Thursday, December 20, 2007

19 Disyembre 2007

Sabi ko, maaga akong magigising para maisoli ko ang aklat na hiniram ko sa reserve section sa main lib. Pero, maraming salamat kay Hanging Amihan, tanghali na akong nagkaulirat. Ligo. Check ng email. Inom ng Milo. Bihis. Bilis. Pumapatak ang metro. P2.50 yata kada oras ang multa ‘pag di naisoli sa oras ang aklat.

Mabilis pa sa alas kuwatrong nilipad ko ang UP (hindi ko pa nasisimulan ang pagsasanay sa teleportation). Nagtext si Joel, sarado raw ang main lib. Naknampating! Pa’no ang aklat? A, bahala na si Batman.

Nagkita kami ni Joel sa Sunken Garden. Lunch. Ang tahimik ng lalaking ‘to. Kulang na lang gawin kong clown ang sarili para lang magkaguhit naman ang noo’t pisngi niya. Lagi pang late reaction. Naalala ko tuloy ang android sa 2046 ni Wong Kar Wai.

Pagkatapos ng lunch namin ni kaibigang android, nagpunta ako sa SC para ipa-photocopy ang buong aklat. Opo, hindi uso sa akin ang intellectual property right. Sige lang nang sige sa pagre-reproduce ng mga aklat.

Umuwi ako para magpalit ng damit. Medyo may naaamoy kasi akong kakaiba sa katawan ko. Hapon na nang makabalik ako sa UP. Marami-rami na ring tao ang parang langgam na pagala-gala sa acad oval (hindi pala langgam, kasi, nakapila ang mga langgam). Hinintay ko ang ilang kaibigan para may kasabay akong manood ng Lantern Parade. Hindi kasi kumpleto ang okasyon ‘pag wala ang mga kaibigan. Ang Lantern Parade ay hindi lamang tungkol sa parada, mga parol, pakulo ng Fine Arts, at fireworks display. It’s all about friendship, too. Naks!

Nagkita-kita kami nina Ane, Quen (ang birthday boy), Hanzel, Noemi, at Badang sa Quezon Hall. Sumunod si Boogin. Nakita ko rin si Vin na nagpe-perform para sa Kontra-Gapi. Medyo dismayado kami dahil hindi sing-bongga ng mga parol dati ang ipinarada ng mga kolehiyo. Saving grace talaga ang FA. Ang kuwela at patok ng presentasyon nila. Ayos din si Sir Jovy bilang host. Walang dull moments ‘pag nagsalita na siya. Siyempre, ang inaabangan ng lahat, ang fireworks display. Para kaming batang first time makakita ng gano’ng putukan. Isa pang siyempre, hindi kumpleto ang okasyon nang walang komosyon mula sa mga tibak mula sa STAND-UP.

Humabol din sina Shiglyn at Pop. – Habang sinusulat ko ‘to, dumating ang landlady ko. Sanabagan! Invasion of private space. Ang daldal, sobra, walang kaparis. Nalulungkot daw siya kasi aalis na raw ang paborito niyang tenant (ako). At nagtsismis na naman ng kung anu-ano. Pati paninigarilyo ko, pinakialaman. – Dumiretso kami sa Sunken Garden para kumain. Bumabaha ng tao. Dumating din si Tina, Charm, at Xenya.

Nilalantakan ko ang inihaw na pusit nang gulatin ako ni Mark. Kasama niya sina Carlo at Babit, ang mga Charmed Ones ng B2B sa Peyups. Nando’n din si Jason/Jayson, first time kong na-meet. Ubo, ubo. Basta. Nakakatuwa silang kasama, lalo na si Mark.

At dahil birthday ni Quen, dumiretso kami sa boarding house sa Dagohoy. Sarap talaga ng cake, isa sa mga kahinaan ko. Di ko pa nakakalahati ang San Mig pale pilsen nang iwan ko na ang tropa at sunduin si Joel sa bahay nila. Nagpahinga ako sandali do’n habang pinapakinggan ang kokakan ng mga palaka. Bigla kong hinanap-hanap ang probinsiya. Pagkatapos, umuwi kami sa bahay.

Tuesday, December 11, 2007

Recap

Dec. 2 - Pagtugon sa pangangailangang seksuwal.

Dec. 3 - Imbes na pumasok ako sa klase ko sa MP 225 (Pagsusuri ng mga Textong Kritikal) at nakikinig sa pag-uulat ng ilang kaklase, ayun, um-attend ako ng launching ng aklat ni Mam Marot, ang "The Cattle Caravans of Ancient Caboloan". Bukod sa makaka-bonding ko ang ilang kaibigan, nakikini-kinita kong babaha ng pagkain pagkatapos ng launch. Tunay nga, naanod ako sa flash flood ng lechon, pinakbet, dinuguan, arroz caldo, puto't kutsinta, kakanin, atbp.

