Naramdaman ko si Bagyong Frank kaninang madaling araw. Bumangon ako't binuksan ang pintuan ng apartment. Pinakinggan ko ang pagsipol ng hangin at dinama ang malamig na talsik ng ulan. Excited na akong mag-umaga at nang makagala na.
Kung ang iba'y naglalagi sa kani-kanilang bahay pag may bagyo, ako, nagbibihis para lumabas. Parang 'yong karakter sa isang kuwento ni Murakami. Pero di naman ako gano'n ka-weirdo. Siya kasi, pag bumabagyo, nagpupunta sa zoo. Ako naman, gusto ko lang gumala kung saan-saan. Ang sarap kasi ng pakiramdam nang itinutulak ka ng hangin at sinasampal ng ulan.
Pareho kami ni Kuya. No'ng bata kami, sarap na sarap kami sa panonood ng mga lumilipad na sanga, mga puno ng niyog na halos mayuko na sa hagupit ng hangin, mga bubong na natutuklap, mga poste ng kuryenteng nagsisidapaan sa mga kalye. Parang Pasko sa amin 'pag bumabagyo. Matatangay na nga ang bubong ng bahay namin, tuwang-tuwa pa rin kami sa pagbibilang ng mga yerong dumadausdos sa daanan.
Nagtext si Kuya kanina. Tinatanong kung malakas daw ba ang bagyo dito sa Manila. Sabi ko, oo, sobrang lakas. Para mainggit siya. No'ng bagyong Reming (di ako sure kung 'yon nga 'yon), nainggit ako kay Kuya kasi ikinuwento niya kung paanong muntik nang magiba ang bahay namin.
Alam ko, maraming magagalit sa akin, lalung-lalo na ang mga nawalan ng bahay at namatayan, pero buhay na buhay talaga ako 'pag bumabagyo.