Saturday, May 31, 2008

Till Death Do Us Part

Originally uploaded by Edgewood


Gustung-gusto kong nagpupunta sa mga kasalan. Pero bago magtaas ng kilay ang ilang kakilala, ikaklaro ko lang, di pa rin ako naniniwala sa kasal. Nagpupunta ako sa mga kasalan para masaksihan ang reaction ng ikakasal at ng mga kamag-anak at kaibigan nila sa “till death do us part” portion ng seremonya. Excited ang mga ikinakasal. Maluha-luha ang mga magulang dahil mahihiwalay na sa kanila ang pinakamamahal na anak. Ang iba’y natutunaw sa romantic feel ng wedding vow na ‘yon. Ang iba’y nakangiti, nakatanaw sa magandang hinaharap ng dalawang bida.

First time kong makapunta sa isang kasalan sa huwes, sa Quezon City Hall. Siyempre, curious ako kung ano ang kaibhan nito sa kasalan sa simbahan. Medyo natakot ako no’ng papunta na ako sa korte. May nadaanan kasi akong isang hilera ng mga preso na nakaupo, nakaposas ang mga kamay. Mukha naman silang harmless, pero natakot ako sa thought na baka bigla na lang nila akong daluhungin.

Sa kasalan sa proper.

Judge (May tono ng pagdududa): Sigurado ba kayong gusto ninyong magpakasal?

Ikakasal (Natatawa): Sigurado po.

Judge (Kontrabida mode): May panahon pa para mag-back out. Wala bang sinuhulan sa inyo para magpakasal? Wala bang nanutok ng baril.

Tawanan kaming lahat.

Judge (Ngingiti-ngiti): Tatawa-tawa kayo d’yan, seryoso ‘to.

Talon na tayo sa “till death do us part”. Natawa ang judge sa reaction ng ikinakasal. Sabi niya: “O, bakit bigla kayong nagmukhang seryoso? Kanina lang, ang saya-saya ninyo.” Ang lakas ng tawanan ng mga tao sa korte.

Ako, nakangisi. Bukod sa excited na akong matapos ang ritwal at nang makain na ang bunduk-bundok na handa, naglalaro sa isip ko ‘yong naghihintay na buhay para sa ikakasal. Isang seryosong sentensiya para sa akin ang: “To have and to hold, from this day forward, for better, for worse, for richer, for poorer, in sickness or in health, to love and to cherish 'till death do us part. And hereto I pledge you my faithfulness.”

Nakakapanindig-balahibo. Imagine, habambuhay akong nakakulong sa isang kontrata. Pa’no ‘pag di ko na mahal ang pinakasalan ko? Pa’no ‘pag na-inlove ako sa iba? Di naman puwedeng mag-breach of contract, kundi lagot ako sa batas at sa mapanuring mata ng mga tao sa lipunan. Kung idadaan naman sa legal na proseso, kelangan kong ihanda ang bank account ko (kung meron man).

Di ko na iisa-isahi kung bakit kinikilabutan ako ‘pag naririnig ko ang “till death do us part”. Tingnan niyo na lang ang mga mag-asawa ninyong kapitbahay o kaibigan.

Friday, May 30, 2008

Iyakin

Nabanggit ko sa isang blog entry na di ako iyakin. Ang totoo n'yan, iyakin ako no'ng bata ako. Di naman talaga iyakin, medyo mababaw lang ang luha ko no'n. Lalo na 'pag nanonood ng mga nakakaiyak na pelikula. Naiyak ako sa "Hihintayin kita sa Langit" at "Land Before Time". At opo, pati sa "Conan the Barbarian". Ewan ko kung bakit. Baka nasindak lang ako sa mga ugat sa masel ni Arnold Schwarzenegger.

E, ayokong nakikita akong umiiyak no'n. Ang ginagawa ko, 'pag malapit nang tumulo ang luha ko, kunwari iihi lang ako sa labas ng bahay. Tapos do'n ko na pupunasan ang luha. E, ang mga pinsan kong asar, minsan sinundan ako. Ayun, buking. Asar-talo tuloy ako sa kanila.

Ang huling nagpaiyak sa akin ay ang "The Kite Runner" at ang all-time favorite kong "Eternal Sunshine of the Spotless Mind". Milyong beses ko nang pinapanood 'to, pero hanggang ngayon, di ko pa ring mapigilang maluha sa kuwento nina Joel at Clementine.

