Thursday, July 31, 2008

Kung Bakit Single pa rin Ako Hanggang ngayon



Ipinaglihi yata ako sa silent film. O sa naka-mute mode na TV. Ewan, di lang talaga ako masalita. Dito nga sa opisina, "Mar the Monk" ang tawag sa akin. Bukod kasi sa mas madalang pa sa pag-ikot ng mundo sa araw kung magsalita ako, di ako tumitinag sa pagkakaupo ko. Lotus position. Aayain nla akong kumain, tatango lang ako. Yosi raw, ngingiti lang ako. Para akong nagme-meditate sa harap ng computer.

Oo nga no, ang tahimik ko talaga. Sa isang araw, ito lang ang lumalabas sa bibig ko: "Bayad po." "Para ho." "Shaw". "Hello". "Una na kayo, sunod na lang ako." "Di pa ako gutom." 'North Ave." "Bayad po." Pero nababahala rin naman ako minsan. Baka tuluyan na kasi akong mawalan ng salita. Kaya 'yon, thinking aloud mode ako kung minsan. Parang drama sa radyo: "A, manonood pala ako ng TV." "Um, buti nga sa 'yo." "Huhugasan ko na ang mga gulay." "Ang init, mabuksan nga ang bintana." "Tangina ang tanga ko."

'Yan.


Wala talaga akong ka-talent-talent sa pagiging chummy. 'Yong iba, jusko, wala pang isang segundong magkakilala, sobrang close na sa isa't isa. Nakakapagkuwentuhan na tungkol sa sex life, love life, family life at kung anu-ano pang life. Samantalang ako, hanggang hi-hello lang. Kahit ilang taon na kaming magkakilala.


Allergic ako sa mga roommate/housemate. Kaya nga nagsosolo ako sa bahay ngayon. Ayokong nagpapasakop sa rules ng iba. Ang gusto ko, may sarili akong rules na sinusunod at sinisira. At least walang mangengelam sa 'kin kung gagawin kong sampayan ng brief ang electric fan. O kung amagin ang mga plato't kutsara sa lababo. At least di rin ako mag-a-a la Incredible Hulk kung may manggugulo sa pagkakaayos ng mga DVD ko o kung may manlulukot ng mga libro ko.


No'ng bata ako (hanggang ngayon), 'pag may reunion ang angkan (haha. tunog-mayaman) namin, kulang na lang ay hilahin ako ng mga kamag-anak palapit sa kanila. Para lang makausap nila ako. E, bakit ba? Enjoy akong magbasa ng libro sa may library area, e. Paborito ko no'n 'yong libro tungkol sa mga halamang gamot at sa human anatomy.


Concerned ang isang kaibigan. Naba-bother yata sa "mental illness" ko. Sabi niya, mag-reach out naman daw ako. Maging friendly raw ako. Sabi ko naman, "Oo, magri-reach out ako 'pag me kelangan ako sa kanila." Bawas-bawasan ko rin daw ang pagsimangot, kasi nagmumukha raw akong masungit. Ako, masungit? Di naman ako kumakain ng tao. Ay lumalamon pala ako ng tanga.

Meron akong classmate sa college, nakita raw niya ako sa MRT. Sabi niya, di na raw niya ako tinawag. Para raw kasing ang sungit ng mukha ko. Baka supladuhan ko lang daw siya. Di ako nagsusungit no'n, naiirita lang ako dahil maraming pawisang balat ang kumikiskis sa balat ko. At ayaw na ayaw kong may taong humihinga sa batok ko.


Aswang ang tawag sa 'kin ng kuya ko't mga kapitbahay. Pag-umuuwi kasi ako sa probinsiya, never akong lumalabas ng bahay. Si Papa na ang nag-iimbita ng mga bisita sa bahay para lang makita ako.


Tuesday, July 29, 2008

Eureka



Kaninang nagyoyosi ako sa tabi ng pool, naisip ko, bakit ko ikinukulong ang sarili sa kalungkutan? (Pasensiya na, tao lang. May karapatan din akong magsenti. Ipabaranggay n'yo ako o gumawa kayo ng formal letter of complaint kung kokontrahin n'yo 'ko - matatalo kayo, sayang ang bayad sa notaryo publiko.)

'Yon nga, senti mode ako kanina. Ito 'yong isa sa mga panahon na bigla-bigla, may nare-realize ka na lang. Parang si Archimedes lang. Buti na lang at di ako nadala masyado. Baka naghubad ako at tumalon sa pool. Pagkatapos ay magtatatakbo dito sa Ortigas habang sumisigaw ng "Eureka!"

Parang pelikulang Pinoy rin kung sa'n nakatunganga ang bida sa tapat ng bintana, pinagmamasdan ang mga nagkikislapang bituing natatabunan ng mga ulap, at saka lilitanya ng: "Bukas, luluhod ang mga tala." Sa totoo lang, panghapong drama sa radyo ang kalibre ng paglilimi ko kanina. Hinintay ko rin ang pagbuhos ng ulan para kumpleto ang melodrama. Pero hiniling ko rin na 'wag na. Baka kasi palamunin na naman ako ng propesor ko sa pagsulat ng mga salitang mas maanghang pa sa siling labuyo.

Ta's eto pa, dinig na dinig ko ang "Just Like a Pill" ni Pink na ipinatutugtog ni Ate Serbidora sa pantry. At himala, di ako nalungkot. Di pumasok sa isip ko 'yong karaniwang naglalaro sa utak ko 'pag nakakarinig ng gano'ng kanta. Ang inisip ko na lang, makulay ang buhay. Parang si Pink, pink ang buhok (ewan ko lang ngayon kung flaming pink pa rin).

Tama. Makulay ang buhay. Di lang sa meaty ginisang gulay. Makulay din 'to sa Red Horse, sa Nescafe 3-in-1 at sa Milo.

Sabayan pa ng malamig na hanging umaakap sa katawan ko (Pucha, so cliche. Didiinan ko lang, may karapatan akong magpaka-cliche. Tingnan ang unang talata!). Malapit na'ng pasko. Buti na lang nakabili na ako ng bagong jacket. A, nakabili na rin pala ako ng supply ng pagkain. Opo, matapos ang dalawang buwang nakikiamoy lang ako ng adobo at fried chicken ng kapitbahay para mabusog, eto ako ngayo't pamirye-miryenda na lang ng Big Mac at spaghetti.

Ewan ko, pero para akong nasa Cloud 9. Kahit na sawi ako sa pag-ibig (Oy, alam ko na'ng iniisip n'yo. 'Wag nang ituloy.), parang ayos na 'ko. Di pa naman ganap na ayos, pero malapit na. Di ko na itutuloy ang mga iskema ko. Bahala na ang Diyos sa 'kin at sa kanya (Sa mga panahong ganito, naniniwala akong may Diyos.).

So 'yon. 'Pag may nabalitaan kayong lalaking basang-basang at hubo't hubad na nagsisisigaw ng "Eureka!" sa may Pearl Drive sa Ortigas...

Wednesday, July 23, 2008

Walaaaaaang....Tulugaaaaaan!



No'ng paraket-raket lang ako, inaabot ng 12 oras ang tulog ko. 'Pag nagising ako, para akong patay na palakang matagal nang nakababad sa tubig. At tadtad ng pillow mark ang mukha't katawan ko. Tapos bubuksan ko ang PC at makikipagchat hanggang sa sumpungin ako ng migraine at mapudpod ang mga daliri. 'Pag napagod, lalamon. Pagkatapos, nood ng TV. 'Pag nabagot, magtatrabaho. Ang sarap namnamin ng buhay.

Pero ngayon, halos wala na akong tulog. Daig ko na si german Moreno, puwera siyempre ang kanyang costume. Siya lang ang kayang magdala ng haute couture na 'yon. Wala nang iba.

So yun, mahigit 24 oras na akong walang tulog.

9:00pm - 6:00am - Trabaho. Nasabi ko na sa naunang blog ko na di puwedeng matulog sa trabaho kahit tapos na ang lahat nang dapat tapusin (usually, tapos na ako, 2am pa lang). May multa 'pag nahuli kang tulog. Parang no'ng elementary, may multang beintesingko 'pag maingay/pasaway/natutulog. E, 'yong project manager namin, sa mismong likuran ko lang nakapuwesto. Pati 'tong pagsulat ko ng blog, extra challenge.

6:01am - 7:45 am - Masarap maglakad sa umaga. Sunrise + yosi - tao = bliss.

7:46am - 11:00am - Dahil kelangan ko ng pera - ayoko na ng love life, malas ako dito (at gustuhin ko mang makipagkangkangan, wala na, nakalimutan ko na kung pa'na malibugan), kelangan kong mag-sideline. 45-page paper ang pinapagawa sa akin. tungkol sa epekto ng national culture sa international merger and acquisition. Two weeks ago pa binigay sa 'kin 'to at ngayon na ang deadline, pero ni tuldok, wala pa akong naisusulat. Humingi na lang ako ng extension.

11:01am - 12:45pm - Ni-revise ko yung kuwentong isa-submit ko maya-maya sa klase. Di ko na sasabihin sa inyo, baka marami ang mamili ng kamatis sa palengke at ibato sa akin.

12:46pm - 1:25pm - Ligo at bihis. Di na ako nag-shampoo at nag-Master Eskinol, ubos na kasi at wala pa akong pambili.

2:00pm - 5:00pm - Klase. Pagsulat ng Eksperimental/Postmodern na Akda. Halos mapunit na ang bunganga ko sa kahihikab. As usual, nasampulan na naman kami ng matalas na dila ni Mang Jun: "'Wag na 'wag kayong magpapa-impress sa akin. Di uubra 'yan." "Alam mo, 'wag ka na lang magsulat. pinahihirapan mo lang sarili mo." "Pasalamat kayo't pinagtitiyagaan kong basahin ang mga kuwento ninyo." Sabi ba naman niya sa isa kong kaklase: "Baka naman kasi mababa lang talaga ang IQ mo kaya di mo naintindihan ang readings?" Harsh. Pero I love it!

5:01pm - 8:32pm - Umuwi sa bahay. Nagluto. Kumain. Nag-toothbrush. Naligo (di na masyadong nagsabon kasi paubos na ang Belo whitening soap). Nagbihis. Pumasok sa trabaho.

8:33pm - 4:45am (ngayon) - Alas dos pa lang, tapos na ako. Kaya patayan na naman sa pakikipaglaban kay Inip.

'Yan, bangag-bangag na ako. Kung anu-ano na ang naiisip ko. Nagsisimula na yatang mag-malfunction ang utak ko.

'Wag kayong aalis, babalik agad ang...Batibot!

Sunday, July 20, 2008

Pero Eto Ako Ngayo't Jumejebs ng mga Salita


Isang linggo na akong naglilimlim ng itlog, pero wala pa ring nangyayari. Gusto kong maging high-quality (kung di man for export) ang itlog. Gusto kong pasarapin nito ang sopas o tortang talong o lahat ng -silog sa mga turo-turo. 'Yong tipong makakaramdam ng langit (mas gusto ko ang impiyerno) ang sinumang makakain sa pinaghirapan kong limliman.

Inilabas ko na ang lahat ng init sa katawan at utak ko, pero mukhang magiging bugok ang itlog. Nagkulang ba ako sa sustansiya? Naging pabaya ba akong mangingitlog? O, baka kulang lang talaga ako sa init - dahil sa lumulubog-lumilitaw na inspirasyon?

------

Dagdag: Ang tanga ko. Haha! Inedit ko na. Di ko sasabihin kung ano'ng inconsistency 'yon. Haha!


Saturday, July 19, 2008

Seppuku


Magtatatlong linggo na ako sa trabaho. Ayos naman. Nag-a-adjust pa rin. 'Yon nga lang, di ko talaga kayang labanan ang pagkainip. Nagfa-flash talaga sa harap ko ang salitang INIP. Pa'no kasi, 2am pa lang, tapos na ako sa mga ginagawa ko. E, 6am pa ang end ng shift. Gustuhin ko mang matulog, bawal. Kulang na lang, lagyan ko ng tungkod ang talukap ng mga mata ko. Di naman ako puwedeng uminom ng kape, na nagapahilo at nagpapasuka sa akin. Pamatay talaga. Para akong nasa isang emergency room. Comatose.