Ka-table ko si Wennie na naaliw sa juice na may buto (na sabi ko, parang itlog ng Undin), si Bebang na hyper na hyper na naman, Haids na diyeta-diyetahan daw, at ang FHM cover girl na si Jing. Nakisalo rin sa table namin si Sir Bomen na bagong-bago ang hairstyle (siyempre pa, walang pagsidlan ang kakiligan ng nagbabalik-puberty stage na si Wen), si Mam Jane Rodriguez kasama ang asawang si Sir Tatel na nawiwindang kung anong okasyon ang dinadaluhan, Sir George na to the max ang kakulitan, at isang babaeng di namin kilala.

Kinaladkad ko ang mga kaibigan palabas ng FC, baka kasi makita ako ng prof ko. Nagpunta kami sa mala-city of blinding lights na Quezon Hall. Picture-picture, ano pa. Natatawa kami kay Richard, ang male version ni Bebang. Extreme sa ka-hyperan. Nang mapagod sa pagpo-pose, pinag-usapan ang lecture sa Subic at Christmas Party.

Diretso kami sa Sarah's nang pagpatayan kami ng ilaw. Ano pa ang aasahan? Siyempre, budget cut, kailangang magtipid sa ilaw. At sa maniwala't hindi, may curfew po sa UP naming mahal. Nag-enjoy naman kami sa Sarah's nanlibre si Rita (na sana si Wen kasi birthday niya). Ang sarap ng isaw baboy, ang kapal-kapal ng tae. Yum!

Dec. 4 - Muling pagpapalaya sa seksuwal na katawan

Inuman ng konti sa Katips with Tina, Quen, Dit, Charm, Ads, Froze. Birthday ni Charm. Siyempre, nilantakan ko na naman ang ma-taeng isaw baboy.

Dec. 5 - Pumanaw si Sir Nick at Sir Rene. Kelan lang, pinag-uusapan namin na magsu-survive si Sir Rene dahil may sa-pusa ang taong 'yon. Paalam, hindi kayo mababaon sa limot!

Dec. 7 - Isa pang pagtugon sa pangangailangang seksuwal.

Nood ng "Enchanted" at "The Golden Compass" sa Megamall with Fernando aka Chyn aka Sky. Enjoy naman.

Palawan 2 later with Ruby, Deo and Levi. Sumakit ang paa ko sa kasasayaw. Parang hinataw ng baseball bat nang makauwi ako. namimintig.

Dec. 10 - Report ko sa MP 225 - Postmodernismo at isang sanay say ni Resil Mojares mula sa "house of Memories". Ayos naman, bibo-bibohan ako sa klase. Medyo na-comatose lang ako sa kadaldalan ni Zig. Matagal ko nang sinasabi, dapat matutunan ko ang teleportation. Si Rosmon, di pumasok.

Nagkita kami nina Quen at Cyrho sa Arcade. Gusto ni Cyrho, orderin ko ang it's-not-what-you-think para matikman din niya. 'Yoko ngang sumugal. Umorder na lang ako ng sizzling kabab. Alam ko namang di ako mahilig sa mga pagkaing amoy anghit, pero sige lang. Nando'n din si Sir Dodong Nemenzo. Di ba, may kasong rebelyon laban sa kanya? Nagpunta kami kay Oble pagkatapos pagmatikain ang labi ko. Picture-picture na naman. Umalis lang kami nang lapitan kami ng dalawang tanod at sabihing "Alas diyes na". 'Tangnang curfew!

Dec. 11 - Misa para kina Sir Nick at Sir Rene sa UP Chapel.

Kasama ko si Haids maghapon. Walang preno sa pagratatat ng mga kuwento ang kaibigan kong 'to. Walking information office talaga. Bumili na rin pala ako ng UP Centennial Planner. Mahirap na, baka maubusan ng suplay.

Excited ako sa klase namin kay Sir Jun sa MP 210 (Palihan 1: Kumbensiyon sa Iba't Ibang Anyong Pampanitikan). Akala ko kasi mag-ookrayan sa workshop. Tumawag na nga ako ng ambulansiya just in case na dumanak ang dugo sa katayan. Walang pasok. Suspended daw sabi ni Sir Jun dahil sa pagpili yata ng bagong Student Regent.

Nagpunta ako sa Dagohoy at nakinuod ng Princess Sarah at Amazing Race 12. Ayaw talaga sa akin ng baby ni Cyrho. Na-trauma yata nung nakalmot siya ng pusa dahil sa akin.

Humabol ako sa Conspiracy. As usual late na naman ako. Christmas Party ng LIRA. Andun si Sir Rio at Sir Joey na senglot na. Ang kulit ni Bebang. Ako rin, parang nakatira ng bato. Hyper sa pagpapa-picture.

Thursday, December 6, 2007

Huling Habilin Kapag Natepok ni Rene Villanueva

(Maraming salamat kay Richard na nag-upload ng ilang bahagi ng "Huling Habilin Kapag Natepok", panapos na kabanata ng (Im)Personal: Gabay sa Panulat at Pagmamanunulat ni Rene Villanueva)

...Ang gusto kong pagdadalamhati para sa akin. Ayoko ng mga nagpapalahaw sa iyakan. Ayoko ng grief na Charito Solis, iyongkailangan pa ng dalawang tao sa magkabilang kamay para mapatahimik;ang gusto ko'y paninimdim na kalamay, mala-Lolita Rodriguez.

Hindi rin kailangang magluksa sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit naitim o puti. Para hindi na gumastos pa. Tama na iyong kung anongdamit ang mayroon sila. Kahit bulaklakin o kulay-pula. Wala sa kulay ng damit ang pagluluksa, wika nga ni Fanny Garcia sa "Saan Darating ang Umaga?" Ang pagluluksa ay nasa puso, sa taimtim na panalangin namaging payapa sana sa kabilang-buhay ang kaluluwa ng pumanaw.

Gusto ko ng apat hanggang limang araw na lamayan. Sana ay maiburol ako kahit isang gabi lang sa UP Chapel. Sa lamayan sa UP, gusto kong alalahanin ako bilang tao: ama, kapatid, kaibigan at kakilala.

Kung ako ang masusunod, apat na magkakaibang programa sa lamayan, bago ang sa UP, ang gusto ko mairaos. Bawat gabi'y iba-iba ang tema: sa unang gabi, si Rene bilang guro; sa ikalawa, si Rene bilang mandudula o alagad ng teatro; sa ikatlo, si Rene bilang manunulat para sa mga bata. Gusto ko'y may pokus ang programa; para hindi malunod sa dalamhati ang mga makikiramay. Tiyaking hindi lamang mga big time at mga writer ang aanyayahang magsalita.

Kung may programang gagawin, dapat kasama si Edgar Ubales at si Dante ng PCTVF. Ayoko ng basahan ng tula; mas gusto ko ang straight talk.At ang pinakaaasam ko para sa huling gabi: sana'ymay isang gabi ng videookehan. Kantahan at kantiyawan. Wala nang pasenti-senti. Bawat isa ay pipili ng kantang dedicated sa akin siyempre. At ipapaliwanag ng kakanta kung bakit napili ang kantang iyon. Sa lamay, sana ay may malalaking notebook para maisulat ng mga makikiramay ang huling habilin nila sa akin at sa aking mga naulila, bukod sa rehistro ng mga dumalo sa burol. Ayoko ring bukas ang kabaong sa aking burol. Hind ko gustong dinudukwang-dukwang at sinisilip-silip ako habang nananahimik.

Natitiyak kong wala namang magbabago sa mukha ko para mapagbigyan ang curiosity ng ilan. Problema pa kung hindi maayos ang pagkaka-make-up sa akin. Ayokong magsuot ng barong sa burol ko. Gaya ni Mike, gusto kong ililibing nang karaniwan lang ang suot. Isang kumportableng pares ng damit; sana'y matingkad at masaya ang kulay: pula, orange o dilaw. Kung asul, powder blue. Kung kailangang magsapatos, tama na ang isa sa aking mga rubber shoes. Iyong ginagamit ko hanggang sa huling sandali.

Papunta sa sementeryo, sana ay patugtugin ang mga kanta mula sa Batibot. Kung may panahon o boluntaryo, maaaring ipaareglo ang funeral version ng theme song ng Batibot.

On a more serious note, sana'y maging okasyon ang pagyao ko para makapagtatag ng isang foundation. Pero ang gusto kong foundation ay iyong tutulong para sa training ng mga guro, facilitators, at resource person na ang gawain ay may kinalaman sa pagpapaunlad ng mga bata at kabataan. Trainors training ang gusto kong pokus ng foundation kung sakali. Mga bata at kabataan ang beneficiary, pero hindi direkta. Palagay ko, mas magiging mlakas ang impact atkontribusyon nito sa pagpapabuti ng buhay ng mga bata. At para masimulan ang pagtatayo ng foundation, maaaring singilin ang ilang tao na may utang sa akin. Iiwanan ko ang listahan sa isang kaibigan. Kailangan nilang magbayad kabilang ang interes. Bahala na ang mga opisyal ng ROV Foundation na magtakda kung magkano ang ipapataw na interes. Ang lahat ng ito'y napahiram ko sa pagitan ng 1999 at ng 2000.

Eniwey, ang lahat ng mga ito'y mga pangarap lamang.