ANg mga kaibigan ko, mabababaw ang luha. Si Mako, ay, ito ang numero uno sa iyakan. Ang lakas ng mga hikbi niya no'ng nanood kami ng "Kung ako na lang Sana" sa Megamall". Hanggang ngayon, feeling ko, di pa rin siya maka-get over sa "Grave of the Fireflies" at "Dancer in the Dark". Si Queenie, sinabi niya sa aking natuyuan daw siya ng luha sa "Evita" ni Madonna. Si Anne Marie, walang babala, bigla na lang naiyak sa pinapanood naming Thai comedy na may pamagat na "Metrosexual".

Pero ngayon, di na ako masyadong naiiyak sa mga pelikula. Lalo na sa mga melodramang dinadrama pa. 'Yong mga tipo ng pelikulang iniiyakan ko no'ng bata ako, tinatawanan ko na lang ngayon.

Tuesday, May 27, 2008

May Aaminin Ako (This is It!)

O siya, aaminin na ako. nang matapos na ang mga bulung-bulungan. Matagal ko nang itinatago ito. Well, di naman talaga 'to sikreto sa ilang kaibigan at kakilala.

Opo, fan ako ng "Lobo" ni Angel Locsin.

Ang ganda ng episode kanina. Umamin na si Lyka kanina, sa harap ng mga Puti at Itim na Waya, na siya ang Huling Bantay. Parating na kasi ang ikatlong signos, ang paglitaw ng Pulang Buwan. 'Pag dumating kasi ang oras na 'to, mamamatay ang lahat ng angkan ng mga Waya. At si Lyka lang ang makapipigil dito.

'Yun nga lang, kelangan niyang makuha ang Bato ng Remus. Di siya nagtagumpay no'ng una dahil di pa siya handa. Pero no'ng naglitanya siya sa harap nina Timmy Cruz (All together now: "I love you boy, kung alam mo lang...") at Pilar Pilapil (as the super hot septuagenarian Lady Elle), lumabas ang lobo sa painting at naging bato at lumipad nang lumipad nang lumipad papunta kina Lyka, sa sementeryo.

Excited na ako sa episode bukas.

Sunday, May 25, 2008

Bugbugan, Iyakan, Hiwalayan

Uunahan ko na kayo. Hindi 'to tungkol sa akin. Una, di ako bayolenteng tao (pero nagiging Hulk Hogan din minsan lalo na kung gutom na gutom na at malata ang kanin). Pangalawa, di ako iyakin. Huling umiyak ako nang mauntog ang noo ko sa edge ng mesa. A, meron pa palang mas recent. Kung ano 'yon, di ko na sasabihin. Pangatlo, di naman uso sa akin ang rela-relasyon kaya walang hiwalayang nangyari.

Balik tayo sa pamagat ng blog entry. Tungkol to sa kapitbahay kong mag-asawa. Actually, sa mahigit isang taon kong pagkukulong ko sa lungga ko, di ko pa sila nakikita. Pero may tenga naman ako at sapat na ang mga naririnig ko para gawin silang bida sa entry na 'to.

Bugbugan.

'Pag nakakarinig ako ng kalampagan at sigawan, alam ko na ang nangyayari. Walang pinipiling oras ang giyerahan ng mag-asawang 'to. 'Pag umaatikabo na ang aksiyon, 'pag nagkakabasagan na ng mga plato at 'pag nagkakabalibagan na ng katawan, pinapatay ko ang ilaw sa unit ko at nag-uusyoso sa may bintana. Di ko alam talaga kung ano ang problema nila, pero sa palagay ko, may ibang babae si lalaki.

Gusto kong makialam, pero parang ayaw ko rin. Minsan, di ako nakatiis. Kachat ko no'n ang kaibigang si Bebang, dating co-anchor sa programang Pag-ibig, Seksuwalidad at Relasyon sa DZME 1530 khz. Sabi niya, kung ayaw ko raw tumawag sa kinauukulan, siya raw ang gagawa. Sabi ko, ayos lang, basta 'wag niyang ibibigay ang pangalan ko. tatawag na sana siya nang tumigil ang bugbugan. Sabi ko, baka naglalabing-labing na ang mag-asawa.

Iyakan.

