Monday, February 2, 2009

Sa Joy, Tunaw ang Sebo!

Kanina lang niya sinimulang uminom ng diet pills. Diet pills na nagpapatuyo ng lalamunan. Para laging mauhaw. Para dumalas ang pag-inom ng tubig. Para madaling mabusog. Para mawala ang appetite sa pagkain ng paboritong shawarma rice with matching ham and egg. Para laging lumobo ang pantog. Para maya’t maya, umiihi. Para tayo nang tayo. Para lakad nang lakad papuntang CR na 25 metro ang layo sa kinauupuan. Para ma-burn ang unwanted fats. Para mawala ang umaalog-alog na bilbil sa tiyan na nagkapatung-patong, salamat sa Pasko at Bagong Taon. Para lumiit ang brasong dati’y singkartada ng kay Beyonce na ngayo’y mukhang higanteng brazo de mercedes. Para lumitaw ang matagal nang nagtatagong collar bones. Para maging muling maging kasipol-sipol ang legs na ginagapangan na ng varicose veins at cellulites.

Para makapagsuot na ng two-piece swimsuit sa beach. Para ma-discover at maisakatuparan ang pangarap na maging commercial model. Para mai-display sa mga billboard sa kahabaan ng EDSA ang 35-23-35 na katawan. Para maibenta ang mga produktong pampapayat/ pampaganda/ pampalasing/ pampalibog sa mga taong umiidilo sa kanya at hanga sa kanyang success story. Para lapitan ng mga bossing sa film industry. Para maging isang sikat na artista. Para makapareha si Piolo. Para mapangasawa si Piolo. Para makagawa ng maraming-maraming pelikula. Para maging Diamond Mega Superstar of all Season (Di lang Star of the New Decade).

Para masabi ang “Di kita kilala!” sa mga taong ngumudngod sa kanya sa putikan. Para tirahin at siraan ng press. Para maubos ang movie at commercial offer. Para iwanan ni Piolo. Para ma-depress. Para kumain nang kumain ng shawarma rice with ham and egg. Para bumilog ang mukha. Para mawala ang leeg at magtago ang collar bone. Para kumain pa ng maraming-maraming pagkaing nag-uumapaw sa transfat. Para maging mala-troso ang hita’t binti. Para muling katakutan ang brasong sinlaki ng paa ng elepante. Para mabalutan ng taba ang puso. Para mamatay.

Pero sa ngayon, tiis muna sa maya’t mayang pag-inom ng tubig at pag-ihi. (Ang payo ko, maligo ng Joy dishwashing liquid para tunaw ang sebo. Guaranteed!)