Alam kong mahirap matupad, lalo kung wala na akong magagawa dahil nasa loob na ako ng kabaong. Huling hirit: Gusto kong mai-donate ang aking mga akda, lalo na ang mga draft sa UP Archives. Maraming salamat. At sa lahat, paalam!

Wednesday, December 5, 2007

Paalam, Sir Nick at Sir Rene

Nangilid ang luha ko nang mabalitaang pumanaw na si Sir Nick. Bigla ko tuloy naalala ang klase ko sa kanya sa Araling Pilipino. Maraming kaklase (hello, Flo!) ang naiinis sa akin dahil naka-uno ako sa klase samantalang kung hindi absent ay lagi akong late pumasok. Napaka-demokratiko ng paraan ng pagtuturo at talagang nakita ko ang passion niya sa buhay. Andami kong natutunan sa kanya, lalo na ang pagtatanong nang pagtatanong sa mga bagay-bagay.

'Pag nagkakasalubong kami dati, lagi niyang pinakukumusta ang kalagayan ng Isabela, lalo na ang mga dakila ngunit isinasantabing magsasaka. Nagsisimula kasi ang klase sa pagbabahagi ng mga balita. Ibinalita ko ang pagkapanalo ni Grace Padaca bilang gobernador laban sa mga naghaharing Dy sa probinsiya. Bali-balita kasing sinuportahan siya ng NPA. Dito marahil natuwa si Sir Nick. Simula noon, lagi siyang nagtatanong sa akin tungkol sa mga nagaganap sa Isabela.

Kanina, hinalukay ko ang folder niya sa Yahoo Mail ko. Hindi ko na napigil ang luha ko. Sabi sa akin ni Sir pagkatapos kong isabmit ang isang reaksyon tungkol sa bunga ng pakikianib ng Pilipinas sa Coalition of the Willing:

Magandang umaga. Maraming salamat sa iyong tumatananaw sa
malayo,naninidigan para sa soberanyang Pilipino at Iraqi,
tunay ngang mapagmasid at mapanuri. Binibigyan ito ng karampatang
ebalwasyon; mas mainam na makapagdala ka ng kopya sa klase,
para sa isang pagkakataon ay mabigyan natin ito ng pansin
at maibahagi mo mismo sa iyong mga kamag-aral. Inaasahan ko ang
iyong pagpapatuloy,

Sumasaiyo,

Sir

-------------------

Ito naman ang sinabi niya sa akin nang mapadalas ang pagliban ko sa klase at nang ibahagi ko sa kanya ang saloobin ko tungkol sa pelikulang "Insiang" ni Lino Brocka:

Magandang umaga. Mainam na nagpapatuloy ka ng pagbabasa mo,
laluna sa Noli; ituloy mo na ang pagkilala ke Tasyo, Elias,
Don Filipo, Salome,Sinang, Sisa at Crispin at Basilio,
Padre Salvi at Sakristan Mayor.

Tungkol sa ugnayan ng ideolohiyang pambansa-demokratiko
at ideolohiya ng direktor o ng pelikula, ipagpatuloy mo
ang pagsuri mo. Para sa iyong kapakinabangan, maaari mong
tingnan ang libro kong KILUSANG PAMBANSA-DEMOKRATIKO
SA WIKA,na sa isang banda ay nagpapaliwanag kung ano
ang kilusang iyong tinukoy; oo, nasa Silabus nyo ito,
at babasahing nakakonteksto sa Unang Kilusang Propaganda
nina Rizal, del Pilar at Jaena, at sa Ikalawang Kiusang
Propaganda ng mga kabataan at estudyante ng dekada sisenta
at sitenta; syempre repleksyon din ito ng pagpapatuloy ng
Himagsikang 1896, at paglagpas dito, ng kasalukuyang
rebolusyong bayan. (Isa lamang itong daan ng pag-unawa;
ikaw ang makakatuklas ng kasagutan sa iyong katanungan!)

Hanggang sa muli,

Sir

P.S. Napaka-sexist mo yata sa pagtawag mo kay Insiang ng "scheming
bitch"!

Hindi man niya batid, isa si Sir Nick sa mga tinitingala kong guro sa Unibersidad. Tunay na inspirasyon. 'Wag kang mag-alala, Sir, magpapatuloy ang iyong nasimulan.

-----------

Nalungkot din ako nang makatanggap ng text message na yumao na si Sir Rene, ilang oras bago pumanaw si Sir Nick. Noong isang araw lang, pinag-uusapan namin ng ilang kaklase ang pagiging okrayista ni Sir Rene at ang kalbaryong pagdadaanan namin kung sakaling maging guro namin siya sa pagsulat. Isang malaking kawalan sa panitikan ng Pilipinas ang pagpanaw ni Sir Rene. Sa mga laking Batibot, ipagdasal natin ang kaluluwa niya.

Paalam, Sir Nick at Sir Rene.