Sa panahon ng globalisasyon, ang layunin ng mga kompanyang multinasyunal ay makipagsabayan sa kompetisyon upang mapanatiling buhay ang kanilang negosyo. Isa sa mga paraan upang magkamal ng tubo ang mga kompanyang ito ang sistemang subcontracting. Sa kabuuan, mapangbansot ang sistemang ito sa panig ng mga manggagawa – ang isang pares ng sapatos na ibinenta ng 80 dolyar sa isang mall sa Amerika ay maaring gawa ng isang manggagawa sa Pilipinas na ang kinita lamang ay kulang-kulang isang dolyar. Sa kalakarang ito, mas dehado ang mga kababaihang manggagawa dahil, bukod sa suliranin ng kita, nahaharap din sila sa mga isyung may kaugnayan sa kasarian.
Sa sistemang aubcontracting, sobra-sobrang tubo ang nakakamal ng kompanyang multinasyunal, samantalang kakarampot ang kinikita ng manggagawa. Bukod sa napakababang kita na hindi aabot sa minimum na isinasaad sa batas, nahaharap din sila sa mga sumusunod na problema: iregularidad ng kanilang trabaho, hindi mainam na kondisyon sa paggawa, at kawalan ng benepisyo at kaseguruhang panlipunan. Ang mga suliraning ito ay lalo lamang nagpapabigat sa mga dati nang suliranin ng mga kababaihang manggagawa sa bahay – sapagkat tinitingnang pangsuplemento lang ang kanilang kinikita, nasasadlak sila sa mga gawaing paulit-ulit, nakakainip at sobrang mabusisi; at sa kanila rin iniaatang ang pag-aalaga sa kanilang mga anak at paggawa ng mga gawaing pambahay tulad ng pagluluto, paglalaba, at iba pa. Tunay na mardyinalisadong grupo ang mga manggagawa sa bahay:
[Ang mga kababaihang manggagawa sa bahay] ay isinasantabi bilang sektor ng lakas paggawa dahil hindi nakikita, hindi naririnig, at ni hindi nakukuwenta; mistulang kolonya hindi lamang ng imperyalistang negosyo, kundi pati na ng kapitalistang kabalat at ng kalalakihang nakikinabang sa kanilang trabaho at seksuwalidad. Sila ay naapi dahil sa kanilang kabansaan, uri, at kasarian. (11)
Inilahad din ni Ofreneo ang mga isyung kinaharap niya sa proseso ng pananaliksik tulad ng isyu ng pagsesentro sa mga subheto, pagtitimbang ng relasyon sa pagitan ng mananaliksik at ng mga kababaihang manggagawa sa bahay, at pag-igpaw sa agwat na namamagitan sa mananaliksik at sa paksa ng kanyang pag-aaral. Sa proseso ng pananaliksik, tinangka ni Ofreneo na buwagin ang hirarkiya sa pagitan niya at ng mga kasangkot. Ang mga manggagawa sa bahay ay naging mananaliksik din. Isang malaking kaibhan mula sa mga naunang kahalintulad na pananalaiksik ang pakikibahagi ng mga kabaihang manggagawa sa kolektibong pagsusuri at interpretasyon ng kanilang sariling kuwentong buhay at ng mga kinasapitan ng pananaliksik.
Sa pamamagitan ng kuwentong buhay, napalilitaw at nabibigyang-ngalan ang kasaysayan, kabuluhan, at kahulugan ng mga manggagawa sa bahay. Kaiba ang kuwentong buhay sa iba pang uri ng pasalaysay na teksto dahil hinuhusgahan ng nagkukuwento ang mga pangyayaring kanyang isinasalaysay. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga pananaw nila sa mga pangyayari sa kanilang buhay, at kung paano sila kumikilos sa kanilang paligid, nagkakaroon ng mas malawak at malalim na pag-unawa tungkol sa paghubog ng kanilang pagkatao at ng lipunang kanilang ginagalawan. Ang kuwentong buhay ay isang teksto na nagbubukas ng espasyong pandiskurso para sa mga kaalamang mula sa ilalim, o mula sa mga kababaihang manggagawa sa bahay.