Madals, kung walang labing-labing, naririnig ko ang iyak ng babae. Pinapatigil ng lalaki ang pag-iyak ng asawa: "Di ka titigil sa pag-iyak? Ha? Ha? Ayaw mong tumigil? Gusto mong makatikim?" Nai-imagine ko, base sa pattern ng pag-iyak, nakaamang ang kamao ng lalaki sa mukha ng babae. 'Pag di pa rin tumigil, magsisisigaw at magbabasag ng kung anu-ano ang lalaki. At kung di pa rin mapatahan ang asawa, magwo-walk out ang lalaki.

Hiwalayan.

Ilang linggo na ring walang World War. Matapos kasi ng latest nilang giyera, lumipat na sila ng tirahan. 'Yun ang akala ko. Kaninang umaga, nagising ako dahil sa isang malakas na iyak. 'Yung babae. Ikinukuwento sa ilang mga kapitbahay ang nangyari sa kanilang mag-asawa. Siyempre, nakiusyoso ako. Di ko siya nakikita dahil nasa loob lang ako ng bahay. Nilinis ko ang tenga para marinig ang usapan nila.

Ang sabi ng babae, ilang linggo na raw i nagpapakita sa kanya ang asawa. Di rin daw alam ng mga magulang ng lalaki kung nasa'n siya. Akala raw niya, nasa Mindanao. Pero wala raw siya do'n. Iyak siya nang iyak lalo na no'ng mag-alala siya kung pa'no bubuhayin ang anak nila. Sa pagkakarinig ko, saka lang tumanggap ng trabaho ang babae matapos makipaghiwalay sa asawa. Ayun, nag-a-ala Joe D' Mango at Tiya Dely ang mga kapitbahay

Kinuha ng babae ang mga natitirang gamit sa bahay. Pero halos wala na raw mapakinabangan dahil sira-sira na ang TV, aircon, at electric fan at basag-basag na rin ang mga plato.

Pagkaalis ng babae, narinig kong may mag-asawang nag-i-inquire sa landlady kung magkano ang upa sa bahay.

Serbis and Indie Crap

"Serbis", originally uploaded by paderewski

Alam naman na siguro ng lahat na kinatay at itinapon ng mga kritiko sa kangkungan ang "Serbis" ni Dante Menoza sa Cannes Film Festival. Sabi ng isang kritiko: "Finally, what would a Cannes Competition be without a head-scratcher? So far that would be Brillante Mendoza's 'Service' from the Philippines. A 90-minute wallow in frighteningly bad sound and camerawork, nonacting, relentless degradation and sex, the film seems to be here for one reason -- to give the festival its annual jolt of graphic oral sex."

Sabi naman sa Variety: “Hell of another kind is served up in Filipino director Brillante Mendoza's "Service," which stands both as the year's seemingly obligatory hardcore-sex art picture and, by general agreement, the entry most wildly out of place in the Competition.”

Maraming Pinoy, at least sa peyups.com, ang nanggagalaiti kung bakit padala tayo nang padala ng mga pelikulang tunfkol sa kahirapan, prostitusyon at violence sa mga international film festivals. Kaya raw di tayo makausad kasi ine-exoticize ng mga pelikula natin ang bansa at ang danas nating mga Pilipino. Bakit daw hindi tayo gumawa ng mga pelikulang ishino-showcase naman ang good and bright side ng bansa.

May point naman sila. Pero, para sa akin, hindi ‘yun ang nakikita kong main problem. Ang hinahanap ko kasi, sinseridad ng mga filmmaker at producer sa paghawak at pagtalakay sa subject matter. So ayos lang sa akin na magpalabas nang magpalabas ng mga pelikula on poverty, sex, homosexuality, and violence. Basta may honesty at may compassion sa subject. Hindi ‘yung tipong “Ay, kelangan kantot nang kantot ang taga-squatter na bida at pagkatapos magpapatayan sila in the end para kumita ang pelikula ko.” Usually kasi, ganun ang mentalidad ng ilang filmmaker. Lumalabas kasi na lalong nae-exploit ang mga exploited.

Tulad ngayon, naglipana ang mga indie gay film sa Pilipinas. Marami, sad to say, mapagpanggap. Ginagamit lang nilang maskara ang label na “indie film” (meaning, art film) para pagtakpan ang ultimate objective nilang makalikom ng tubo. Marami ring filmmaker ang nabubulag sa idea na ang isang magandang art film ay kelangang explosive at may matinding shock value. May iba namang naghahangad ng kasikatan, ‘yung tipong gumagawa ng pelikula para sa mga international film festival.

Sukang-suka ako sa “Ang Lalake sa Parola”, “Ang Lihim ni Antonio”, at “Pantasya”. Tangina, sumasabog ang utak ko sa kaiisip kung bakit may ganitong mga pelikula. Ayos lang sa akin ang mga sex scenes. Pero hindi ako interesado kung paano nag-umpugan ang betlog ng mga bida; gusto kong malaman kung paano hinubog ng sitwasyon ang mga bida para magkantutan/ maglaplapan/ maglamasan/ magtsupaan at ano ang consequences nito sa buhay nila. Disente ang “Masahista”, medyo may pagkapretentious nga lang. Pinakagusto ko ang “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” dahil sinasagka nito ang mga stereotype ng kabaklaan at kahirapan.

Di ko pa naman napapanood ang “Serbis”, so no comment na lang muna ako kung karapat-dapat ba itong itapon sa imburnal.

Friday, May 23, 2008

The Diving Bell and the Butterfly


Katatapos ko lang panoorin ang “The Diving Bell and the Butterfly” ni Julian Schnabel. Inaalikabok na ang DVD copy sa rack nang mabasa ko ang status message ni Tina. Ayun, since wala namang ginagawa, mapanood nga. Ito lang ang masasabi ko: W-O-W! Ganito ang gusto kong pelikula. ‘Yong tipong astig sa presentation ng POV. So far, para sa akin, ito ‘yung pelikulang pinakarakenrol ang paglalahad ng POV. As in literal na kumukurap-kurap at nagbu-blur-blur ang kamera. With matching dialogue na pamatay talaga. ‘Yong bida kasi, na-stroke. Na-coma ng tatlong linggo. No’ng magising siya, naparalyze ang buong katawan niya. Hindi siya makapagsalita. Pero nakakakurap siya, nakakakita at nakakarinig. At logical pa rin siyang mag-isip.


Pangarap niyang makapagsulat ng nobela, pero di nga puwede kasi meron siyang “locked-in syndrome”. Para makapagsulat, nirerecite ng isang transcriber ang alphabet according to frequency of use at kikindat siya sa letra hanggang sa makabuo ng salita. Imagine, it takes minutes to form a sentence. Natapos niya rin ang nobela at namatay 10 days after its publication.


Bukod sa napakainnovative, may kurot sa puso ang pelikula. Ang relasyon niya sa pamilya, sa tatay niya, sa babaeng minahal niya. At kung pa’no siya nag-struggle para mabuhay sa pamamagitan ng imagination at memory. Ang “The Diving Bell and the Butterfly” ay hango sa buhay ni Jean-Dominique Bauby. Ito rin ang English translation ng nobela niyang “Le Scaphandre et le Papillon”. Kelangan ko 'tong basahin.

Saturday, May 17, 2008

El-bi-em


Kainis ang tiyan ko. Ayaw magpatalo sa pagsusungit ni Cosme. Ngayong araw, anim na beses na akong umeebak. Pururot kung pururot. Imagine-in n'yo 'yong kay Freddie Prinze, Jr. sa "Head Over Heels". Sumisirit talaga. At parang Tang na tumatalsik sa pisngi ng puwet ko. Minsan sa bayag. Ewwww na kung ewwww. Pero gano'n ang nangyari.

Wala na nga akong mukhang ihaharap sa mga kapitbahay ko. Feeling ko kasi, nabubulahaw sila ng pagpururot ng tae ko. Nakakaiskandalo. Sana may sound proofing device sa banyo. kaya 'yon. Ingat na ingat ako sa pag-iri. Kuyom ang mga palad. Nakapilantik ang mga daliri sa paa. Para maiwasan ang pagsabog ng atomic bomb.
Ewan ko kung bakit sinusulat ko 'to. Wala lang talagang magawa. Walang dumating na project. Walang raket. Walang magandang palabas. Gusto kong magbasa pero masakit ang mata ko.


So 'yon.

Friday, May 16, 2008

Ulan, Chicken Sopas, Ayn Rand

Originally uploaded in The Firefly Forest


Maaraw nung nagising ako kanina. Medyo bad trip ako. Ine-expect ko kasing maulan. E, kagabi, ang lakas-lakas ng ulan. Basta. Masaya ako pag tag-ulan. Walang halong drama. Walang emote-emote-an.
Tapos ayun, narinig ko ang patak ng ulan sa mga yerong bubong. Sinabayan pa ng malakas na hangin. Nagsindi ako ng yosi. Wala nang tatalo pa sa kombinasyong yosi-tag-ulan. Ang lakas ng ulan at ng hangin. May bagyo yata. Sabi ko, sana lalo pang lumakas. pero binawi ko rin. Naawa kasi ako sa mga nakatira sa ilalim ng tulay, sa tabing-dagat, at sa mga lugar na madaling bahain.


Pero yun. Ang saya-saya ko.

----------


Originally uploaded by Shai Coggins


Nagluto ako ng chicken sopas. As usual, disaster na naman. Wala yata akong ma-perfect na luto. Ang chicken adobo, nagiging pritong manok na may konting sabaw na di masarap. Ang bicol express, nagiging binagoongan. Ang inaraw, nagiging pinakbet. Yung chicken sopas, parang naging carbonara. Walang sabaw. Sa'n ka pa. At nag-uumapaw ang sahog na manok. Ang labas, manok na sinahugan ng sopas.

At dahil naubos ang gasul, sa rice cooker ko pinakuluan ang manok at iginisa ang mga sahog. Dito ko niluto ang chicken sopas. At dito ko rin ipinirito ang dalawang hita ng manok. Ayos na sana, pero nung nasa kalagitnaan ako ng pagluluto, nag-brown out. Pusang gala talaga! Ganun din nung nagluto ako dati ng adobo sa kalaliman ng gabi. Nasa kalagitnaan nang maubusan ng gasul. Nyemas.

Eto, mini-midnight snack ko ang chicken sopas na parang hindi.

----------


Nung Miyerkules ko pa binili ang "The Fountainhead" ni Ayn Rand, pero kanina ko lang sinimulang basahin. First pages pa lang ako, kasi nga, nag-brown-out. Mukhang magugustuhan ko ang akda. Sa simula pa lang kasi, nakikisimpatya na ako kay Howard Roark. Sana masustain ang interest ko hanggang sa huli. Medyo impatient kasi ako sa mga mahahabang nobela. Lalo na kung microscopic ang font size.

Wednesday, May 14, 2008

Bago ko Makalimutan

Medyo sumasablay kasi minsan ang short-term memory ko, so kelangan ko nang isulat 'to. Bago ko pa makalimutan.

May 10 - Naparami ako nang inom sa Gerry's Grill sa Alimall. Di ko kinaya ang kalasingan kaya nagpahatid ako kay Steve pauwi. Nagsuka ako sa loob ng taxi. Kadiri. Pero sabi naman ni Steve, di naman daw nalaman ng driver. Siyempre, ingat na ingat talaga ako no'ng nagsuka ako. Walang tunog. Walang guwaaaarrrk! Wala ring plak! Akala ko nga nalaman, kasi umamoy. Maasim-asim. Parang lugaw lang na pinigaan ng kalamansi. At natawa ako sa dalawang candy sa suka ko.

May 12 - Birthday ni Mama. Muntik ko nang di ma-greet ng hamberdey. Ang daming kinuwento ni Anmare. Mga kamanyakan sa Cebu. hahaha. Ang hot talaga ng friend kong 'to. Nag-pictorials din pala kami nina Anmare at Quens. Superhero ang theme. Pero nagmukha akong serial killer. Laro ng Cardinal Game sa bahay with Steve. Naknampusa, tumba uli ako. Malakas ang kalaban. Apat na SMB grande. Sobra, di naman ako talaga umiinom.

May 13 - Nood ng farewell concert ng UPSA sa Church of the Risen Lord with Anmare, Quens, Cyrho, and Mako. Bago pala 'yan, binilhan ko sila ng lechon manok para sa lunch namin. Bumawi lang. Di na kasi ako nakabalik sa boarding house sa Dagohoy no'ng isang gbai. Di ko rin naisoli ang cell phone kay Anmare. Dinner sa Arcade after ng concert. Nakita namin si Charm at Tina. Sumunod si Brian, may dalang ice cream! Cookies and Cream! Yehey! Videoke sa boarding house gamit ang Xtreme Magic Sing (Exstrem, ekstrem magec seng - Manny Pacquiao).

May 14 - Comatose bored ako sa bahay. Lumabas ako at bumili ng "The Fountainhead" ni Ayn Rand. Basta, ang corny ng dahilan kung bakit binili ko siya. Naintriga kasi ako sa tunggalian ng lovers. Dumiretso ako sa Cubao, sa bahay nina Xandy at Jay. Nano'n na sina Anmare, Quens, at John. No'ng tanghali pa pala sila nando'n. Tawa kami nang tawa sa mga pinanonood na kahayupan sa Animal Planet. Lalo na ang mga matatabang sea lion na talagang ume-effort sa paggapang. Parang si Anmare lang. hahaha.

Thursday, May 8, 2008

May Mumu sa Bahay!


Sabi ng dati kong kapitbahay, may nagpapakita raw sa kanyang multo. Duda ako no'ng una. Feeling ko, na-bore lang ang babaeng 'yon dahil maghapon siyang nakakulong sa bahay nila. Baka sa sobrang pagkabagot, kung anu-ano na ang nakikita. Tsaka sabi ng tsismosang landlady ko, may topak daw 'yon (mukhang di naman).

Sa bahay natulog kagabi si Steve. Ilang sandali lang matapos kong patayin ang ilaw, at nang patulog na ako, pa-casual na sinabi ni Steve, "Shit, may dalawang bata." Pasimpleng ginalugad ng mga paa ko ang kumot. Siyempre, ayoko namang ipakitang takot ako. Sabi ko na lang sa kanya, tapang-tapangan mode, "A, oo. Meron talagang nagpapakita dito. Nakita na nga ng kapitbahay ko."

Di nagsalita si Steve. Tumahimik na rin ako. Kahit nakapikit na, nai-imagine ko ang dalawang batang sinasabi ng kaibigan ko.

Ako: May nakita ka ba talaga? Baka joke mo lang 'yon, ha.
Steve: Matulog ka na.
Ako: May third eye ka pala, di mo sinasabi sa akin. Sa'n mo sila nakita?
Steve: 'Wag na, baka lalo kang matakot.
Ako: Di 'yan. Ako pa.
Steve: Bukas na lang.
Ako: Nakakainis ka. Sana di mo na lang sinabi.
Steve: Sorry.
Ako: Shit, naiihi ako. Samahan mo naman akong buksan 'yong ilaw.

Tinulugan ako ng kaibigan. Kesa naman mabasa ng ihi ang higaan namin, bumangon ako para jumingle. Binuksan ko ang ilaw. nakiramdam ako. Sa'n kaya nakita ni Steve 'yong dalawang bata? Nakabigti sa kisame? Nakahiga sa sofa? Nakatayo sa ibabaw ng mesa? Nakaupo sa lababo? Nakaluhod sa paanan ng kama? Ay, ayokong isipin.

Kinulit ko nang kinulit si Steve kinaumagahan. Di kaya ako nakatulog nang maayos.

Ako: Sa'n mo nakita 'yong dalawang bata? Anong suot nila?
Steve: Actually, di ko nakita kung ano'ng suot nila. I only saw their heads.
Ako: A, floating heads?
Steve: I didn't say wala silang katawan.
Ako: Nakasilip sila? Saan?
Steve: Sa bintana.
Ako: Shit, ang taas kaya ng bintana. Nakalutang sila? Babae o lalaki? Ano'ng hitsura nila? Hostile ba? Mukhang harmless?
Steve: Babae. Parang inaagnas na ang mukha nila. Nakasimangot. I'm not sure kung apparition o ghosts sila.
Ako: Regular tambay ba sila dito?
Steve: Parang.
Ako: Shit. Sana talaga di mo na lang sinabi.
Steve: Gusto mo, i-open natin ang third eye mo?

9:30 na nang gabi. Habang sinusulat ko 'to, di ko alam kung nakatingin sa akin ang dalawang bata. Baka nasa likod ko lang. O nasa tabi. O nakakandong. A, bahala na mamaya. Magtatalukbong na lang ako ng kumot kahit mainit.

Monday, May 5, 2008

Summer, Electric Fan, Trabaho, Ulan

Di ko maintindihan kung bakit patok na patok ang summer. Ang naiisip ko kasi 'pag summer, skin cancer, balakubak, body odor, dark underarms, hairy underarms, bungang araw, migraine, dehydration, oily face, at malagkit na balat.

Overrated ang summer.

