Wednesday, August 20, 2008

Kuwentong Kabuwisitan sa MRT

Understatement pa 'tong picture na 'to.


Dahil marami na'ng nai-blog tungkol sa mga out of this world experience sa MRT - sa mga binting tinubuan na ng varicose veins dahil sa usad-pagong na pila, sa mga ale't mamang walang konsepto ng pagpila, sa mga tsikadora(o)ng nagbebenta ng tiket, sa mga volunteer na aabot sa 1oth floor ang taas ng kilay kung di ka maglalaglag ng barya sa lata, sa makatunaw-pasensiyang paghihintay sa pagdating ng susunod na tren (na kung talagang mamalasin ay lalampas at di magsasakay), sa tsunami ng taong gustong makapasok, sa kiskisan ng mga pawisang body parts, sa consensual na tsansingan, sa mga taong hinihingahan ang batok ng nasa harapan, at milyon pang iba - magko-comment na lang ako sa mga health reminder na naririnig ko sa loob ng MRT.

Pag-burn ng calories

"Alam mo na bang puwede kang mag-burn ng calories kahit nakaupo sa MRT?" Sabi sa isang patalastas. Siyempre, interesado ako kung ano ang explanation ng nagssalita rito (although may idea naman ako sa mechanism ng pag-burn ng calorie). So pinakinggan kong mabuti ang susunod niyang sasabihin.

"Ang lalaki ay mas mabilis mag-burn ng calorie kesa sa babae...boka boka boka...Kasi mas active ang mga lalaki...boka boka boka." HUH? So pa'no nga nagbu-burn ng calories 'pag nakaupo sa MRT. Ini-expect kong sasabihin niyang magalaw kasi sa MRT kaya nawo-workout ang katawan o sobrang mainit kaya pagpapawisan ka. Sa'n nanggaling yung mas mabilis mag-burn ng calories ang mga lalaki? Dyuskopo, diyos ng non sequitur ang nagsulat ng commercial.

Alam ko, di naman siya big deal talaga para sa iba (no reaction nga ang mga nakasakay sa MRT dito, e). Pero di talaga ako napakali no'ng una kong narinig 'to. Ang masaklap pa, araw-araw ko siyang naririnig. Mula Shaw Boulevard hanggang North Avenue, ilang beses na inuulit 'to. Niluluga ang tenga ko.

Pagkain ng prutas

Ito pa'ng isang nakakapagpataas ng altapresyon ko tuwing umaga. Ang sabi sa health reminder (hindi verbatim): "Sanay tayong magbalat at kumain ng prutas pagkatapos kumain. Alam niyo bang hindi dapat kumakain ng prutas pagkatapos kumain? Ito ay dahil sa component nitong...boka boka boka... na mainam sa katawan kung walang laman ang tiyan."

So anong mangyayari sa akin kung 'pag kumain ako ng prutas after every meal? Mamamatay ba ako? Mababaliw ba ako (malapit na, lecheng health reminder 'to)? Ang labo kasi, e. Hindi ipanaliwanag ang mangyayari 'pag kumain ka ng prutas nang may laman ang tiyan. Sabi sa unang linya, "may laman ang tiyan", hindi "walang laman ang tiyan". Sino ba'ng nagsulat ng health reminder na 'to at nang mapabarang na.

0 comments: