Friday, August 29, 2008

Na-zipper si Birdie!

Mag-iingat dito!



Kahapon, dumaan ako sa isang kaibigan para manghiram ng perang pambayad sa 'nyetang Smartbro (na ke pangit-pangit naman ng serbisyo). At para maka-libre na rin sa breakfast. Ikinuwento niya ang nangyari sa anak niyang itago na lang natin sa pangalang Jayjay. Sabi niya, nasa isang birthday party raw sa Jollibee ang anak niya. Ayun. E di umihi ang bata sa CR. Nagmamadali nang makauwi at nang makita na ang lola niya. E wala siyang suot na brief. Kaya nang itaas ang zipper ng pantalon, ayun, naipit si birdie.

Napangiwi ako habang ikinukuwento sa akin 'to ng kaibigan. Nangyari na rin kasi sa akin 'to no'ng bata ako. No'ng di pa uso sa akin ang pagsusuot ng brief. Basta, ayaw na ayaw kong nagsusuot ng brief dati. Naalibadbaran ako. Kaya asar-talo talaga ako 'pag bigla na lang ibinababa ng mga pinsan/kalaro/kaklase ko ang shorts ko. Eto 'yong equivalent ng pagtaas sa palda ng mga kaklaseng babae o pagbatak sa strap ng bra nila.

Madaling araw no'n. Nagising ako kasi naiihi na. Habang jumijingle (maluha-luha at pakilig-kilig pa sa sobrang sarap), may narinig akong kalabog. So 'yun, nataranta ako. Kala ko kasi multo. Sa kamamadali, naipit ng zipper ang birdie ko. Mangiyak-ngiyak kong ginising sina Mama at Papa para solusyonan ang napakalaki kong problema. Awa ng Diyos, wala namang damage.

Di tulad nang nangyari kay Jayjay na naospital pa at doon na tinanggal ang pagkakaipit. Sobrang namaga kasi ang birdie niya. Sabi nga ng jowa ng kaibigan ko, sana gano'n na lang lagi para magmukhang malaki ang birdie niya. Parang ako ang nakakaramdam ng sakit habang ikinukuwento niya kung pa'no alisin ng doktor ang pagkakaipit. Parang 'yong nagkuwento ka sa isang lalaki kung pa'no ka binayagan.

Ayun, awa ng Diyos, wala rin namang damage sa birdie ni Jayjay. Medyo na-trauma lang siguro. Ikaw ba naman 'yong magsisigaw sa sakit sa CR sa Jollibee at pagtinginan ng mga tao habang inilalabas ka para dalhin sa ospital. Iba pa siyempre 'yong sakit.

Kaya ang payo ko, laging magsuot ng brief o boxers. Kung ayaw niyo naman - mainit kasi minsan at napaka-uncomfortable - mag-ingat lang sa balat ni birdie, ha. Baka makagat ng zipper.

Thursday, August 28, 2008

Birthday Ko Na. Shet. Malagket.


Ilang oras na lang at magte-27 na ako (oh my god, 27 na talaga). Sabi ko no'ng bata ako, 'pag 30 years old na ako, dapat tumigil na ang pag-andar ng oras. Para forever young ako. Pero pinroblema ko 'yong mga bagong labas sa puwerta. Pa'no yun, e di forever baby na lang sila. Pano ang mga naghihingalo na, forever naghihingalo? Imposible yata 'yong iniisip ko. Kaya sabi ko na lang, sana mamatay na lang ako 'pag 30 na ako. Hindi 'yong pagkamatay na tipong mahuhulugan ako ng hollow blocks sa isang construction site o masasagasaan ng tren, ha. Gusto ko 'yong mamamatay akong nakangiti. Hindi 'yong OA na ngiti ha. 'Yong tamang-tama lang.

Unang-una, takot kasi akong lumaylay ang balat sa braso't leeg ko. Baka paglaruan ng mga bata. Ngayon nga, ramdam ko na ang pagbagal ng metabolism ko. Ang bilis kong mapagod. Ultimo pagkurap, ikinahihingal ko.