------

Nagising akong basang-basa ang higaan. Puwede nang pigain ang pawis. Akala ko no'ng una, brownout lang, di kasi gumagana ang electric fan. 'Yon pala, nagrebelde ang electric fan. Napuno na yata dahil sa umagatanghaligabing pagtatrabaho para malamigan lang ang kanyang amo. E di pinagpahinga ko muna. Ilang sandali lang, nang di ko na makayanan ang pagkatunaw ng katawan ko, binuksan/sinindihan/pinagana ko ang electric fan. Happy New Year! Sumabog ang kaisa-isang electric fan dito sa bahay. 'Yong electric fan na minana ko sa mga dati kong housemate.

Kung kelan nagbabaga ang Metro Manila.

------

"We regret to inform you that we will no longer require your services and we wish you all the best in your future endeavors." Di na ako nagulat dito. Sa simula pa lang, ramdam ko nang pinag-iinitan ako ng editor. Na kesyo nahihirapan daw intindihin at basahin ng mga Intsik na businessman ang sinusulat ko. Na kesyo masyadong academic daw ang sinusulat ko at di bagay sa isang magazine. Na kesyo hirap daw sila sa pag-eedit sa mga articles ko. Blah blah blah. Ok lang. di ko pinangarap magtrabaho sa isang magasing binobobo ang mambabasa.

------

Umulan.

Summer na summer, biglang umulan. Ang saya.

Sigurado ako, iniisip n'yong corny ako. Na ginamit ko ang ulan para maawa kayo sa kalagayan ko. Na hindi ako magaling na writer dahil lalo kong dinadrama ang drama. Ang totoo n’yan, nainis ako sa ulan kanina. Hindi kasi nilubos ang pagbuhos. Parang bumahin lang ang langit. Pinasingaw lang ang init ng lupa at mga yero. Dahil sa kapiranggot na ulan at sa singaw ng lupa, naging isang malaking oven ang apartment.

Sunday, May 4, 2008

Raket

Ilang taon na rin pala akong nabubuhay sa paraket-raket lang. Nakakapagod, pero pinagti-tiyagaan ko na lang. Ok na ‘yon, kesa naman maburyong ako sa kauulit ng “Hi, how may I help you” o “Thank you for calling” sa call center. Bukod sa matigas pa sa bato ang dila ko, madaling magpanting ang tenga ko. Baka ma-putang ina ko lang ang mga tatanga-tangang kostumer. ‘Wag na. ‘Yoko nung napaliligiran ako ng mga hilaw na Inglisero’t Inglisera. Baka pagpuputul-putulin ko’ng mga dila nila. ‘Yoko rin ‘yong de-numero ang bawat kilos. ‘Yong segu-segundo, minomonitor ka ng supervisor. ‘Yong pati pag-ihi, inoorasan. Ayokong maging robot. ‘Wag na, uy.

Basta, napapaso ako sa opisina kaya hindi ako tumatanggap ng mga trabahong ikukulong ako sa kahong de-aircon. Siguro, kung tatanggap ako ng permanenteng trabaho (aba, parang ang trabaho ang lumalapit sa akin, a), baka ‘yong pagiging guro. Sabagay, pamilya naman kami ng mg guro. Si kuya, high school teacher. Si mama, sa elementary. Si Tita Aura, principal sa St. Joseph sa Cabanatuan. Si Tita Fe, assistant principal sa Vocational sa Isabela. Si Tito Ely, nagtuturo sa Sultan Kudarat. Si Tita Nanet at mga pinsan kong sina Ate Karen, Ate Grace, Ate Donna, Angie, mga guro rin.

Pero iba na’ng uso ngayon. Kung hindi call center, nursing. Si Girlie, ‘yong kaibigan ko no’ng college, graduate ng Pol Sci sa UP. Pero kumuha ng nursing. Nasa States na ngayon, kasama ‘yong napangasawang pinoy na nurse. Si Kuya Mark, orgmate/dormmate/classmate/provincemate/inomate (kainuman, ang corny) ko, nag-nursing sa Fatima. E, graduate kaya ng Public Administration sa UP ang mokong na ‘yon. Balita ko, nasa ibang bansa na rin siya ngayon. Sina April, Andrea, at Sheila, mga pinsan ko, malapit na eing lumipad papuntang States. E, di maganda, sama-sama sila ng tita kong ilang dekada nang nurse do’n.

