong lumabas naman paminsan-minsan sa lungga ko at pumasok sa social circle. ‘Yong tipong um-attend sa mga Christmas at New Year party, family at high school reunion, night out ng mga kasamahan sa trabaho, inuman kasama ang mga pinsan, movie date with friends, children’s party, binyag, kasal, lamay at burol, at kung anu-ano pang pagtitipon na nangangailangan ng mga social skill – nang hindi tumutunganga sa isang sulok habang nag-i-strategize kung pa’no umeskapo o tumitingin sa relo para i-countdown ang pagtatapos ng pagtitipon. Wala naman sigurong masama dito, ‘no?

2. Dalas-dalasan ang pagsisinungaling. Lagi akong napapa-trouble ‘pag nagsasabi ako nang totoo. Inatake ng hypertension ang boss ko nang sabihin kong tinamad ako at natulog magdamag kaya di ako nakapasok sa trabaho. Matatalim na irap ang inabot ko matapos akong tanungin ng lola ng isang kaibigan kung masarap ba ang niluto niyang sinigang na hipon at sinabi kong kulang sa alat at asim. Di na ako pinansin ever ng ultimate crush ko nang komprontahin niya ako at tanungin kung ako raw ba ‘yong secret admirer na nagtetext sa kanya. Sabi ko, oo. Madalas ding mairita ang ilang mga kaibigan kung sinasabi ko ang tunay na dahilan kung bakit di ako makapunta sa lakad nila – tinatamad ako, ayokong bumiyahe, ma-polusyon sa labas, ayoko ng maingay, ayokong malasing, mabo-bore lang ako, etc., etc. Kaya para iwas-gulo, mas mabuti pa sigurong praktisin ko na ang pagsisinungaling. Tutal, marami namang nabubuhay sa kasinungalingan.

3. Makinig sa mga kuwento ng kausap. Iniiwan talaga ako ng kaluluwa ko ‘pag kinukuwentuhan ng mga kuwentong mala-Biag ni Lam-ang ang haba. ‘Yong tipong nagkakakalyo na ang leeg at batok mo sa pagtango para lang masabing nakikinig ka. Susubukan kong makinig talaga. Pagbigyan ang kausap. Sige, susubukan kong maging sponge para makatulong sa kapwa kahit pa’no sa paglalabas ng kanilang mga sama ng loob, excitement, takot. Para mapaghugutan na rin ng mga materyal para sa blog.

4. Bawas-bawasan ang pagiging nega. Hindi ko na iisiping baka magkaroon ng super typhoon ‘pag namamasyal sa mga probinsiya. Hindi ko na iisiping baka mahulog ang sinasakyan kong ordinary bus sa mga fly over sa EDSA. Hindi ko na iisiping baka salpukin ng eroplano ang building na pinagtatrabahuan ko. Hindi ko na iisiping baka laman ng tao ang sahog ng lugaw na kinakain ko sa isang turu-turo sa Taft. Hindi ko na iisiping baka mamatay ako sa yosi. Hindi ko na iisiping baka hindi ako magustuhan ng crush ko. Hindi ko na iisiping si Mama lang ang nagsasabing pogi ako. Hindi ko na iisiping kakornihan at katangahan ang ma-in love.

5. Maging kamukha ni Gael Garcia Bernal at kasing-katawan ni Matthew McConaughey.Papatayin ko sa panghihinayang ang lahat ng umayaw sa akin dahil hindi ako magandang lalaki (well, wala lang siguro sa uso ang hitsura ko). Regular akong magpapaderma for that poreless, whiteheadless, blackheadless, spotless, oil-free facial skin. Wala nang hiya-hiya ‘to, pero bibili ako ng mga vanity product. Kung di kakayanin, bibisitahin ko si Belo (kelangang pag-ipunan ‘to). Magpapa-body scrub ako para pumuti ang mga kasingit-singitan ng katawan ko. Mag-e-enrol ako gym. Palilitawin ko ang mga pandesal sa abs ko, patitigasin ang dibdib at puwet, at iwo-work out ang braso, hita, at binti. Ewan ko lang kung walang maglaway sa akin.

Ayan. Marami pa akong gustong idagdag pero ito na lang muna. Kung mapangatawanan ko ang mga nasa listahan, e di maganda. Kung hindi naman, sorry na lang.