Tsaka sa tanda kong 'to, ni singko, wala akong ipon. Pa'no ako makakabili ng bahay ng lupa ng kotse ng malaking-malaking TV ng ref? Pa'no ako makakapag-world tour? Pa'no ang ataul ko 'pag namatay ako (mas mahal ba'ng cremation)? Pa'no 'yan, wala pa rin akong napapatunayan sa pagsulat. Although may na-publish nang ilang kuwento at article, at natanggap sa isang national writing workshop, di pa sapat 'yon. Alam ko, di pa ako magaling magsulat.

Consolation ko na lang yata 'yong nagiging mas wais ako habang tumatanda. A, saka ko na nga poproblemahin ang side effects ng pagtanda. Napapagod ako.

----------------------------

Muntik na akong maiyak no'ng nalaman kong sa August 30 ang reunion concert ng Eraserheads. Gusto kong maghanap ng burol at magtatatakbo ro'n na parang si Julie Andrews. Oo, gano'n ako talaga kasaya. Sabi ko, ang gandang birthday gift naman nito. Do'n sa concert ko sana ise-celebrate ang birthday. Pero 'yon, di ako makakapunta. Walang pambili ng tiket, e. Nalagas kasi sa Davao-Butuan-Camiguin-CDO trip ko.

----------------------------

Ayokong kinakantahan ako ng happy birthday. Basta. Ang corny. Kung sa mga kaibigan, ayos lang. Walang kaso. Pero kung sa mga taong di ko naman ka-close, ay 'wag na. Kaya nga di ko sinabi sa opisina kung kelan ang birthday ko. Pero nagulat na lang ako't naka-post sa pantry kung kelan ang birthday ko, kasama ng iba pang may birthday din sa August. Iko-cross out ko sana using pentel pen, pero 'wag na lang, baka makasuhan pa ako ng vandalism.

Ihahanda ko na lang ang plastic kong ngiti 'pag kinantahan nila ako.


Wednesday, August 20, 2008

Makapag-Blog Nga Muna Habang Walang Ginagawa sa Trabaho

Sige, makikisakay na rin ako sa bandwagon: Idol ko si Phelps! Wohoo!



Dalawang oras pa (half-empty-glass person ako) at makakalis na rin ako dito sa office. Kating-kati na akong tumakbo palabas. I know, importante sa 'kin ang trabaho ko - afterall, ito ang bumubuhay sa 'kin ngayon - pero ilang minuto bago matapos ang shift ko, nakaabang na ako malapit sa labasan sa swipe-an ng ID. Nakikipagkarerahan kasi akong makalabas sa office. Naging obsession ko na 'yong ako ang unang lalabas. Kanina, muntik na akong matalo. buti na lang at mas mabilis ako ng .01 of a second dun sa lalaking madalas kong kakompetensiya.

Since dalawang oras pa (hindi "na lang") ang hinihitay ko, tambay muna ako dito sa blog ko.

---------------

Pupunta ako sa Mindanao mamaya. Hindi para makipag-threesome sa labanang militar-MILF, kundi para magbakasyon. Excited na nga ako kasi first time ko sa Mindanao. Sa Butuan, sa mansion nina Mother Resie, and first stop namin. Sa August 23-24, nasa Davao naman kami para sa Kadayawan Festival. Then diretso sa CDO. At kung kakayanin ng oras, lakas, at pera, baka magpunta rin kami sa Camiguin.

---------------

Anak ng tokwa, kung kelan may importanteng lakad ako, saka naman nagsulputan ang rashes (haha, sorry mayaman ako kaya "rashes" at hindi "kati-kati") sa mukha ko. As in ang pula-pula talaga. Sa noo at sa pisngi. kulang na lang magsuot ako ng malaking sumbrero na may tabing na fish net para di ma-obvious ang lalo kong pumangit na mukha. A, guwapo nga pala ako - sabi ng nanay ko. Sana mawala na ang rashes bagokami makaratingsa Mindanao. At sana walang bombahang maganap.

--------------

Umuurong talaga'ng bayag ko 'pag sumasakay ng eroplano. Napaparaning ako. Sobra. What if may hijacker at magpasabog ng bomba? What if maputol ang pakpak ng eroplano? What if bigla na lang tamarin ang makina at tumigil 'to sa pag-andar? What if tamaan ng kidlat ang eroplano, lalo na ngayong may bagyo pa naman? At kani-kana lang, nabasa ko sa Yahoo News na may bumagsak na eroplano sa Spain. 149 ang patay at 26 lang ang survivor. Sana ako na lang si Unbreakable, 'yong karakter ni Shyamalan.