Muntik na nga rin akong kumuha ng nursing dati. Gusto ko kasing nagsusuot ng puti. Parang ang linis-linis tingnan. Tsaka nagmumukhang guwapo talaga ‘pag nakasuot ng puti. Pero nasusuka ako ‘pag iniisip ko ang pagtalsik ng dugo sa puting tela. Di ko kaya. A, ewan. Baka nga maging guro rin ako, eventually. ‘Yon nga lang, medyo may pagka-antisocial ako. Di bagay sa isang guro. Sabagay, kung sa UP nga, maraming gurong antisocial. Puwede rin siguro akong magturo. ‘Wag lang akong pagtindahin ng sopas o ice candy o tocino.

Maliban sa niraraket ko ngayon, may iba pa akong pinagkakaabalahan. Nagsusulat din ako ng horror stories at freelance reporter sa isang monthly business magazine. P1,500 per article ang bayaran. Ang baba, ‘no? Ayos lang, gusto ko lang kasing nakikita ang pangalan ko sa magazine. Medyo nakakainis lang ‘pag dinidiktahan ng editor kung pa’no ako magsulat. ‘Yong huling sinulat ko, tungkol sa agricultural export ng China, ang boring daw. Dapat daw, gan’to. Dapat daw, ganyan. Ang lead, gawing mas creative. Ang mga sentence, mahahaba. Ang mga heading, lagyan ng kuwela. Nauubos daw ang oras niya sa pag-eedit ng article ko. Buti na lang di kami magkaharap no’ng sinabi n’ya sa ‘kin ‘yon. Baka napugutan ko siya kung saka-sakali. Editor lang siya. Kung wala kaming nagsusulat, wala siyang ie-edit. Wala siyang trabaho.

Bakit nga ba tungkol sa mga raket ko ang sinusulat ko ngayon? Wala lang, di ko pa kasi ako binabayaran do’n sa huling tinrabaho ko.

Friday, May 2, 2008

Oh-Em-Gee! Muntik na akong Papakin ng Daga!

Dali-dali akong bumangon. Dali-dali? Di naman ako nagmadaling bumangon. Pa’no ko ba ide-describe? Kasi, pag sinabing nagmadali, conscious ka sa action mo. E, nagising ako kasi pakiramdam ko may ngumangatngat sa daliri ko. Siyempre, di ko naman inisip na kailangang magmadali akong bumangon. Bago ko pa man naisip na bumangon, nakatayo na ako. Napatalon? Di naman ako napatalon talaga. Napabalikwas yata ang tamang verb. A, alam ko na. Alam mo ‘yong sarap na sarap kang natutulog, tapos bigla kang magigising dahil papuputukin ng mga lokong kaibigan ang lobo sa harap ng mukha mo? Tapos pagtatawanan ka nila dahil mukha kang ewan. Mismo. Ganyang-ganyan ang nangyari sa akin.

Binuksan ko agad ang ilaw. Tiningnan kong maiigi ang hintuturo ko. Tama ang hinala ko, may bubwit nga na ngumatngat sa kalyo sa hintuturo ko. Nagtaasan ang mga balahibo ko sa batok. Alam kong gabi-gabi, dinadaan-daanan ako ng mga ipis habang natutulog. Pero hindi ko ma-imagine na pinagtitripan din pala ako ng mga bubwit. Nakakadiri. Buti sana kung ginawa lang nilang pasyalan ang katawan ko. Parang Luneta. Hindi, e. Ang tingin nila sa akin, pagkain. Naalala ko tuloy ‘yong mga napapanood ko sa TV. ‘Yong mga baby na pinapapak ng mga hinayupak na daga. A, kaibigang daga pala (gano’n daw dapat ang tawag sa kanila para di magalit).

Kahit kalyo lang ang nangatngat ng kaibigang bubwit, sinabon ko nang sinabon ang daliri ko. Halos mapudpod sa kakukuskos. Binuhusan ko rin ng alcohol, para ma-disinfect. Di ko pinangarap mamatay sa leptospirosis. Leptospirosis. Di ako sigurado kung nakukuha rin ang sakit na ‘yan sa kagat ng kaibigang daga. Ang alam ko, nakukuha ‘yan sa tae at ihi nila. Nakita ko ang bubwit sa may pinto habang nililinis ko ang daliri. Sobrang liit. Parang ‘yong mga dagang plastic na ibinebenta sa may overpass sa Philcoa. Kalbo. Ang cute. A, hindi cute. Nakakadiri. Parang pinaliit na galising tuta.

Kailangan ko ng Racumin.