Mabuti na lang at puwedeng lumabas kahit anong oras. Ayun, para akong kapreng nananabako sa gilid ng swimming pool. Mas gusto ko 'yong ako lang ang mag-isa. Solo ko ang lugar. Para makapag-emote na rin (minsan kasi ang sarap lang ng feeling na nag-eemote ka). Pero minsan, natitiyempuhan ko rin dun 'yong isang barkada. Iritang-irita ako sa tinis ng pagtawa ng babaeng feeling close sa akin no'ng unang araw (gabi) ko sa trabaho. I-add ko raw siya sa Friendster o sa Facebook. Lukaret. Ang sarap hugutin ng ngalangala at lunurin sa pool.

Hanggang ngayon, wala pa rin akong nakakausap sa team namin. Hanggang hi-hello lang kami. Walang progress. Gano'n pala 'yon. Paminsan-minsan, naghahanap ka rin ng makakausap para pumatay ng oras. Pero ayos lang, sanay na ako do'n. A, no'ng Biyernes pala, nakakuwentuhan ko 'yong isang babae sa team namin. So far, siya pa lang ang nakikita kong may sense of humor (e kasi siya pa lang naman ang nakakakuwentuhan ko talaga). Ang pinagkuwentuhan namin: SEPPUKU.

--------

Sa mga gusto akong i-psychoanalyze, nagkakamali kayo ng pagbasa. hahaha.

Saturday, July 12, 2008

Linda Linda Linda


Panahon na naman ng Eiga Sai. No'ng nabasa ko'ng synopsis ng "Linda Linda Linda", sabi ko, mapanood nga. Mukhang light comedy at di 'yong typical mindfuck Japanese films.

Inaantok ako no'ng unang 10 minuto. Dala siguro ng sobrang pagod. Halos sumadsad na kasi sa sahig ang dila ko sa kamamadaling makarating sa Shangri-La.

So, balik tayo sa pelikula. 'Yon nga, inantok ako sa umpisa. Di ko kasi masundan kasi andaming pangalang sinasabi. Iniisip ko, sino sa kanila si Linda? Saka ko lang nalaman na pamagat pala 'yon ng kanta ng Japanese punk band na blue Hearts.

Tungkol 'to sa isang all-girl high school band na naghahanap ng bagong bokalista. Napakatipikal ng kuwento. Pero wala akong panahong magpaka-intelektuwal no'ng pinapanood ko 'to. Basta ang alam ko, napatawa niya ako. Solb na ako do'n. Solb na solb, sa totoo lang.

Pinakagusto kong eksena 'yong nag-meet si Son at 'yong secret admirer niya sa equipment room. Halong kilig at tawa at inis at awa.

Andito si Noriko ng "Battle Royale" at 'yong isang artista sa "Sympathy for Mr. Vengeance".

Para akong niregaluhan ng dalawang suntok sa tiyan matapos kong panoorin to. Nawala ang pagod ko. No'ng naglalakad nga ako papasok sa trabaho, na-LSS ako sa kanta.

Linda Lindaaaaaa...Linda Linda Lindaaaaaa-ha...Linda Lindaaaaaa...

Wednesday, July 9, 2008

And We Sold the Rain

Natalo kami sa pustahan namin kay Sir Jun. Ang pustahan, 'pag naintindihan daw namin ang kuwentong "And We Sold the Rain" ni Carmen Naranjo, ililibre daw namin siya ng Red Horse. 'Pag di naman, kami ang manlilibre. 'Yon na nga, di raw namin naintindihan. Umaatikabong Sarah's na naman ;to. Hahaha!

-----------

Pangatlong araw (gabi) ko sa trabaho ngayon. Medyo nag-aadjust pa. At medyo, umiiral ang pagiging tanga ko. Pero nakakatuwa naman at nagugustuhan ng kliyente ang mga gawa ko. So yun, 16 minuto na lang at makakalis na rin akong office. Mukhang mata ng lasing na kasi ang mga mata ko.

-----------

And we sold the rain. Hahahaha!