-------------

Isa pang problema. Hindi ako nakapagpagupit kanina. Ang kapal na ng buhok ko. Mukha nang peluka. Buti naman sana kung natural na maganda ang tubo. E, parang bulbol at iba-iba ang direction ng tubo. Aaaargh! Ba't ba kasi di ako biniyayaan ng maayos na buhok. A, bahala na. Magbo-bonnet na lang ako. Isa pa pala, ang kapal na rin ng bigote't balbas ko. Ang tanda kong tingnan.

-------------

Tatanda na naman ako ng isang taon sa August 30. Goddarmit. Ang mga angas ko sa pagtanda, sa susunod na blog ko.

Kuwentong Kabuwisitan sa MRT

Understatement pa 'tong picture na 'to.


Dahil marami na'ng nai-blog tungkol sa mga out of this world experience sa MRT - sa mga binting tinubuan na ng varicose veins dahil sa usad-pagong na pila, sa mga ale't mamang walang konsepto ng pagpila, sa mga tsikadora(o)ng nagbebenta ng tiket, sa mga volunteer na aabot sa 1oth floor ang taas ng kilay kung di ka maglalaglag ng barya sa lata, sa makatunaw-pasensiyang paghihintay sa pagdating ng susunod na tren (na kung talagang mamalasin ay lalampas at di magsasakay), sa tsunami ng taong gustong makapasok, sa kiskisan ng mga pawisang body parts, sa consensual na tsansingan, sa mga taong hinihingahan ang batok ng nasa harapan, at milyon pang iba - magko-comment na lang ako sa mga health reminder na naririnig ko sa loob ng MRT.

Pag-burn ng calories

"Alam mo na bang puwede kang mag-burn ng calories kahit nakaupo sa MRT?" Sabi sa isang patalastas. Siyempre, interesado ako kung ano ang explanation ng nagssalita rito (although may idea naman ako sa mechanism ng pag-burn ng calorie). So pinakinggan kong mabuti ang susunod niyang sasabihin.

"Ang lalaki ay mas mabilis mag-burn ng calorie kesa sa babae...boka boka boka...Kasi mas active ang mga lalaki...boka boka boka." HUH? So pa'no nga nagbu-burn ng calories 'pag nakaupo sa MRT. Ini-expect kong sasabihin niyang magalaw kasi sa MRT kaya nawo-workout ang katawan o sobrang mainit kaya pagpapawisan ka. Sa'n nanggaling yung mas mabilis mag-burn ng calories ang mga lalaki? Dyuskopo, diyos ng non sequitur ang nagsulat ng commercial.

Alam ko, di naman siya big deal talaga para sa iba (no reaction nga ang mga nakasakay sa MRT dito, e). Pero di talaga ako napakali no'ng una kong narinig 'to. Ang masaklap pa, araw-araw ko siyang naririnig. Mula Shaw Boulevard hanggang North Avenue, ilang beses na inuulit 'to. Niluluga ang tenga ko.

Pagkain ng prutas

Ito pa'ng isang nakakapagpataas ng altapresyon ko tuwing umaga. Ang sabi sa health reminder (hindi verbatim): "Sanay tayong magbalat at kumain ng prutas pagkatapos kumain. Alam niyo bang hindi dapat kumakain ng prutas pagkatapos kumain? Ito ay dahil sa component nitong...boka boka boka... na mainam sa katawan kung walang laman ang tiyan."

So anong mangyayari sa akin kung 'pag kumain ako ng prutas after every meal? Mamamatay ba ako? Mababaliw ba ako (malapit na, lecheng health reminder 'to)? Ang labo kasi, e. Hindi ipanaliwanag ang mangyayari 'pag kumain ka ng prutas nang may laman ang tiyan. Sabi sa unang linya, "may laman ang tiyan", hindi "walang laman ang tiyan". Sino ba'ng nagsulat ng health reminder na 'to at nang mapabarang na.